NAKARAMDAM ng tatlong malalakas na tapik sa binti si Armie. Napadilat siya ng mata. Saka niya narinig ang mahina ngunit matigas na boses ng officer-on-duty nilang si Oliva ngayong gabi.
"Cadet Second Class Mananquil, ten counts to go down your bunk."
Nagsimula na siyang bilangan ni Oliva kaya nagmamadali siyang bumaba mula sa kinahihigaang double deck. Sa kabila ng halos magkanda-salabid na ang mga binti niya dahil sa dilim, pinilit pa rin niyang tumayo ng maayos at sumaludo ng tama. "Ma'am, Cadet Second Class Armida Mananquil, reporting as ordered, Ma'am."
Mula sa liwanang na galing sa bintana ng barracks nila ay nakita ni Armie ang pagsaludo pabalik ni Oliva. "Mananquil, you are given orders to visit the director in his billet ASAP."
Napahigit siya ng hininga. Ano ang kailangan sa kanya ni Director Bongcales? Isa lamang siyang hamak na underclassman dito sa loob ng Philippine National Police Academy, mataas lang ng isang taong training sa mga plebo na siya namang tinuturing na pinakamababang nilalang dito sa loob ng academy.
"H-Hindi nga, Ma'am?" Ganoon na ba karami ang demerits na nakuha niya para makaharap mismo ang pinakamataas na opisyal ng academy? Wala pa siyang narinig maski sa mga upperclassman na mayroon nang ipinatawag ang director sa ganitong disoras ng gabi. Sinulyapan niya ang relo sa may study table niya kanina, pasado alas-dose na ng madaling-araw.
Pumalatak si Oliva. "Just scram, Mananquil. Ayaw mo naman sigurong paghintayin ang director ng academy?"
"Yes, ma'am!" Sumaludo siyang muli rito para magpaalam na ibinalik rin nito agad. Mabilis siyang nagsuot ng rubber shoes at pagkatapos ay malalaki ang hakbang na tinungo niya ang director's billet. Medyo malayo pa iyon sa female barracks, at kailangan pa niyang tawirin ang buong grandstand para makarating sa tinutuluyang bahay ng director.
May nangyari kayang emergency kina nanay?
Halos inisang hakbang lang niya kada dalawang baitang ng sementadong hagdan paakyat sa director's billet. At nang makarating siya sa mismong tapat ng pinto ng bahay ay huminga muna siya ng malalim at napa-sign of the cross bago kumatok ng tatlong beses.
Bumukas ang pintuang kahoy ng bahay at agad siyang napasaludo nang makita si Senior Inspector Judith Gungab ang nagbukas ng pinto. Ito ang head ng Public Information Office ng academy at siyang nag-recruit sa kanya para pumasok ng academy. Sumenyas ito na pumasok na siya sa loob.
Naabutan niyang nakaupo sa mahabang sofa si Director Bongcales. Nanuot sa ilong niya ang amoy ng sigarilyo. Ngunit sa halip na magtakip ng ilong ay sumaludo siya rito. "Cadet Second Class Armida Mananquil, reporting as ordered, sir!"
"At ease," anito bago sumenyas na lumapit siya. Nasulyapan ni Armie sa harap ng Director ang ashtray na may mga umaapaw na upos at abo ng sigarilyo. Sa ibabaw ng tumpok niyon ay nakapatong ang isang stick ng sigarilyo na may sindi pa. Kinuha iyon ni Director Bongcales, humithit saglit at ibinuga paitaas ang usok. No smoking zone ang buong academy, at marami na siyang kakilalang nabigyan ng demerits dahil sa patakas na pagsisigarilyo. Dapat pala ay dito sila kay Director Bongcales nakipag-yosi break—
"Maupo kayo, Judith, Cadet Mananquil," ani Director Bongcales sa kanila ni Ma'am Judith. Tumalima silang dalawa. Si Ma'am Judith ay naupo sa pang-isahang sofa sa bandang kanan, habang siya ay napatingin sa lalaking nakaupo sa may kaliwa ng salas ng billet ngunit hindi niya masipat ng derecho ang mukha kanina.
Nang idako niya ang tingin sa mukha nito ay napaisip siya. Si Marc Pingris ba itong nasa harap niya? Hindi siya fan ng team nito, at ang all-time crush niya talaga na PBA player ay si Alvin Patrimonio, pero siguradong kaiinggitan siya ng kapatid niyang si Yuri kapag nalaman nitong nakita niya ng harapan—
"Cadet Mananquil, do you want me to repeat myself or do you want to do fifteen hundred push-ups in front of Agent Sandejas?" Ang galit na boses ni Director Bongcales ang nagpabalik sa kamalayan niya sa kasalukuyan.
Punyemas, ano 'yung order ni Director? tarantang isip niya. Hindi talaga niya narinig ang sinabi nito dahil sa abala siya sa pag-obserba sa bisita nitong lalaki na tinawag nitong Agent Sanjedas. Sinulyapan niyang muli ang lalaki. Kasalanan nito kung bakit mabibigyan siya ng demerits ng mismong director—
Nagtama ang mga mata nila ng lalaki. Bumilis ang tibok ng puso niya habang nakatitig ito sa kanya. Mayamaya ay sumulyap ito sa espasyo sa tabi nito bago bumalik ang tingin sa kanya. Biglang may nagsinding bumbilya sa utak niya.
Sumaludo siya muli sa director. "Requesting permission to sit down, sir."
Iginalaw-galaw ng Director ang kamay nito na parang nagbubugaw lang ng langaw. "Permission granted."
Nakahinga siya ng maluwag. Tinanguan niya si Agent Sandejas bago naupo sa tabi nito. Saglit niyang nasipat ang kabuuan nito. Naka-itim na Nike rubber shoes, jeans, puting t-shirt, at itim na leather jacket. Malapad ang mga balikat at nakasalikop ang dalawang kamay nito sa harap. Sa taas ni Armie na 5'6", matangkad na siya sa average height ng mga Pinoy. Kaya malamang sa malamang ay 5'10" ay 5'11" ang height nitong si Agent Sandejas. Mas mataas pa rin kasi sa kanya ito ng halos isang dangkal habang nakaupo. Three by four ang gupit nito, at ayos na ayos ang tuwid nitong buhok sa tuktok na one-sided ang estilo, na parang kahit bombahan ng water cannon ng mga taga-Bureau of Fire Protection ay hindi magugulo.
"Give us a brief background of yourself, Cadet Mananquil," ang buo at puno ng awtoridad na tinig ni Director Bongcales ang nagpabalik ng tingin niya rito.
BINABASA MO ANG
The Queen of Shields
RomanceFrom being a PNPA cadet to a Beauty Pageant contestant slash undercover agent. Will Armie survive the training? Parang mas mahirap pa para sa kanya na maglakad ng naka-high heels kaysa mag-martsa sa ilalim ng nakaka-tustang init ng araw. At paano ba...