Black and Blue

0 0 0
                                    

Malayo ang tingin ko sa bulubundukin. Napakaganda ng takipsilim. Nakakalungkot lamang na parang ito na ang kahuli-hulihang makikita ko ito.

Iniangat ko ang aking palapulsuhan at minasdan ang marka na pormang spiral, subalit kaunti na lamang ang mga ikot na naririto.

"Malapit na." Sambit ko sa aking sarili.

Maya-maya pa'y dinig ko ang pagbagsak ng kung anong bagay sa lupa. Napabuntung-hininga na lamang ako.

"Azul! Hahahaha nagkita na naman kami ng mga kaibigan ko!" Halakhak ng isang di-kataasang lalaki na kilala ko bilang si Salem.

Hindi ako kumibo, sapagkat batid ko ang nais niyang ipahiwatig sa akin.

"Patayin mo sila, Azul. Bilang kabayaran sa pagtutol nila sa mga plano ko!"

Napatiim-bagang ako.

"Inuutusan kita! Sugo ng Dilim! Dinggin ang aking hiling!"

At sa isang iglap, bumalik ako sa aking nakakagimbal na anyo. Wala na akong ibang pagpipilian pa kundi sumunod at isagawa ang kanyang inuutos.

Matapos kong bawian ng buhay ang kahuli-hulihang tao, bumalik ako sa mortal kong anyo. At hindi ko mapigilang humagulgol habang balot ako ng dugo.

"Isa akong halimaw."

Patuloy akong umiyak hanggang sa nakaramdam na naman ako ng di maipaliwanag na sakit sa aking dibdib.

"Aaaaaaahhhhhh!" Sigaw ko habang iniinda ang kakaibang sakit.

Alam ko ang nagdudulot nito. Sa bawat utos na aking naisasagawa, unti-unti akong humihina at malapit na akong bumigay sa pakikipaglaban ko sa aking nakakagimbal na anyo. At kung ako'y matatalo, tuluyan ng magagamit ni Salem ang aking katawan at ang aking madilim na katauhan upang maghasik ng lagim.

Pilit kong iniinda ang sakit. Subalit, alam ko rin naman na ako ang may kasalanan kung bakit ako'y napaglaruan at ginamit ni Salem.

Nagbalik-tanaw sa akin ang kanyang makisig na anyo noong una kaming magkita. Pinaramdam niya sa akin ang pagmamahal na kailanmang di ko nadama sa kahit na sino.

Pinangakuan niya ako, "Huwag kang magalala, binibini. Ika'y aking palalayain."

At naniwala naman ako. Nang ako'y kanyang pinakawalan sa mga rehas, akala ko ay tuluyan niya akong tutulungan upang lumaya at maging masaya.

Dun ako nagkamali. Sapagkat, itinago niya sa akin ang kanyang tunay na anyo. Ginamit niya ako at ginawang alipin gamit ang mahika ng mga Sinaunang Enkantado, upang magamit niya ang aking kapangyarihan.

At ngayon, malapit na niyang makamit ang kanyang hangarin, sa pamamagitan ko.

Pagmulat ng aking mata ay nasa harapan ko na si Salem, nakangiti na para bang may masamang ibinabalak.

Pinilit kong tumayo.

"Salem, nangako ka sa akin. Malapit na akong mawala. Gamitin mo ang huli mong hiling upang ako'y pakawalan."

"Hindi."

Ako'y natulos at nakaramdam ng kaba.

"Hindi kita pakakawalan pagka't akin ka! Mananatili kang alipin ko hanggang sa kahuli-hulihan mong hininga!"

Pumatak ang isang luha sa aking mga mata.

"Hindi. ."

"Inuutusan kita! Sugo ng Dilim! Dinggin ang aking hiling!"

Ramdam ko na ang aking paglaho, paglaho ng katauhan ko na may kabutihan at liwanag. Pinalitan na ng madilim at buktot kong katauhan.

At sa nakakapangilabot na boses, ako'y tumugon, "Masusunod, aking Panginoon."

Black and BlueTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon