CHAPTER ELEVEN

13.9K 171 2
                                    




MALAMANG  nabulahaw  ang kanyang nanay  sa paghinto ng kotse sa  harapan ng kanilang bahay kaya ganoon na lang ang kaba ni Olive.  Ibang klaseng kaba.
Eksaktong pagpatay ni Kiel nang makina ng kotse ay nabuhay ang  ilaw sa labas at kasunod ang pagbukas ng pinto.
Dali-dali nang umibis ng kotse si Olive. Napansin niya agad ang seryoso at madilim na ekspresyon ng mukha ng nanay niya. Kunsabagay,  kagigising lang kaya  siguro hindi maganda ang mood. Inisip niyang kasama naman niya si Kiel, hindi naman siguro magagalit ang nanay niya. Kumbaga, malakas ang kanyang padrino    kaya malamang abswelto siya sa sermon.  

"Bakit ngayon lang kayo?"  tanong kaagad ng  kanyang nanay, sa tonong naninita.

"Magandang umaga na po, Tita,"  magalang namang bati ni Kiel. Kung kinakabahan man ito na kagaya niya ay mahirap hulaan.

Hindi  tumugon ang kanyang nanay at sa halip ay tumalikod. "Pumasok na kayo sa loob," malamig na sabi nito.

Nagkatinginan sila ni Kiel. Hindi niya mabasa kung ano ang tumatakbo sa isip ng kaibigan. 

Sa sala, nagpalipat-lipat ang tingin ng nanay niya sa kanila  ni Kiel . Kapwa sila nakaupo sa     kawayang upuan. Wala ang dating nakangiting mukha ng ina.  "Bakit inabot kayo ng ganitong oras? Pasado alas-dos na."

"Nanood  po kasi ng gig namin si Olive, Tita," maagap at magalang na sagot  ni Kiel. Habang sinasabi iyon ay nakatingin ito nang deretso sa nanay niya, patunay na nagsasabi ang binata ng totoo.

"Wala kang sinabi na manonood ka ng gig, Olivia," biglang baling sa kanya ng ina, nasa tono pa rin ang paninita.  "Ang paalam  mo sa akin ay magpa-practice lang kayo."

Sa sulok ng mga mata ni Olive ay  alam niyang biglang napatingin sa kanya si Kiel. Napilitan tuloy  siyang saglit na tumingin dito, halatang nagtatanong ang mga mata ng binata sa kanya. Subalit mabilis din itong nakabawi. 

"Pasensiya na po, Tita,  sa sobrang busy ko po kanina eh  nawala na po sa loob ko na tumawag sa inyo para ipagpaalam si Olive."

"Bueno, umuwi ka na, Kiel. Masyado nang late. Kami na lamang ng anak ko ang mag-uusap. Mag-iingat ka sa pagmamaneho mo."

"Opo. Sige po. Salamat po." Tumingin muna ito sa kanya at saka lumabas. Mayamaya pa ay maririnig na ang makina ng kotse hanggang sa maging tahimik na uli ang paligid.
"Ayoko nang maulit pa ito, Olive. At mula ngayon, bawas-bawasan mo na ang pagsama-sama kay Kiel."

"Nanay naman..." protesta niya. "Hindi naman po kasalanan ni Kiel, eh. Ako po ang namilit na manood ng gig nila pagkatapos po ng praktis."

"Narinig mong sinabi ko? Mabuti pang   putulin mo na ang pakikipagkaibigan mo sa lalaking iyon."
Napasinghap siya sa naging pahayag na  iyon ng ina. May hatid na kurot iyon sa puso niya. Bakit ganoon agad ang desisyon ng kanyang nanay?

"Bakit naman po? Eh, wala naman pong ginagawang masama si Kiel. Inihatid naman po niya ako."

"Saan talaga kayo galing at ano ang ginawa ninyo? Amoy alak ka. Mukhang nahahatak ka na niya sa hindi magandang gawain. At iyon ang bagay na ayaw na ayaw   kong mangyari, Olivia."

Hindi niya ma-imagine ang sariling iiwasan niya si Kiel. Hindi niya magagawa iyon. Nasanay na siya sa presensiya ng kaibigan. Isipin nga lang niya na hindi na niya ito mapupuntahan sa bahay nito ay parang gusto na niyang maglulupasay at magpapalahaw ng iyak.

Gayonman, kinalma niya ang sarili. Kasalanan niya kung bakit ngayon ay tila nasira ang tiwala ng nanay niya sa kaibigan. Wala naman talagang kasalanan si Kiel. Siya ang may kasalanan.

Kung hindi siya nagsinungaling, idinahilan niya si Kiel ay  hindi sana masisira ang tingin ng nanay niya sa kaibigan.

"Ngayon pa lang habang maaga pa, lumayo ka na sa taong posibleng magpahamak sa iyo. Alam ko, dahil nanggaling na ako sa ganyan. Nakita mo, dadalawa na lang tayo sa mundo. Ang mga magulang ko, ang sarili mong lolo at lola, hindi nagawang tanggapin ang naging pagkakamali ko. Hindi  nila ako mapatawad sa pagdadala ko ng kahihiyan sa kanila. Maski ang dalawa kong kapatid, sinisisi ako at ikinahihiya.  Hindi nila ako matatanggap hangga't wala ang tatay ng ipinagbubuntis ko. Pinatigil nila ako sa pag-aaral  na kahit anong pakiusap ko na gusto kong tumuloy na matapos ang semestre,hindi nila pinakinggan.  Masakit, anak. Masakit. Naiintindihan ko sila nang itaboy ako para hanapin ang tatay mo. Makakauwi lang ako kapag may maipapakita akong kasamiento ng kasal.  Pero  iyong tatay mo, nagtago na.  Ayaw nang magpakita  mula nang ipaalam ko sa kanya na... na buntis  ako." Bahaw itong tumawa.

MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon