:Isang Anekdota

36.8K 52 20
                                    

Naalala ko pa noong unang araw na dinala ang isang tuta sa bahay namin. Kumpara sa mga nauna, dala ng bugbog ng kolonyalismo, hindi ko agad matanggap ang isang tutang "ordinaryo" o ASKAL sa mas tamang kolokyal na pananalitang Tagalog. 

Ordinaryo ang kulay. Ang balahibo. Ang hitsura....Babae siya. Naisip ko, mainam na din. At kasabay ang pagdarasal na sana'y mabuntis siya ng isang may lahing aso. Pero tulad ng mga naunang babaeng tutang nanirahan sa amin. Hindi hinahayaan nila Nanay at Tatay na lumabas man lang ang alaga naming aso. Ang makihalubilo sa ibang aso. 

Ako ang nagpangalan sa tutang iyon. Kasikatan kasi ng "Maging Sino Ka Man" noon. Paborito ko ang karakter ni Anne Curtis. Kaya naman pinangalan siyang "Celine". Kakatwa pero iyon naman ang tinanggap sa bahay. 

Mabait na alagang aso si Celine. At tulad ng pambihirang kakayahan ng mga aso, malakas ang pang-amoy nila. Kaya naman lahat ng nakatira sa bahay namin, memoryado niya ang amoy. At kapag hindi sa kanya pamilyar ang amoy, sa entrada pa lang ng bahay, hindi na ito titigil kakakahol. Kasihodang sigawan mo siya, paluin o takutin, hindi siya titigil dahilan sa hindi sa kanya pamilyar ang amoy.

Dalawang taon akong nawala sa Pinas. Naisip ko, dahilan sa nakahalubilo ako sa ilang lahi, mag-iiba na ang amoy ko sa kanya. Pero sa gulat ko, pagdating na pagdating ko, sabik na sabik na nagtatalon si Celine sa akin. Naglambing. Na tila sinasabi sa aking "Welcome back! I miss you!".

Minsan nang dinapuan ng sakit ang asong namin. Nalagas ang lahat ng kanyang balahibo. Nangayayat na tila bilang na ang mga araw niya. At sa gulat ko, sa mga panahong wala ako, bumalik si Celine sa dati nitong sigla. Mas malusog pa kaysa sa huli ko siyang nakita.

At sa ilang pagkakataon, nahuhuli ko ang sarili kong nakikipag-usap sa alaga naming aso. Minsan, sinasabi ko sa kanya ang mga pangarap ko, sama ng loob, mga masasayang sandali. Para akong tanga at ewan na nagbabakasakaling naiintindihan niya ako. Marahil nga oo. Dahil kapag tinitingnan ko siya sa kanyang mga mata. May haplos ng pagkilala roon. Na sa mga panahon ng pananatili niya sa aming bahay. Hindi na lamang siya isang alagang aso sa amin...kundi isang bahagi ng aming pamilya.

"Si Celine"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon