CHAPTER 9 PART 2

5.1K 136 2
                                    

Lumipas ang buong araw na hindi gaanong makapagconcentrate si Train sa trabaho. Mabuti na lang at hindi ganoon karami ang pasyente niya.

Pasado alas singko ng hapon ay nagpaalam nang umuwi ang dalawang staff niya. Naiwan siyang mag isa sa klinika at nanatiling nakatitig lang sa kawalan. Napadiretso siya nang upo nang marinig niya ang pagbukas ng pinto ng opisina niya. Nagtama ang mga mata nila ni Trevor bago ito tumango at pumasok na sa loob.

“Problem?” nagtatakang tanong nito nang maupo ito sa katapat niyang stool.

Nanatili lang siyang nakatitig sa pinsan. Hanggang ngayon ay nalilito pa rin siya sa mga bagay na nangyayari sa kaniya. Ang balak lang naman niya ay ang gumanti kay Melody. Gusto niyang ibalik dito ang lahat ng sakit na naramdaman niya nang lokohin siya nito.

Pero pumalpak siya sa plano niya dahil muli na naman siyang nahulog sa bitag ng babae. Muli na naman siyang umibig dito. Hindi niya magawang rendahan ang puso niya dahil sa tuwing tumitingin siya sa mga mata nito ay nakakalimutan niya ang lahat ng galit niya.

Mas lalo niyang ikinabigla nang sabihin nito sa kaniya kagabi na mahal siya nito. Ilang beses niya itong inangkin at paulit ulit nitong inusal ang mga salitang iyon. Nang magising siya kaninang umaga ay hindi niya magawang harapin si Melody kaya walang paalam na iniwan niya ito sa unit niya habang natutulog pa ito.

Alam niyang hindi maganda ang ginawa niya. Hindi siya pinalaking gago ng kaniyang ina. Lalaki siya at may paninindigan kaya hindi niya dapat na takbuhan ang nangyari sa kanila ni Melody. Pero litong lito pa rin siya hanggang ngayon. Hindi na niya alam kung ano ang paniniwalaan niya. Kung totoong minahal siya nito noon ay hindi dapat siya nito nagawang saktan. Hindi sana siya nito ipinahiya at basta na lang iniwan.

“Nakaganti na ako.” Wala sa sariling sabi niya kay Trevor.

Hindi niya magawang sabihin ang eksaktong nangyari pero sapat na ang tingin na ibinigay niya para makuha nito ang gusto niyang sabihin.

Nagkibit balikat ito.

“Masaya ka ba?”

Right. Masaya nga ba siya? Kung susundin niya ang totoong plano ay pwede niyang iwasan na si Melody dahil narinig na niya ang gusto niyang marinig mula dito.

Nararamdaman niyang mahal na siya nito. Pero makakaya nga ba niyang saktan ang babaeng mahal niya?

“I don’t know.” Desperadong naihilamos niya ang mga palad sa mukha.

“Ganiyan din ako. Ang akala ko masaya ako kasi nakaganti na ako sa ex girlfriend ko. Pero kahit pala ang kaligayahan ay nag e-expire din. Hindi nagtagal ang nararamdaman kong saya. Nagising na lang ako isang araw na mas nasasaktan na ako sa tuwing maaalala ko na ako naman ang nanakit sa kaniya ngayon.”

Awang ang mga labing pinagmasdan niya ito. Bakit nga ba hindi niya naisip iyon? May posibilidad na mas masaktan siya kapag nakita niyang nasasaktan si Melody dahil hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin niya ito.

Isa na rin siguro sa mga naging dahilan kung bakit naging magkasundo sila ni Trevor ay dahil pareho silang brokenhearted noon. Sumunod kasi ito sa kaniya sa ibang bansa para mag aral din ng medisina. Pareho silang sugatan ng mga panahon na iyon kaya sabay silang nagpapakalasing para makalimutan ang problema. Hindi niya akalain na darating ang ganoong pagkakataon na sabay na naman silang masasaktan ng dahil sa mga babae.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko.” Sumusukong sabi niya. “Sinunod ko ang advice mo na gumanti kay Melody para makalimutan ko na ang nakaraan. Ang sabi mo magiging masaya ako kapag nakita ko siyang nasasaktan. Ang sabi mo iyon lang ang kailangan kong gawin para makapagmove on na ako. Iyon lang naman ang kailangan kong gawin 'di ba? Ang ibalik sa kaniya ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Niloko niya ako noon kaya dapat lang na siya naman ang lokohin ko ngayon—” natigilan siya nang makarinig ng pagkahulog ng kung anong bagay mula sa may pinto.

Nang mapatingin siya sa direksiyon ng pinto ay ganoon na lang ang pagkagimbal niya nang makitang naroon si Melody at tigagal na nakatitig sa kaniya. Nabitiwan nito ang dalang paperbag kaya kumalat sa sahig ang mga pagkaing dala nito.

“Melody!”

God!

Mabilis na tumayo siya at hinabol ito nang patakbong umalis ito. Hindi na niya pinansin pa ang pagtawag ni Trevor sa kaniya. Hinabol niya ang dalaga hanggang sa hallway ng ospital.

“Melody, please, let’s talk.” Nag aalalang pinigilan niya ito sa kaliwang braso.

Daig pa niya ang tinadyakan ng malakas sa sikmura nang pumihit ito paharap sa kaniya at makita ang luhaang mukha nito.

Wala siyang makitang galit sa mga mata ng dalaga at hindi niya inaasahan iyon. Ngayon na alam na nito ang plano niya at wala siyang naririnig na kahit anong sumbat mula dito ay mas lalo pa siyang nasasaktan. Mas matatanggap pa niya kung sisigawan at sasampalin siya nito na dapat lang naman nitong gawin sa kaniya.

“Gusto mong mag usap tayo?” tanong nito habang umiiyak.

“Sige, dalhin mo ako ngayon sa puntod ng mommy mo. Doon ko sa'yo sasabihin ang buong katotohanan.”

“Melody—”

“Please, Train? Ibigay mo na sa akin ito. Kahit ito lang, nakikiusap ako.” Kagat ang mga labing pagsusumamo nito.

Wala na siyang pakialam kahit nakukuha na nila ang atensiyon ng mga tao. Tumango na lang siya at napilitang sundin ang kahilingan nito.

Iba pala kapag siya na ang nalagay sa ganoong sitwasyon. Tama si Trevor. Kung inaakala niya na makukuha niyang maging masaya kapag nasaktan na niya si Melody ay nagkakamali siya. Babalik lang sa kaniya ang lahat ng sakit. Mawawasak lang ang puso niya dahil sa una pa lang ay pag aari na iyon ni Melody.

Paano pa ba siya makakabawi dito?

LOVE FOR HIRE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon