FOUR (4)
“Teka! Sino ba sa inyo ang totoong Althea?” nalilito nang tanong ni James.
“Ako!” halos sabay namang sagot ng dalawang babae.
Dahil dito’y tila nadagdagan pa ang takot at ang paglaki ng mga mata ng mga lalake. Papaano’y hindi lamang magkamukhang-magkamukha ang dalawa. Magkaboses pa ang mga ito!
***************************************
Nang marinig ng tatlong lalake na magkaboses ang dalawa ay tila sila binuhusan ng malamig na tubig! Agad naman silang lumapit sa isa’t-isa at takot na takot pa ring nakatingin sa dalawang babae.
“Wag kayong lalapit samin! Kahit sino sa inyong dalawa! Wag kayong lalapit!” bulyaw ni James. Sa pagkakataong iyon ay naka-amba sa dalawang babae ang matulis na batong napulot nito kanina sa loob ng kweba.
“Hoy! Ano ba kayo to!? Ako to si Althea! Tingnan niyo akong mabuti!” bulyaw ng isang babae. Ang Althea na naka-panloob lamang ang suot sa katawan. Matatandaan na nagtanggal ito ng damit bago pumasok sa loob ng kweba dahil na rin sa payo ni Raphael kanina.
Tiningnan naman siyang mabuti ng tatlong lalaki.
Tila hinagod ng mga mata ng mga ito ang kabuuang hitsura ng babaeng naka-underwear lang.
At dahil sa reaction na iyon ng tatlong lalaki, tila na-‘consious’ tuloy ang babae at agad na nagtakip ng maseselang bahagi ng katawan gamit ang dalawang kamay.
“Hindi ikaw si Althea!” sigaw ni Rex. “Hindi magagawa ni Althea ang magdamit ng ganyan!” dugtong nito.
“Ako si Althea!” sabad ng isa pang babae. “Huwag kayong maniniwala sa babaeng yan!” sigaw nito. “Tingnan niyo ang kanyang katawan! Puro dugo! Marahil ay galing yan sa taong biniktima at nilapa nila ng kanyang mga kasamahang halimaw kanina!” dugtong pa nito.
Tiningnan naman ng lahat ng mga taong nasa loob ng kweba ang babaeng nakapanloob lamang. Maski napunasan na ang mga dugong dumaloy sa katawan na nagmula sa bumukang suga nito kanina ay bakas parin ang natuyong dugo sa ilang bahagi ng balat ng babae.
Nagtaka naman ang tatlong lalaki sa biglang pagsigaw ng kanina pa’y kasama nilang babae. Papaano’y ngayon lamang ito nagsalita.
“Teka… Kaya mo naman palang magsalita! Bakit kanina’y hindi ka sumasagot nang kinakausap ka namin?!” tila may bahid na pagdududang tanong ni Allan.
“Nang makita ko ang bagong dating na babaeng yan at ang natuyong mga dugo sa kanyang katawan, bumalik sa isip ko ang mga nasaksihan kong mga eksena kanina bago tayo pumasok sa kwebang ito. Kanina kasi ay parang hindi ako makapaniwala sa mga nakita at nasaksihan kong panlalapa ng mga halimaw sa mga taong naabutan ng mga ito. Tila bumalik ang ulirat ko nang makita ang babaeng yan!” tila matigas na tinig na paliwanag ng babae.
Dahil dito ay muling nagkatinginan ang tatlong lalake.
Tinitigan din nila ang dalawang babae na para bang pinag-aaralan ang mukha ng mga ito.
Nang tiningnan nila ng babaeng naka-panloob lamang ay tila yamot na ito at naaasar sa mga nagiging takbo ng usapan. Parang galit na ito at matalim na ang tingin sa babaeng huling nagsalita.
Kabaliktaran naman ang hitsura ng mukha ng isa pang babae. Tila takot na takot ang mukha nitong nakatingin sa isa pang babae. Pagkatingin nito sa mga lalake ay tila nagmamakaawa naman itong makalapit sa grupo.
Subalit, bago pa ito makakilos para makalapit, nakapag-isip si Rex. Muli itong nagsalita upang magtanong sa dalawang babae.
“Sige nga… Sino sa inyo ang nakakaalam kung nasaan tayo? Kung bakit tayo narito at sino ang nagdala sa atin sa lugar na ito?” tanong ni Rex.
BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Misterio / SuspensoPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...