Kinati na naman ako. Yung tipo ng kati na hindi maaampat, hindi ka titigilan, hangga’t hindi mo pinagbibigyan. Kahit nasaan ka. Kahit ano’ng ginagawa mo. Kaya heto ako ngayon. Nasa kubeta. Kinakamot ang kati ng palad ko. Sinasalo ang pagbuhos ng mga salita at pangugusap.
Ganyan daw kasi talaga ang pagsusulat. Parang pagbahing. O pag-utot. Kahit anong pigil mo, lalabas at lalabas iyan. Kanina nga, kahit masakit na masakit na ang tiyan ko, tipong nakadungaw na ang barko sa pantalan, eh humagilap muna ako ng panulat at masusulatan bago ako tumakbo sa banyo at nakipag-conference sa pangulo.
Sa ganitong pag-utot ipinapanganak ang mga magagandang likha, tula man, awit o nobela. Ang mga mababangong utot na ito ang mag-aanak ng marami at magagandang mga utot pa. Sa utot talaga nagsisimula ang lahat. O sa masamang tiyan.
Pero minsan, kahit anong ire mo, kahit anong kainin mo, kahit anong sama ng tiyan mo, hindi ka mautot-utot. Kapag napagtripan ka, kahit gaano mo kakailangan magsulat dahil hawak ka na sa leeg ng boss o propesor mo, wala pa rin. Kung papalarin ka, isang paragraph. Pero pag minalas ka, wala ni isang salita. Meron akong research paper na ginawa noon na tatlong oras bago ang pasahan, eh tatlong mga salita lang ang na-type ko – ang pangalan ko.
Napakaraming mga manunulat ang may mga likhang hindi natapos. Mga utot na hindi nakalabas at walang nakaamoy. Katulad ngayon. Natigil ang pagbuhos ng mga salita sa aking isip. Naampat ang utot ko. At kahit anong pilit ko, wala.
Writer’s block. Ito ang tawag dito ng mga propesyonal na manunulat. Ang tawa ko dito, kabag. Pero para sa iba, isa lamang itong mito. Na imbento lamang ito ng mga writer upang may mairason sa kanilang katamaran.
Puwede naman talagang magpatuloy magsulat kahit kinakabag ang writer. Ituloy ang mga naputol na likha. Puwedeng pilitin. Pero ang kalalabasan, manggang pilit pinahinog. Maasim. O utot na putul-putol. ‘Di pa rin mapapanatag si writer. Dahil alam niyang hindi ‘yon ang best na utot niya. Na may maibubuga pa siya.
Katulad ko ngayon. Ito na ba ang best ko? Deserving ba ang utot na ito na maamoy ng iba? Mabango kaya ito? O mag-aamoy kubeta lang ito?
Teka. Kailangan kong maghugas ng puwet.
BINABASA MO ANG
Utot
RandomIsang maiklling pag-utot ng isang maikling kuwento na hindi kuwento. Kayo na ang bahalang humusga kung mabango o mabaho ang utot ko. Pasensya na kung naamoy ninyo nang hindi sinasadya. Salamat kung hindi kayo napilitang amuyin pero inamoy ninyo pa r...