Si Benestra at ang Batang si Renren

48 2 0
                                    

Si Benestra ay ang katangi-tanging kuting na naiwan sa pangangalaga ng kanyang ina na si Bining. Ang iba niya pang kapatid na kuting na sina Belenda, Benero at Barta ay ipinamigay na ng kanilang amo na si Donya Ismeralda.

Si Donya Ismeralda ay malupit na amo sa kanyang mga alaga. Madalas ay hindi nito pinapakain ang mag-iinang pusa at pinapalo ang mga ito kapag dumadaan sa kanyang harapan.

Isang gabi, dahil sa sobrang gutom ni Benestra ay umiyak siya ng umiyak.

"Meow meow, ina, ako'y nagugutom na."

Agad namang sumagot ang kanyang ina. "Meow. Dito ka lamang Benestra at ako'y maghahanap ng pagkain sa kusina, meow."

Dahil sa gutom, wala ng lakas si Benestra upang sumama pa sa kanyang ina na maghanap ng pagkain. Sa halip ay nahiga na lamang siya sa isang lumang basahan sa ilalim ng lababo.

Hindi nagtagal ay bumalik ang kanyang ina. Tangay-tangay nito ang isang malaking pritong isda sa bibig. Agad naman nitong ibinigay sa kanya ang pagkain at sabay nila itong pinagsaluhan.

Nang maubos na nila ang pagkain ay bumulaga naman sa kanila ang malakas na bulahaw ni Donya Ismeralda.

"Asan na ang pesteng pusang iyon? Bining! Magnanakaw ka talaga!" sigaw ng matanda habang papalapit ng papalapit ang mga yabag ng paa.

Bumalot ang takot sa munting kuting. Ano na naman kaya ang gagawin ng matanda sa kanyang ina? Noong isang araw lamang ay hinabol nito ng itak ang kanyang ina dahilan upang maputol ang bahagi ng buntot nito.

"Nagugutom ang anak ko, meow," paliwanag ni Bining nang makita si Donya Ismeralda. "Hindi mo kasi kami pinapakain, meow."

Ngunit hindi nakinig sa paliwanag ni Bining si Donya Ismeralda. Sa halip ay binuhusan niya ang mag-inang pusa ng isang mainit na likido.

Agad na umiyak ang mag-ina dahil sa sobrang sakit.

"Meow meow meow," pulahaw ng dalawa. Ngunit imbes na maawa ay tumawa pa ang matanda.

"Bagay sainyong dalawa yan. Magnanakaw kasi kayo!"

"Meow, ina, ang sakit," iyak ng batang si Benestra.

Sinubukang dilaan ng kanyang ina ang mahapding bahagi ng kanyang katawan. Ngunit hindi maalis ang hapdi at sakit.

"Tumakas ka na Benestra," nanghihinang sabi ni Bining sa kanyang anak. "Umalis ka na at maghanap ng amo na mabait at magmamahal sa iyo."

"Ngunit walang ganoong amo, ina," reklamo niya. "Lahat ng mga tao ay nananakit."

Umiyak ng umiyak ang mag-ina hanggang sa tuluyan ng malagutan ng hininga si Bining.

Walang ibang nagawa si Benestra kundi iwan ang walang buhay na ina. Mag-isa siyang naglakad papalayo hanggang sa makarating siya sa isang estero.

Labis na takot ang kanyang nadama nang palibutan siya ng mas malalaking pusa. Kinalmot, kinagat at sinaktan ng mga ito ang kaawa-awang kuting.

Bali-bali ang mga buto  sa paa, mahapdi ang mga sugat na dulot ng mainit na likido at labis ang gutom. Iyan ang naramdaman ni Benestra habang nakahigang umiiyak sa likod ng gulong ng malaking sasakyan.

"Meow meow, ina ko," iyak niya.

Sa may di kalayuan, narinig ng batang si Renren ang iyak ng isang kuting. Dahil sa kanyang labis na pagkaawa ay nilapitan niya ito. Kalunos-lunos ang kalagayan ng kuting. Napakadumi nito at napakaraming sugat sa katawan

Agad pinulot ng batang si Renren si Benestra at dinala sa kanilang bahay. Doon ay pinainom niya ng gatas ang kaawa-awang kuting. Agad din niyang ginamot ang mga sugat at nilagyan ng benda ang mga baling paa. Pinahiga niya ito sa isang malambot na higaan na katabi ng kanyang kama.

"Sasaktan niya din ako katulad ng ginawa ni Donya Ismeralda sa amin ni ina," ang nasa isip ni Benestra habang pinapanood matulog ang batang si Renren.

Naisip niyang kapag sinaktan siya ng bata ay agad niya itong kakalmutin sa mukha. Ngunit hindi nangyari ang bagay na iyon.

Araw-araw ay ginagamot ng bata ang kanyang mga sugat. Palagi siya nitong pinapakain at pinapainom ng gatas. Palagian din siya nitong niyayakap at madalas ay tinatabi sa pagtulog. Hindi nagtagal ay gumaling ang kanyang mga sugat at bumalik na sa dati ang kanyang lakas.

Isang hapon, pag-uwi ni Renren mula sa ekwela ay agad itong nagsumbong kay Benestra.

"Naku. Alam bo bang kinain ng daga ang baon kong biskwit Benestra? Nakakainis talaga ang mga daga! Sana kapag magaling ka na, mahuli mo na ang makulit na dagang iyon."

Dahil sa narinig mula sa bata, agad hinanap ni Benestra ang daga. Nang mahuli ito ay dinala niya ito kay Renren. Laking tuwa ng bata nang makita ang ginawa ni Benestra. Dahil doon binuhat nito ang kuting at hinalikan sa ulo.

"Ang bait mo talaga Benestra. Mahal na mahal kita."

Dahil sa pagmamahal ng bata sa kanya, hindi na naisip pang magnakaw ng kuting ng pagkain sa kusina. Naisip niya rin ang sinabi ng kanyang ina. Tama ito. Hindi lahat ng tao nananakit ng pusa. Hindi lahat ng tao katulad ni Donya Ismeralda.

Ngayon ay isa na siyang magandang pusa at itinuturing na matalik na kaibigan ng kanyang napakabuting among si Renren.

Wakas

(30.06.2019)

ISTORYA (Mga Kwentong Pambata)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon