"Hi." Excited na dumungaw si Melody sa loob ng opisina ni Train.Agad na napalis ang ngiti niya nang makita itong nakapikit habang nakasandal ang katawan sa backrest ng swivel chair. Katatapos lang ng clinic hour kaya alam niyang napagod ito ng sobra. Mula kasi nang lumabas sa mga magazine ang magpipinsang Quintalla ay mas lalo pang nakilala ang mga ito kaya hindi na nakapagtataka na dagsa ang pasyente ng binata.
"Hey." Mabilis na nagmulat ng mga mata si Train.
Pumitlag ang puso niya nang magtama ang mga mata nila. Ngumiti siya at nagpasiyang pumasok na sa loob bitbit ang paperbag na may lamang mga pagkain. Umabsent pa siya sa trabaho para lang maipagluto ng masarap na pagkain at mapuntahan ito sa clinic. Pumayag naman ang amo niya na mawala siya ng isang araw dahil may pamangkin ang isang kilala nito na napapakiusapan nitong magbantay ng computer shop kapag wala siya.
"Huwag ka nang tumayo. Mukhang pagod ka kasi." Pigil niya nang mapansin na kumilos ito.
Gulat na tumingin ito sa kaniya. Mayamaya ay tumango ito at muling naupo ng komportable sa swivel chair. Lumapit siya kay Train at naupo sa stool na katapat nito.
Gumuhit ang pagtataka sa gwapong mukha nito nang ilabas niya ang mga dalang food container at ilagay ang mga iyon sa mesa. Wala naman kasi sa usapan nila na magkikita sila ngayong araw at hindi rin nito alam na ipagluluto niya ito. Gusto lang talaga niyang sorpresahin ang lalaki at isa pa ay namimiss na niya ito.
"Ta-da!" nakangiting wika niya nang matapos na siya sa pagbubukas ng takip ng dala niyang apat na food container.
Kanin, chicken adobo, ginisang ampalaya at sinigang na baboy ang dala niyang mga pagkain. Alam niyang paborito lahat iyon ni Train.
Nakita niya ang pagkislap ng mga mata nito. Ibinuka niya ang mga labi para magsalita pero nauwi sa pagsinghap ang gagawin niya nang dumukwang ito at hinalikan siya ng magaan sa mga labi. Nanlaki ang mga mata niya at parang sasabog ng malakas ang dibdib na natulala na lang siya nang pakawalan na nito ang mga labi niya.
"Breathe." Naglalaro ang pilyong ngiti sa mga labi na utos ni Train sa kaniya.
Nanatili pa rin itong nakadukwang at masuyong hinahaplos ang kaliwang pisngi niya.
"B-bakit ka naman kasi biglang nanghahalik." Daig pa niya ang niyanig ng malakas na lindol ang buong katawan dahil sa ginawa ni Train.
"Ginawa mo rin naman sa akin 'yun dati, right?" naaaliw na tanong pa nito.
Hindi pa ito nakontento dahil naramdaman na naman niya ang muling paglalapit ng mga mukha nila. Muli niyang nahigit ang paghinga habang hinihintay ang sunod na gagawin nito. Pero sa pagkakataon na iyon ay sa tungki na ng ilong niya dumako ang mga labi nito.
"Thank you."
Hindi na niya magawang sumagot pa dahil nagwawala na ng matindi ang puso niya. Kulang na lang ay hampasin na niya ang kaliwang dibdib para lang mapakalma niya ang sarili. Kahit malamig sa loob ng opisina ay halos pinagpapawisan pa rin siya dala ng matinding kaba.
"Kumain ka na nga lang." Nahihiyang saway ni Melody.
Tumango ito at bumalik na sa dating pwesto. May dala naman siyang mga kubyertos kaya pwedeng pwede na itong kumain.
"Hindi ka ba kakain?" tanong nito nang mapansin na hindi pa rin siya kumikibo.
Mabilis na umiling siya.
"Okay lang ako, hindi naman ako nagugutom."
Paano naman kasi siya magugutom kung makita pa lang niya ang magandang mga mata nito ay busog na busog na siya. Mataman siyang pinagmasdan ni Train. Bago pa man siya muling makahuma ay tumayo na ito at lumipat sa isang stool na katapat niya. Ilang sandali pa ay sinusubuan na siya nito ng pagkain. Napangiwi siya nang malasahan ang sinigang.
BINABASA MO ANG
LOVE FOR HIRE (COMPLETED)
RomanceItinuturing na isa sa pinakamaganda at matalino sa campus si Melody kaya hindi na nakapagtataka na magulat ang lahat ng maging malapit siya kay Train. May pagka-introvert at nerd kasi ang lalaki na kabaliktaran naman niya. Pero sa kabila ng lahat n...