NAGMULAT si Xien. Malalabong pigura ang nakita niya, na nang maging malinaw ay nakilala niya agad. Si Ruri na nakahilig sa balikat ni Redah ang una niyang nakita. Ilang segundong napatitig lang si Xien sa mga bagong kasamahan—walang malay o tulog? Hindi niya alam.
Nasaan kami? sa isip niya at dahan-dahang iniikot ang tingin—sa kuwarto na walang kahit anong gamit. Nasa kabilang dingding pala nakasandal sina Ruri at Redah. At siya...
Na-realize ni Xien na nakasandal siya sa malamig na dingding. Marahan siyang nag-angat ng ulo at bumaling sa katabi.
Jadd?
Parang tumalon ang kanyang puso. Buhay ka? Ang paghinga agad nito ang pinansin ni Xien. Napahagod siya sa dibdib. Nagsikip ang paghinga niya sa relief. Normal ang pagtaas-baba ng dibdib ni Jadd sa bawat paghinga!
Buhay si Jadd. Hindi ito naging abo—Natigilan si Xien. Nasa dibdib pa ng lalaki ang hiwa sa tela. Hindi bangungot lang ang eksenang nakita niya. Sinaksak ni Catarina si Jadd. Pero nasa tabi niya ngayon ang lalaki. Hindi na ba namamatay sa saksak sa puso ang mga bampira? O sa pelikula lang talaga nangyayari ang ganoon?
"Jadd?"
Walang reaksiyon ang katabi.
"Jadd?" mas malakas nang tawag niya.
Pumitlag ang lalaki, gumalaw ang ulo bago dumilat. Gaya ni Xien, sina Redah at Ruri din ang una nitong nakita. Nasa tapat kasi nila ang dalawa.
"Tang ina," dinig niyang ungol ni Jadd. Halatang-halata ang pagkaalarma. Agad sana itong tatayo pero bigla ring tumigil nang bumaling sa kanya at nagtama ang mga mata nila. "Xi..." At parang wala sa loob na umangat ang kamay nito at lumapat sa sariling dibdib. Nakapa nito ang butas sa T-shirt na iniwan ng armas ni Catarina.
Niyuko ni Jadd ang sarili. Nagsalubong pa ang mga kilay nito at umawang ang bibig.
"Buhay ka," sabi ni Xien at ngumiti. Tumingin lang siya sa mga mata ni Jadd. Maliwanag ang kuwarto kaya kitang-kita niya na mula sa alertong tingin, nagkaroon ng ibang damdamin ang mga mata nito. "Sinaksak ka ni Catarina...diyan." Itinuro niya ang dibdib nito. "Nakita ko..." Napalunok siya. "Pero... nandito ka, ligtas. Dapat lang. Hindi kita mapapatawad kung nang-iwan ka..."
Walang reaksiyon si Jadd. Tumingin lang din ito sa kanyang mga mata. Ilang segundong nagtama lang ang mga mata nila.
"Okay ka lang, Xi? Hindi ka nila sinaktan?" basag nito sa katahimikan.
"Okay lang ako."
"Catarina ang pangalan ng babaeng bampira? Kilala mo?"
"Kaibigan daw siya ni Irisha. Nagpakilala no'ng sinundo niya ako sa kubo."
"Kaibigan?"
"'Yon ang sinabi sa akin. Kilala niya ako..."
Tumingin si Jadd sa mga kasamang katapat nila. "Mukhang kilala niya ang mga Rayos."
"Bakit iuutos ni Irisha na sugurin ang Owl Village at saktan tayo?"tanong ni Xien.
"Sana alam ko ang sagot," sabi ni Jadd at huminga nang malalim. "Wala rin akong maintindihan, Xi. Hindi lang pala ang kamag-anak ni Ben ang nawawala sa kabilang bayan. May iba pa. At sila ang kumidnap sa mga nawawalang tao, pati dito sa village noong gabing iyon din. Ginamit nila para magpakita ang Owl."
Napapikit si Xien. Sabi na nga ba, eh!
"Ano'ng kailangan nila? Ang Owl, ang Rayos o... ako?"
"Iniisip ko rin, Xi. Wala akong alam na posibleng maging koneksiyon nila sa boss ng Owl para maging personal na laban ang pag-atake sa amin. Sa Rayos lang o sa ating dalawa ang naiisip kong rason."

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.