NANG MAHIMASMASAN SINA Cathy, Grace at Karen ay agad silang kumilos upang i-ayos ang mga katawan ng mga kaibigan. Binuhat nila ang mga ito isa-isa upang maipasok sa silid.
Hirap man sila sa pagbubuhat dahil sa bigat ng mga katawan ay hindi na nila iniinda iyon. Ang mahalaga ay maitago muna nila sa silid ang mga labi ng mga kaibigan at maiayos ang mga ito sa pagkakahiga.
Habang binubuhat nila ang mga ito ay naaalala nila mga sinabi sa kanila ni Lola Tory. Tungkol ito sa kanilang magiging susunod na mga hakbang.
Ayon sa matanda:
"Dahil hindi pa natin tiyak kung ang gumawa nito sa inyong mga kaibigan ay ang gumawa din niyon sa lalaking namatay kahapon, kailangan nating puntahan ang bangkay ng lalaki sa kabilang bahay. Magmamatiyag tayo at mag-aabang kung mayroong mangyayari sa bangkay ng lalaki na maaari ring maganap sa inyong mga kaibigan. Subalit, hindi maaaring maiwan ng walang bantay ang mga katawan ng inyong mga kaibigan dito sa bahay. Dahil rito, dalawa sa inyo ang maiiwan rito. Isa ang sasama sa akin sa kabila."
"Hindi muna natin maaaring sabihin sa ibang tao ang tungkol sa nangyari sa inyong mga kaibigan. Hindi natin alam kung sino ang kakampi at kalaban."
"Kailangan ay laging nakasara ang lahat ng bintana at pintuan ng bahay. Sa dalawang maiiwan, wag kayong magpapapasok ng kahit na sino o ng kahit na anong hayop o kahit na anuman."
"Wag kayong magpapalinlang sa makikita ninyo. Anuman ang mangyari, wag na wag ninyong iiwanan o aalisin ang inyong mga paningin sa mga katawan ng inyong mga kaibigan."
"Pagkatapos nating maisaayos at maitago ang mga katawan nila ay saka kami aalis ng sinumang gustong sumama sa akin sa pagpunta sa kabila. Dapat ay yung marunong umarte at hindi halata ang kilos ang sumama sa akin upang walang makapuna sa atin na tayong nagmamanman lamang. Dapat ay mapaniwala natin ang mga tao roon na naroon tayo upang makiramay."
"Sa ngayon ay yun muna ang ating gagawin. Uulitin ko, tibayan ninyo ang inyong loob at magpakatapang para sa inyong mga kaibigan." pagtatapos ng matanda.
***************************************
PAGKATAPOS nilang mai-ayos ang mga katawan ng mga kaibigan ay tila tulala parin sina Cathy, Grace at Karen. Pinag-iisipan nilang mabuti kung sino sa kanila ang maiiwan sa bahay upang magbabantay sa katawan ng mga kaibigan at kung sino naman ang sasama kay Lola Tory.
Buntong-hiningang napagpasyahan ng tatlo na si Cathy ang sasama sa matanda at sina Karen at Grace naman ang magbabantay sa mga katawan ng mga kabarkada.
Nakapagbigay din ng lakas ng loob ang sinabi ni Cathy sa dalawa: "Isipin niyo na lang, iniimbestigahan lang natin ang nangyari sa mga kaibigan natin. Medyo may pagka-creepy at pagka-horror nga lang. Wala tayong choice, dahil walang makakatulong sa mga kabarkada natin kundi tayo lang. Tiisin at labanan na lamang natin ang takot na nararamdaman natin. Kailangan nating malaman kung sino ang may kagagawan nito. Pag-aaralan nating mabuti ang mga maaari nating gawin simula ngayon. Kailangang makabalik satin ang mga kaibigan natin. Hindi tayo papatalo sa mga kalaban. Malamang ay iniisip na nilang panalo na sila dahil nakatumba ang mga kabarkada natin. Kailangan nating ipakita na hindi pa tayo sumusuko. Baka ito ang isa sa mga paraan na maaaring makapagpabalik sa ating mga kaibigan" panimula ni Cathy.
"Naaalala ko ang sinabi sa akin ng lolo ko noon: na kung natatakot ka sa mga elemento na nasa paligid mo, lalo ka nilang tatakutin. Lalo ka nilang kokontrolin. Adventurous naman tayo di ba? Mas gusto nga natin yung may thrill eh? Kaya laban lang. Sakyan lang natin ang trip ng mga gumagambala sa atin." maluha-luhang dugtong pa nito.
Kahit papaano ay lumuwag ng kaunti ang loob nina Karen at Grace.
Tango-tango ang mga itong yumakap kay Cathy.
BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Mystery / ThrillerPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...