Chapter 8
Karera
Walang tigil sa paglalakad ang aking mga paa na pabalik-balik sa magkasalungat na direksyon sa loob ng aking silid, habang mariing pinuproseso ang mga salitang binitawan ni Nikos.
Ang aking kanang kamay ay bahagyang nakahawak sa aking baba at ang aking kaliwang braso ay nakasuporta rito.
Tulad ng ibinabang desisyon ng mga nakatataas na dyosa, kailangan kong manatili at maghintay para marinig ang kanilang opinyon sa mungkahing aking inihain sa kanila.
Saglit akong natigil sa paglalakad, pinilit pakalmahin ang sarili sa pamamagitan ng paghinga nang malalim, ngunit ang paraang ito ay hindi man lang nakaalis ng patuloy na pagkirot sa aking dibdib.
Labag man sa loob kong magsinungaling at isangkalan ang paniniwalang matagal ko nang kinamumuhian, wala akong magagawa. Ito lamang ang natitira kong alas para makuha ang karapatan mula kay Nikos.
Ngunit ang higit na bumagabag sa akin ay ang mga salitang binitawan nito sa akin. Ilang taon ang lumipas nang huli kaming nagkita at maraming maaaring mangyari.
Nagkaroon siya ng anak at isa itong babae. Hindi ako nagkakamali sa impormasyong tanging mga lalaking bampira lamang ang isinisilang dala ang dugo ni Andronicus Clamberge IV sa hindi maintindihang dahilan.
May ibig sabihin ba ang pagsilang ng babaeng bampira sa kanilang salinlahi? O may mga bagay pa akong hindi nalalaman sa nakaraan?
"Ngunit siya mismo ang nagsabing ang kanyang sariling kapareha ay nagawa siyang talikuran dahil sa dugong nananalaytay sa kanya? P-Paanong nagkaroon siya ng anak?"
Naupo na ako sa aking kama at napatitig ako sa aking mga kamay.
"May hindi pa ako nalalaman, Hua. Kung posibleng nagmahal muli si Nikos at nagkaroon sila ng supling... bakit ito isinilang na isang babae?" tanong ko kay Hua.
"Tila may mali..." sambit ko.
Nasapo ko ng aking mga kamay ang aking mukha habang mariin akong nag-iisip, sa aking mga nakapikit na mga mata.
Sa mata ng mga dyosa mula sa Deeseyadah, matagal nang pumanaw ang pinakamalakas na dyosa na siyang namuno sa pitong maalamat na trono ng kapangyarihan. Nagmahal, tinaraydor, hinagupit ng kasakiman at pumanaw na may bulong ng iba't-ibang klase ng sumpa na magdadala sa kaayusan sa hinaharap.
Kung ang pagsilang ng mga lalaking bampirang may dala ng dugo ni Clamberge IV ay galing sa ilang sumpang iginawad ng dyosa, sa paanong paraan magkakaroon ng pagkakataong maputol ito at may isilang na bampirang babae?
Ang sumpa ng isang dyosa ay kailanman ay hindi na mababago o mabubura sa sandaling pumanaw na ang dyosang naglapat nito...
Ngunit may nag-iisang paraan para magkaroon ng kapangyarihan ang isang dyosa na galawin ang sumpa ng isang partikular na dyosa, ito ay kung may mahigpit itong koneksyon sa kapangyarihang kanyang pinaglilingkuran. Isa nang magandang halimbawa ang iginawad nitong sumpa sa mga lobo at bampira, tanging Dyosa lamang ng buwan ang maaaring makagalaw dito.
Pero sa parte ng salinlahing pagsilang na iisa ang kasarian, wala akong matandaang may dyosang namamahala sa ganitong kakayahan...
Marahas akong napamulat sa huling katagang lumabas sa aking isipan at agad akong nakaramdam ng matinding panlalamig sa aking buong katawan.
"H-Hindi kaya..." nanlalaki ang aking mga matang tumitig sa aking sariling repleksyon sa salamin.
"B-Buhay ang dyosa..." halos hindi ako makapaniwala sa mga salitang binanggit ko.
BINABASA MO ANG
Moonlight Blade (Gazellian Series #4)
Про вампировJewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other goddesses her age when it comes to power and ability. And as someone who is afraid to stand up for herself, she already accepted her unfortunat...