Pinas

5 2 0
                                    

Kumusta ka na? Ayos ka lang ba? May nais lamang akong sabihin kaya ako napasulat.

Nag-aalala ako. Nababahala.

Nais ko lamang matatap. Totoo ba? Na ang mga minamahal mong mga anak ay nabuslot sa nag-aalimpuyong apoy ng saloy na mga palamara?

Nakapanlulumo.

Sino ang mag-aakala na ang sakripisyo ng iyong mga panganay ay mapupunta lamang pala sa wala? Hindi ba at sabay pa nating hinulaan noon, habang tayo ay lango sa tagumpay laban sa mga subyang, na sa susunod na salinlahi ay mananaig ang pagmamahal nila sa iyo?

Ngunit anong nangyari? Bakit mas higit na ang tangan nila sa braso ng iyong mga katoto?

Gusto kong magalit sa iyong mga anak. Gusto ko silang sigawan at ipamukha sa kanilang lahat ang katotohanan.

Ngunit sino rin ba ako? Isa lang din naman ako sa mga anak mong pinalaki mo. Sino ako para humamon sa kanila kung isa lang din naman akong malaking duwag? Kung maging ako ay bahagi ng kasalukuyang kagaw na sumisira sa iyo?

Ilan ba kaming nagtangkang tulungan at panatilihing maayos ka? Marami hindi ba?

Ngunit iyon lamang iyon... nagtangka. Nagtangka ngunit nagahis ng mga buyong sa paligid. Nagtangka ngunit ni hindi mailampas sa dalawang hakbang paabante ang mga lapyang naiisip.

Puro lamang tangka. Isang paimbabaw na katapangan. Isang karuwagan. Isang kasakiman.

Nandito lamang ako sa tabi mo, ngunit idinaan pa sa isang liham ang lahat imbes na kumilos. Na kung lilimiin ay isa na namang halimbawa ng karuwagan. Isang hindi makatotohanang malasakit.

Kailan darating ang oras na lahat kami ay magkaisa para sa iyo? Kailan darating ang panahon na ikaw naman ang aming prayoridad at hindi ang iyong mga katoto. Iyong mga katoto na mas napapaboran ng kahit anong sitwasyon.

Bakit? Dahil sa takot o sadyang kinalimutan ka lang?

Sana darating ang araw na kapag ikaw ay aking kinumusta, wala ng pitak sa dibdib. Wala ng lungkot. Wala ng sakit.

Sana darating ang panahon na taas noo akong makahaharap sa iyo. Walang halong imbot. Walang halong karuwagan. Walang halong kasakiman.

Sana... sana...

Dahil hindi ko tiyak kung iyan ay mangyayari pa. Sa patuloy na pagdaan ng mga panahon ay mas lalong lumalala ang mga bitak sa aming nilalakaran. Ngunit walang dapat ibang sisisihin kundi kaming mga anak mo lamang.

Patawad. Patawad kung nagpadala kami sa mapaglilong panahon. Patawad kung mas nananaig ang kasakiman ng bawat isa sa amin.

Patawad, Pinas.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 19, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

'PinasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon