*Trigger Warning
If you're unsure with your mental stability, please do not proceed.*Entry no. 98
February 29, 2016
"All's well that ends well."Bawat libro ay may huling pahina. Bawat paglalakbay ay may destinasyon. Bawat palabas ay may "The End."
Lagi nga namang kaakibat ng simula ang wakas. Walang bagong mag-uumpisang teleserye sa primetime kung walang naunang natapos. Wala nga namang game na hindi na aalis sa Final Stage kapag napatay mo na ang Final Boss. May sisibol na buhay kapag may buhay na namaalam. Partners-in-crime si Start at Finish. Alpha and omega, 'ika nga.
Ngunit ano mang bagay ang hahantong sa katapusan, ang laging tanong ng marami, maayos nga ba ang magiging katapusan? Isa bang happy ending ang istorya? Naging masaya ba ang bida sa huli?
Masarap isipin kung ang bawat pagtatapos ay kagaya ng nasa mga shounen manga na nabasa ko, o sa mga Filipino love stories na matagal ko nang kinauumayan. 'Yung tipo na matatapos ang istorya na natalo ng bida ang pinakamalakas na kontrabida; may maiuuwi pa siyang (mga) babae. 'Yung tipo na laging "love and friendship win" na kwento gaano man ito kahaba. 'Yung tipo na kahit gaano nasaktan ng isang pares ang isa't isa ngunit nagkakatuluyan pa rin sila sa huli. Para nga lang dumaan sa drive thru ng Jollibee ang mga bida dahil sa plot twist na babago kuno sa buhay nila pero sa huli, mananaig pa rin ang pagmamahalan nila bilang magkakaibigan; sa huli, makararating pa rin sila sa kanilang paroroonan. The difference? Busog silang dumating sa lugar.
Ganoon; ganoon ang buhay na laging nasa aking imahinasyon. Ngunit imahinasyon nga 'yon, e. Ibang-iba ang realidad.
"Nais kong mabuhay sa imahinasyon," bukambibig ko. Ang realidad kasi ay isang burador ng mga drama ni Shakespeare. 'Yong tipo na alam mo namang masakit ang magiging istorya nito para sa puso ngunit itinuloy mo pa rin. Ang mas nakapagpapasama ng sitwasyon, burador ang hawak mo, kahit kailan maaaring magbago. 'Yong kaibigan na inakala mong tauhang lapad na laging susuporta sa bida, maaari pang maging isang masamang tao na siyang patagong sasaksak sa likuran ng bida. Kahit 'yong bida na akala mo mabait, maaaring siyang maging kontrabida.
Ganyan ang buhay, ang realidad. Walang kasiguruhan maliban sa nagkalat ang drama sa paligid. Kailanman ay hindi ang tamang araw para magdiwang. Maaari kasing isang maagang pagkapanalo lamang ang naunang nakamtan. Pyhrric victory, kung hihingin ang salita ng mga dalubhasa sa kasaysayan.
Mabalik sa naunang katanungan, ang bida nga ba ay masaya sa huli? May mga oo, may mga hindi. Hindi nga naman pwedeng pagbigyan ang lahat ng kahilingan. Kahit pa gaano ka naghirap para maabot ang nais mo, 'pag di para sa 'yo, di talaga mapupunta sa 'yo.
Mahirap tanggapin, 'no? Pero laging may lalapit na isang tao na nuknukan ng bait at magsasabing, "Sa tamang panahon, makakamit mo rin 'yan."
"Sana nga," wiwikain mo. Sana nga magkatotoo. Kasi aasa ka matapos mong marinig ang mga katagang iyon. Aasa ka na darating rin ang pinakahihintay mo, sa tamang panahon. Kailan nga ba iyon? Kapag nag-umpisa akong muli ng bagong kwento? Kapag may matatapos na akong panibagong paglalakbay? O habang tinatapos ko ang game ay may makikita akong hidden path na magtuturo sa akin sa hinahanap ko noong nakaraang level?
Maging ang inaasahan mo, di tiyak. Hindi pa rin nasisiguro na sa mga susunod na pagkakataon ay makakamit mo talaga ang hinahangad mo. Kung babalik nga sa sinabi ko kanina, may mga bagay na hindi talaga para sa 'yo.
Kung ganoon nga ang realidad, may mabubuong panibagong tanong: Ano naman ang magiging reaksyon ng bida? Magiging masaya pa rin ba siya kahit ganoon ang ending?Malulungkot ba siya kaya naman magkakaroon pa ng sequel ang istorya na kung saan ipagpapatuloy pa rin niya ang pag-abot sa di niya nakayang abutin?
BINABASA MO ANG
Mosaic Minds
Short StoryKoleksyon ng mga maiikling kwento na nagpapakita ng nilalaman ng isip ng iba't ibang mga tao.