Tagaktak na ang pawis ni Melody habang naghahalungkat ng mga cd. Medyo maalikabok pa ang mga cd dahil matagal nang nastock ang mga iyon kaya marumi na rin ang mga kamay niya. Pero kahit pawisan at mukhang madungis na ay wala siyang pakialam at sige lang sa paghalungkat.
Maaga siyang nagpunta ng divisoria dahil nagtext sa kaniya kahapon ang tindera na marami daw bagong dating na cd na Korean drama series. Marami kasi siyang inaabangan na drama series na katatapos lang ipalabas sa Korea kaya napasugod agad siya sa stall. Suki na siya doon kaya malaki ang discount niya kapag bumibili siya. Hindi kasi bumababa sa sampung cd ang binibili niya kapag nagagawi siya doon.
"Ate, nabigay ko na sa'yo ang lahat ng bagong dating na Kdrama, ano pa ba ang hinahanap mo? Kawawa naman itong si kuya pogi kanina pa nangangalay sa pagbubuhat ng mga cd mo."
Bahagya siyang natigilan at nabitiwan ang hawak na cd. Nang lingunin niya si Train ay hindi niya mapigilan ang biglang pagbuhos ng hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya nang makitang pawisan na ito habang naghihintay sa kaniya. Yakap nito sa mga bisig nito ang sangkaterbang cd na napili niya. Hindi lang kasi drama series ang binili niya dahil sinamahan pa niya iyon ng anime at mga movie.
"Hindi ka ba nakokonsensiya? Pawis na pawis na si kuya pogi 'oh!" dagdag pa ng tinderang si Elena.
Halos kaedad lang niya ang babae at madalas na kakwentuhan niya ito dahil pareho silang adik sa Kdrama kaya nagkakasundo sila.
Nakagat niya ang mga labi nang magtama ang mga mata nila ni Train. Medyo naawa nga siya dito nang makita na tagaktak na ang pawis sa noo nito. Napabuntong hininga siya at itinigil na ang ginagawa. Nagbabakasakali kasi siya na may magustuhan siyang cd sa mga nakastock na hindi na nabibili kaya matiyaga siyang naghalungkat.
"Sige, pakikwenta na kung magkano ang babayaran ko." Sabi niya kay Elena.
Kinikilig na kinuha naman nito mula kay Train ang mga cd at binilang iyon. Lumapit sa kaniya ang lalaki at nagulat siya nang punasan nito ng palad nito ang pawisang noo niya.
"Hindi ko akalain na ganiyan ka kasipag maghalungkat ng mga cd." Napapalatak ito at sinapo ang mga pisngi niya.
"Okay ka lang?" nagtatakang tanong nito nang mapansin na hindi siya umiimik at nakatitig lang siya sa gwapong mukha nito.
Napailing siya at parang sasabog na ang dibdib na pinilit niyang ngumiti. Kusang umangat ang mga palad niya at hinaplos ang malambot na mga pisngi nito. Bahagya siyang nakiliti nang tumama sa palad niya ang papatubong mga balbas nito.
"Naku baka naman langgamin na kayo diyan." Halos mamilipit na sa kilig na parinig sa kanila ni Elena.
Narinig niya ang malamyos na tawa ni Train at parang isang magandang musika iyon na masarap sa pandinig niya. Bumitiw na siya sa binata at napilitang lingunin ang tindera.
Ready na ang mga bibilhin niya at kailangan na lang niyang magbayad.
"Magkano lahat?"
"Eight hundred fifty pesos, ate ganda."
Dinukot niya ang wallet sa bulsa ng jeans niya pero naunahan na siya ni Train. Ito na ang mismong nagbayad at inabutan ng isanlibo si Elena.
"Keep the change."Tumili sa tuwa si Elena at pinuri ng todo si Train.
"Train, hindi naman kailangan-"
"Pagtatalunan pa ba natin ito? Nakita kong masaya ka sa ginagawa mo, hindi ba kita pwedeng tulungan?" seryosong tanong nito sa kaniya na ikinapitlag naman ng puso niya.
