CHAPTER SIXTEEN

12.4K 135 2
                                    


PALINGA-LINGA si Olive, pilit niyang hinahanap si Kiel. Kanina ay gusto na niyang lapitan ang binata  habang tumutugtog. Ngunit nagpakapigil siya. Kung pupuwede nga lang na hindi niya tapusin ang pageant upang mapuntahan na niya ang kaibigan. Nais niyang batiin ito ng "Happy Hearts Day".

Inisip na lamang niyang maghihintay si Kiel hanggang sa matapos ang pageant. Alam niyang que matalo o manalo man siya ay pupuntahan siya nito upang batiin.  Pero bakit wala ito? Hindi niya makita ang binata  kahit saan niya ibaling ang paningin. Nag-aalisan na ang mga tao. Sinubukan niyang kontakin ang cell phone ni Kiel, subalit unattended iyon.

"Ano, anak, may hinihintay pa ba tayo?" untag ng kanyang nanay.

"Ah, eh, sandali lang po, 'Nay."

Naroon din sina Alyssa, ang boyfriend nitong si Vince, si Marlon at si Anthony. Magse-celebrate sila. Si Anthony ang nag-imbita na mag-dinner sila sa labas.

"Shall we go, Olive?" pabulong na sabi sa kanya ni Anthony.

"Ah, saglit. May kinokontak pa ako," sagot niya rito at bahagyang lumayo habang idinadayal muli ang numero ni Kiel.

Lumapit sa kanya si Alyssa, bumulong ito. "Friend, alam kong si Kiel ang hinihintay mo. Natanaw ko siya kanina. May kausap na babae at sabay na silang umalis."

Natigilan si Olive.  Kumirot ang  kanyang dibdib ngunit hindi niya ipinahalata.

"Okay, tara lets na," aniyang pilit na nagpaskil ng ngiti. Ngunit ang hirap magkunwaring okay siya. Gusto niyang umiyak. Kung kanina ay naluha siya sa labis na tuwa dahil sa pagkakapanalo niya ngunit ngayon ay mabilis ding nawala ang galak sa dibdib niya. Wala ang taong nais niyang makasalo sa pambihirang pagkakataong iyon.

"Wait lang. Punta muna ako sa rest room," paalam niya sa mga ito at nagmamadali na siyang tumalikod.

"Samahan na kita," habol sa kanya ni Alyssa. "Okay ka lang ba, friend? Para kasing nag-iba ang aura ng mukha mo."

Kaunti na lang malalalaglag na talaga ang mga luha niya. "Bakit hindi nagpakita ang lokong iyon?"

"Uyy, mukhang na-fall ka na yata sa best friend mo, ha," buska nito. "Teka muna, ano ba ang real score sa inyo ni Anthony? Mukhang nagpapa-goodshot kay Madir Dear. Kayo na ba uli o uli kayo na?" .

"Hindi, ano!"

Inirapan siya ni Alyssa. "Niyakap at kiniss ka niya kanina."

"Oo nga, eh. Nabigla nga ako."

Bumungisngis si Alyssa. "Assuming ang loko. Baka naman kasi umaasang kayo uli."

"Wala akong sinabi sa kanyang kami uli. Friends lang kami."

"Eh, de friends," anitong pinaikot ang mga mata.

"Talaga bang umalis si Kiel na... na may... may kasama?"

"Oo nga. Nakita ko siya habang nagkakagulo ang mga kaklase mo sa pagbati sa iyo sa stage. Kaya hindi mo siyempre mapapansin. Feeling ko nga lalapit sana siya kaso biglang na-interrupt. I'm sure, nakita rin ni Kiel ang pagyakap at pag-kiss sa iyo ni Anthony."

Nanlalaki ang mga mata niya. "Oh, my God! Kailangan kong kausapin si Kiel. Magpapaliwanag ako..."

Humalukipkip si Alyssa. "Eh, de go. Kaya lang alalahanin mo, may mga naghihintay sa iyo ngayon para mag-celebrate. Kaya kung ako sa iyo, hahayaan ko muna si best friend. Tutal, natiis ka niya, eh de tiisin mo rin. Mas inuna niya ang iba kaysa sa iyo, tama ba ako? Kung importante ka sa kanya kesehodang madaming nakapaligid sa iyo, hahawiin niya para lang malapitan  ka at mabati. Shucks! Ako ba itong nagsasalita? Anyway, mas okay na bigyan ninyo muna ng space ang isa't isa."

MY LOVE, MY VALENTINE (Completed/unedited version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon