Kasusulyap ko lang sa telepono ko. Pilit ikinukubli na hindi ako makasabay sa pinag-uusapan niyo.
Ayos lang naman dahil mukhang 'di niyo rin naman napapansin.
Habang tumatagal ang pamamalagi natin dito sa parke, lalo kong napapansin ang papalayong pigura mo.
Dati-rati, ako yung kasabayan mo sa paglalakad pauwi. Nagkukuwentuha't nag-aasaran pa nga tayo. Ni wala akong pakialam sa kung anong iisipin ng mga kakilala ko.
Dati-rati, sa akin ka nagpapasama tuwing tanghalian. Lagi mo pa akong inaalala dahil alam mong hindi araw-araw ay may magagasta akong sobrang pera.
Dati-rati, ako ang sinasabihan mo ng mga kwento at mga problemang pasan mo. Mapa-eskuwelahan man 'yan, kaibigan, o kung ano pa man... dati, sa akin ka tumatakbo.
Dati-rati, sapat na sa aking may kaibigan akong tulad mo na alam kong laging nakaalalay. Masyado kasi akong nabulag sa sandaling atensyon at pagmamahal na nalimutan kong hindi lahat ay permanente sa mundo.
Hindi ko alam kung kailan nagsimula... o kung paano nangyari na isang araw, hindi na ako ang kasa-kasama mo.
Naiintindihan ko naman nung una dahil batid kong hindi lang naman sa akin umiikot ang mundo mo. Hindi lang naman ako ang kaibigan mo.
Ilang ulit akong umintindi nang umintindi nang umintindi.
Pero...
Pagbukas ko ng mga mata ko, tila napalitan na naman ako.
Hindi naman ito tulad noon na mas mauunawaan ko pa dahil halos dalawang buwan din akong nawala. Hindi ito tulad noon na sa tingin ko'y oras ang rason ng pagtatanggal sa akin sa dating kong pwesto.
Kaya... bakit? Papaano?
Pinagmamasdan ko kayong masayang naglalaro ng telepono sa harap ko. Maingay na bumibigkas ng mga terminong hindi ako pamilyar. Wala akong ibang magawa kundi manahimik dahil hindi rin naman ako nakasasabay sa pinag-uusapan niyo.
Hay.
Bakit nga ba kasi ako nandito?
Ah, oo. Miss na kasi kita.
Miss ko nang tumakbo sa'yo at magreklamo't magkwento tungkol sa naging araw ko. O ng mga naiisip ko. O ng mga gawaing parehas nagpapasakit ng mga ulo natin.
Miss ko nang makasabay ka papasok o pauwi nang walang dahilan. Nang basta nagkakasabay lamang. Dahil gusto ko, kahit papaano, hindi ako mag-isa at may makasama ako sa paglalakad.
Miss ko nang ako lang ang pinagkakatiwalaan mo ng mga emosyong bihira makita ng mga kaibigan natin sa'yo. Yung ako lang ang pinagsasabihan mo ng kung anu-ano.
Kasi hindi na tayo gano'n ngayon.
Alam kong wala akong karapatang humiling o humingi ng kahit na ano sa iyo. Kasi hindi naman ikaw yung problema — ako.
Ako itong masyadong nasasaktan.
Ako itong masyadong nalunod sa ilusyon na kailan man, kahit anong mangyari, lagi kang nandyan.
Ako itong nakalimot na may sariling kang buhay.
Ako itong ilusyonada na inisip na walang magbabago sa atin pagdating ng panahon.
Ako itong kinakain ng mga pangmamaliliit ko sa sarili ko.
Ako itong tahimik.
Napag-isip-isip ko na rin na masyado akong tahimik. Masyadong maliit ang mundo ko. Masyadong walang kaintere-interesado sa buhay ko kaya humanap ka ng ibang mas makaiintindi sa'yo.
Boring kasi ako.