Huminga si Melody ng malalim para punuin ng hangin ang dibdib niya. Tumango na lang siya at hindi na nakipagtalo pa sa binata. Kahit makipagtalo kasi siya ay alam naman niya na hindi siya mananalo dito. Mayamaya pa ay umalis na sila. Wala silang imikan habang sakay sila ng kotse at abala naman sa pagmamaneho si Train.
"Kaya mo bang panoorin lahat ng mga cd na binili mo kanina?" bigla ay tanong nito. Napangiti siya sa narinig at sumulyap dito.
"Oo. Baka isang buwan o dalawang buwan bago ko sila matapos lahat."
"Wow!" hindi makapaniwalang bulalas nito. Natawa siya sa nakitang reaksiyon ng binata.
"Ang o.a mo naman." Nakalabing turan niya.
"Mula kasi nang magising ako mula sa coma at makarecover ako ay nasanay na akong hindi lumabas ng bahay at magkulong na lang sa kwarto ko. Wala akong ginawa noon kundi manood ng TV at mag internet. May nakita akong isang episode ng Korean drama series na ipinost ng isang kaibigan ko sa facebook. Napagtripan ko lang panoorin kasi nga naboboring na ako. Tapos ayun nagustuhan ko na hanggang sa naging hobby ko na ang panonood ng mga anime at drama."
Alam niyang napakasimple lang ng kaligayahan niya. Makatapos lang siya ng isang Kdrama series ay masaya na siya. May iba nga na pinagtatawanan siya kapag nababanggit niya na nanonood din siya ng anime. Daig pa daw kasi niya ang bata.
"H-hindi mo ba ako huhusgahan sa trip ko?" nag aalangan na tanong niya kay Train.
Maiintindihan naman niya kung hindi nito masakyan ang hilig niya. Kunot noong lumingon ito sa kaniya.
"Bakit mo naman nasabi 'yan?"
"Iyong iba kasi kapag sinasabi ko ang mga hobby ko, pinagtatawanan ako."
Hindi nakaligtas sa kaniya ang pagdilim ng mukha nito.Naggalawan ang mga panga nito na para bang hindi nito nagustuhan ang sinabi niya.
"Train, may problema ba?"
"Wala silang karapatan na pagtawanan ka.
Wala naman batas na nagsasabi na hindi mo pwedeng gawin ang mga bagay na gusto mo. Wala ka naman nasasagasaang tao. Huwag kang makinig sa kanila. Pero sana...."
"Sana?" siya naman ang napakunot ang noo.
Bakit may sana pa?
"Sana naman isama mo rin ako sa mga hobby mo. Ayoko lang kasing maagaw ng iba ang lahat ng oras mo."
Hindi makapaniwalang napaawang ang mga labi niya. Nakagat niya ng mariin ang mga labi nang kabigin siya ni Train at masuyong dalhin sa mga bisig nito.Naging mabilis ang paghinga niya nang masamyo ang mabango at natural na amoy ng katawan nito. Isinandal niya ang ulo sa dibdib ng binata at kontentong ipinikit ang mga mata.
"Gusto mo bang manood ng anime? Baka sumuko ka dahil nakakadalawang anime series lang naman ako sa loob ng isang araw."
Hamon niya dito. Nang mag angat siya ng tingin dito ay nakatutok pa ang mga mata nito sa daan bago siya sinulyapan.
"Try me." Wika nito saka kinintalan ng magaang halik ang tungki ng ilong niya.
BINABASA MO ANG
LOVE FOR HIRE (COMPLETED)
RomanceItinuturing na isa sa pinakamaganda at matalino sa campus si Melody kaya hindi na nakapagtataka na magulat ang lahat ng maging malapit siya kay Train. May pagka-introvert at nerd kasi ang lalaki na kabaliktaran naman niya. Pero sa kabila ng lahat n...