Chapter 10

156K 8.9K 1.8K
                                    

A/N Please read Gazellian Series 1-3 to avoid confusion. Sa nababasa ko po sa comments, marami po sa inyo ang naliligaw ang landas. Lol

Chapter 10

Huling Pares

Ibinaba ni Nikos ang aklat na kanyang binabasa at pilit nitong sinalubong ang aking mga mata. Pinili kong magkunwaring hindi napapansin ang paninitig niya at ipinagpatuloy ko ang prenteng pag-inom ng tsaa.

Sa napakaraming taon na pagsasama namin sa buwan, alam na nito kung paano ako kumilos. Isa siyang uri ng bampira na marunong kumilatis ng kilos kung huwad man ito o hindi.

"Alam mong anumang oras ay darating sila rito. Would you like to handcuff me or something?"

Ibinaba ko ang tasa ng aking tsaa at sa pagkakataong ito ay sinalubong ko na ang mga mata ko sa kanya.

"Posibleng dumating sila sa susunod na linggo, abala ang Deeseyadah sa pagsilang ng mga bagong dyosa mula sa En Aurete."

"Pero alam mong hindi biro sa kanilang mga mata ang ginawa mo. You did it twice, kahit sobrang laki ng agwat ng taon nito, hindi ito mapapagtakpan. Dalawang emperyo ang naglaho."

Balak ko pa sanang abutin ang tsaa ko nang mabitin sa ere ang kamay ko. Hindi ko napigil ang saglit na pagtakas ng luha sa aking mga mata.

Saksi ako ng mga paglaho, saksi ako nang dalawang beses na pagkikipaglaban ng pag-iibigan, saksi ako ng paghihirap na ginawa ko na nauwi lamang sa kamatayan.

"Nagsisisi ka ba?"

Dalawang beses akong mabagal na tumango. "Pakiramdam ko'y kinitil ko ang kanilang buhay, maging ang mga nilalang na nabubuhay sa dalawang emperyong naglaho."

Kumuyom ang mga kamao kong nasa aking mga hita, hindi ko alintana ang pagkagusot ng aking puting kasuotan.

"Libong nilalang, pamilya at pagmamahalan ang aking isinakripisyo. G-Gusto kong bawiin, gusto kong gumawa ng ibang paraan Nikos... kung pwede lang..."

Ilang taon na ang nakararaan nang simulan ko na ang aking totoong misyon, ito ay ang putulin ang unang sumpang iginawad ng dyosa mula sa nakaraan para maitama ang sunod-sunod karahasan at katiksilang namamayani sa ibabang mundo.

Naniniwala akong sa sandaling umpisahan ko sa unang sumpang iginawad na dyosa, mas mapapadali ko ang paglutas sa walang katapusang problemang dala ng pagkakamali ng nakaraan.

Alam ko ang magiging kahihinatnan sa sandaling ipares ko ang isang lobo at bampira, pagkagunaw ng isang emperyo. Ngunit sa kabila ng kaalamang ito, sumugal ako, sinikap kong talunin ito gamit ang pagmamahalan ng dalawang nilalang. Na magagawa ng pagmamahalan nilang patunayan na mas malakas ito kaysa sa sumpa ng nakaraan.

Ngunit hindi pa man nagsisimula ang laban ng kanilang pagmamahalan, nakigulo na ang kanilang bawat lahi. Ang kaalamang ang bawal na pagmamahalan ng bampira at lobo ay matagal na palang maliwanag sa dalawang lahi, na handa ang mga itong pigilan ang kanilang bawat kalahi para lamang itigil ang anumang pagkagunaw na maaaring mangyari dala ng maling pagmamahalan.

Ang unang pares na sinubukan kong tulungan ay nagawang kitilin ng kanilang bawat lahi bago pa man ang mga ito tuluyang nagsama, umasa silang nagtagumpay sila nang sandaling makitil ang dalawang nagmamahal ngunit ilang araw matapos ang kamatayan ng lobo at bampira, naglaho ang isang emperyo na parang isang bula.

Ilang taon akong nawalan ng pag-asa, natakot at kinuwesyon ang sarili sa mga desisyon ko. Pinatay ko sila, nakapatay ako ng isang emperyo, ilang taon kong sinisi ang aking sarili, nanghina at nawalan gana ngunit siguro ito nga ang dahilan kung bakit ipinadala ng tadhana si Nikos. Ito ang nilalang na umagapay sa akin sa aking bawat desisyon na siyang ipinagpapasalamat ko.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon