CHAPTER 9 PART 3

5.6K 150 9
                                    

Nanginginig ang mga palad na hinaplos ni Melody ang lapida ng ina ni Train. Nang minsan na mabanggit sa kaniya ng lalaki ang tungkol sa pagkamatay ng mommy nito ay totoong nalungkot niya. Alam naman kasi niya na ang ina lang ang naging kasama nito simula pagkabata nito.

Nakagat niya ng mariin ang mga labi para lang pigilan ang muling paghagulhol niya. Naramdaman niya ang presensiya ng binata sa likod niya. Hinawakan siya nito sa balikat at maingat na pinihit siya paharap dito. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin siya sa labis na pagkabigla. Hindi niya inakala na sa ganoon lang mauuwi ang sana ay masayang araw nila.

Nagising siya kaninang umaga na wala na si Train sa tabi niya. Ilang beses niya itong tinawagan pero hindi naman ito sumasagot. Kahit masama ang pakiramdam at parang nahihilo siya dahil sa matinding pananakit ng ulo ay pinilit pa rin niyang kumilos. Nagluto siya at nagpasiyang dalahin na lang ang pagkain sa ospital.

Aksidente lang ang pagkakarinig niya sa pakikipag usap nito kay Trevor. Nasaktan siya pero hindi niya makuhang magalit dahil alam niya sa sarili niya na ang naging desisyon niya noon ang naging simula nang pagkawasak ng mga puso nila.

“Umuwi na tayo.”

“No.” Mariing pagtanggi niya. Nagpumiglas siya at muling nilingon ang puntod ng ina nito.

“Kailangan mong malaman ang buong katotohanan.”

“Hindi na importante iyon, tanggap ko ang nangyari at ayoko nang malaman ang totoo.” Desperadong wika nito.

“Iyon din ang akala ko, Train. Ang buong akala ko ay hindi mo na kailangan pang malaman ang totoong nangyari noon. Pero kasi…...a-ang sakit na, ang sakit-sakit na talaga.” Muli na naman siyang napaiyak.

“Totoong minahal kita at hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin kita. Walang nagbago sa loob ng maraming taon, ikaw pa rin ang laman ng puso ko.”

Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at nasasaktang tiningnan siya.

“Pero nagawa mo akong iwan noon.”

“Hindi totoo ang sinabi ko sa'yo na may iba akong boyfriend.”

Nagimbal ito. “W-what?”

“Pinsan ni Nancy si Ronald at isa siya sa mga humihingi sa akin ng pabor noon dahil nahihirapan siya sa research paper nila. Kapalit nang pagtulong ko sa kaniya ay kinumbinsi ko siya na magpanggap na boyfriend ko kaya madalas mo kaming nakikita noon na magkasama sa tuwing sinusundan mo ako.”

“Melody….”

Mariing naipikit niya ang mga mata nang sumigid sa sentido niya ang matinding sakit. Parang pinupukpok ng martilyo ang ulo niya. Hindi niya ininda iyon at pinilit niyang magsalita sa kabila nang panghihina ng buong katawan niya. Dala marahil ng matinding pagkabigla at paghihirap ng emosyon niya kung kaya mas lalo pang sumama ang pakiramdam niya.

“Ayokong sa akin manggaling ang totoo dahil alam kong hindi tama na ipagtanggol ko ang sarili ko ngayon na wala na ang mommy mo.”

“Anong ibig mong sabihin? Anong ginawa ni mommy?” bumakas ang pagkalito sa buong mukha ni Train.

“Kinausap niya ako noon at kinumbinsi niya akong makipaghiwalay sa'yo. Hindi ako pumayag pero nagmatigas siya na hinding hindi niya ako matatanggap at isusumpa niya ako kapag hindi ka nagtagumpay sa mga pangarap mo. Makakasagabal lang daw ako sa mga plano mo noon. Buong buhay mo daw ay palagi ka na lang minamaliit ng mga tao dahil sa mga magulang mo. Natakot ako nang sabihin niya sa akin na ako lang ang makakasira ng buhay mo."

Isang mahabang buntong hininga ang pinakawalan ni Melody.

"S-sinabi niya na tutol ang daddy mo na magkaroon ka ng girlfriend noon. Nagtalo silang dalawa at nagbanta ang daddy mo na kapag hindi mo itinigil ang tungkol sa ating dalawa ay hindi ka niya pag aaralin sa ibang bansa. Nag alala ang mommy mo kaya kinausap niya ako noon. Okay lang sa akin na masaktan ako pero hindi ako papayag na hindi mo matupad ang pangarap mong maging doktor. Mahalaga sa akin ang pangarap mo, Train. Mahalaga ka sa akin kaya mas pinili kong magsakripisyo at iwan ka kahit halos mamatay na ako sa sakit noon.” 

LOVE FOR HIRE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon