Chapter 14
Pagdating
Hindi ko alam kung ano ang ginawa ni Dyosa Neena para hayaan siya ng matataas na dyosa na kausapin ako ng matagal, pero malaki ang pasasalamat ko sa kanya dahil ibinalik niya ang mga alaala ko.
"Kung nais mong malaman kung bakit hindi ko agad sinabi ang bagay na ito—" umiling ako sa dapat sasabihin ni Dyosa Neena at hinawakan ang kanyang mga kamay sa pagitan ng gintong mga rehas.
"Dahil alam kong kilala mo ako, mas pipiliin kong lumipas muna ang mga taon at hayaang pagdusuhan ang mga ginawa ko. Oo, tamang nagawa kong tuldukan ang bawal na pagmamahalan sa patigan ng lobo at bampira, ngunit ang mga naunang paglalaho ng mga emperyo ay totoong kasalanan ko. Nais kong pagbayaran ito..."
Tumango sa akin si Dyosa Neena.
"Ngunit ngayong bumalik na sa akin ang mga alaala, nais kong tuparin ang aking pangako. Nangako akong magbabalik ako..."
Nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib nang saglit na bumalik sa akin ang magandang imahe ng bampirang babae na nagngangalang Elizabeth.
Binitawan ko ang mga kamay ni Dyosa Neena, naupo sa aking kulungan at niyakap ang aking mga binti.
"A-Anong nangyari sa dalagang pinangakuan niya? P-Paano niya ako nakilala? Kapwa kami ginawaran ng sumpa ng Dyosa ng asul na apoy."
Naupo na rin si Dyosa Neena at sumandal ito sa aking kulungan.
"Isa lamang ang paliwanag Leticia, higit na malakas ang koneksyon n'yo sa isa't-isa. At kung nangyari man ang sumpa ng asul na apoy na magmamahal ang hari sa ibang babae, nabigyan lamang ito ng pagkakataon dahil sa inyong malaking distansya at sa pagbura ng inyong mga alaala."
Dumiin ang yakap ko sa aking sarili at mas itinago ko ang aking mukha sa aking mga tuhod. Nangako akong magbabalik, ngunit ng sandaling magkita kami ang nais ko lang ay tumakbo sa kanya.
"Nakilala niya ako... habang ako'y kalituhan lamang ang namayani sa akin. Ngunit hindi ko maitatangging may bumubulong sa puso ko nang sandaling..." nakagat ko ang aking pang-ibabang labi.
"Siguro'y dahil pilit mo siyang kinalimutan mula sa sakit." Hindi ako makasagot sa sinabi ni Dyosa Neena.
Determinado na akong bumalik sa lupa at tuparin ang aking panibagong pangako, ngunit mukhang nakakalimutan kong isa nga pala akong bilanggo.
"Ngunit may isa pang dahilan kung bakit mas nauna siyang makilala ka, Leticia..." nag-angat ako ng paningin kay Dyosa Neena.
Mas lumapit sa akin si Dyosa Neena, ngumiti ang kanyang mga labi at marahan niyang inabot ang aking pisngi.
"Mas higit ang pagmamahal ng hari sa'yo, Leticia..."
Lumukso ang dibdib ko sa mahinang bulong ni Dyosa Neena sa akin. Gusto kong maniwala, gusto kong ngumiti at magdiwang... ngunit pinipigil ito ng imahe ng babaeng ginawaran ng hari ng higit pa sa halik.
"Ipinakita ng iyong mga alaala, Leticia, ang galit sa mga mata ng Dyosa ng asul na apoy, ngunit kung ako ang tatanungin ay higit pa rito ang nais niyang iparating. Ika'y ipinares niya sa nilalang na tulad mo'y may hangaring kay linis at kung anuman ang ginawa niya ay nasisiguro kong—" ako ang tumapos sa sinabi ni Dyosa Neena.
"Maaaring palabas lamang na siyang hindi sinubukang linawin sa akin ni Hua." Sumulyap ako sa kaibigan kong langgam na nananatiling tahimik.
Tumango si Dyosa Neena. Matagal ko itong naisip nang minsang magtalo kami ni Hua, na ginawa lamang ng Dyosa ng asul na apoy ang sumpa para hindi ako pag-initan ng mga nakatataas na Dyosa at maipagpatuloy ko ang aking misyon sa mundong siyang dapat humulma sa akin.
BINABASA MO ANG
Moonlight Blade (Gazellian Series #4)
VampireJewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other goddesses her age when it comes to power and ability. And as someone who is afraid to stand up for herself, she already accepted her unfortunat...