CHAPTER 14
HINDI alam ni Brionna kung paanong naisaayos ni Claud ang kanilang mga papeles matapos ang tatlong araw na magpropose ito. Gusto raw nito na makasal sila sa lalong madaling panahon. Hindi naman niya ito kinontra.
Lumipad sila pabalik ng Maynila sa araw na iyon at sa mismong bahay ng kakilala nitong judge sila ikinasal. Ang mga naging witness nila ay ang maybahay ng judge at ang isang anak nito.
Matapos ng kasal ay lumipad muli silang pabalik ng Palawan.
"Pasensiya kana, sweetheart kung civil ang kasal natin ngayon, gusto ko lang na maging komportable kang kasama na ako sa iisang bahay. Kung gusto mo dahil kasal naman na tayo ay planuhin narin natin ang church wedding?" Abala ito sa pagmamaneho pero ang isang kamay nito ay nakahawak sa isa rin niyang kamay, kanina pa nito iyon hindi binitawan.
Gusto niyang maiyak at may plano rin pala itong maikasal siya sa simbahan. Sana nga rin lang ay wala itong ibang babae ngayong kasal na sila. "Saka nalang iyong church wedding," aniyang binaling ang tingin sa labas. Hindi siya makapaniwalang asawa na niya si Claud. At hindi niya alam kung alin ba ang emosyong mas nanaig sa kanyang dibdib ngayon. Tuwa ba o sakit.
Maya-maya ay pumarada ang sasakyan nito sa isang hotel ng isla. Pinagbuksan siya nito ng pinto at inalalayang makapasok sa loob ng hotel na inspired yata ang desenyo sa mga nagtatayugang building sa Europa. Nagulat pa siya ng dalhin siya nito sa isang restaurant doon at may ilang mga bisitang bumulaga sa kanya. Naroon si Selena, at ang namukhaan niyang daddy ni Claud na sa picture frame sa bahay nito lang niya nakita. His father was probably still on his fifties or mas mukha lang itong bata sa edad but he had a healthy built and he was just as dashing as his son. Kasama rin ng mga ito ang babaeng kapatid ni Claud. She probably was the prettiest girl she had ever seen. Bilugan ang mga mata nito na nakuha mula kay Selena at kay ganda ng mga ngiti nito. Maluha-luha siya ng makita rin si Lydia. Hindi siya makapaniwalang inimbitahan ito ni Claud roon. Bakit wala itong sinabing ganoon sa kanya? Ang iba roon ay hindi niya kilala pero hula niya ay mga kaibigan iyon ni Claud. Ni walang maitulak kabigin sa mga ito, katabi naman ng mga ito ang sa tingin niyang mga asawa rin ng mga ito.
Tumikhim siya. " Bakit hindi mo sinabing nag imbita ka pala ng maraming bisita?"
"Baka hindi ka pumayag pag sinabi ko, kaya surprise nalang, sweetheart." Hinila siya ni Claud. "Halika na dahil kanina pa sila naghihintay."
Huminga siya ng malalim, saka naglakad sa kinaroroonan ng mga bisita at nakipagpalitan ng pleasantry. Nakikita niyang sinsero naman siya ng mga itong binati. Claud had quite a number of friends. Siya naman kasi ay si Lydia lang ang itinuturing na kaibigan. Pati ang pamilya ni Claud ay isa-isa siyang niyakap at hinalikan. Nangingilid tuloy ang mga luha niya sa mainit na pagwelcome ng mga ito sa kanya.
Masaya silang kumain sa hapong iyon. Matapos kumain ay nagkasarilinan silang mga babae na isa-isa naring naipakilala ni Claud sa kanya. Ang mga lalaki naman ay may kung anong pinag-usapan. Si Selena at si Stephie ay kailangan lumabas dahil nag-aya ang huli na gusto nitong maglaro sa pool. Naikwento na sa kanya ni Selena noon na espesyal si Stephie pero hindi niya inakalang napakabata pa talaga ng pagiisip nito sa edad na twenty. Gusto tuloy niyang makonsensiya sa panahong umuwi si Selena noon para samahan siya.
"Naku buntis pala tayong tatlo? Nakakatuwa naman at mukhang sunod-sunod rin tayong manganganak," nakangiting wika ni Adrianna na napahimas pa sa tiyan nito.
Natawa si Inna, ito ang may pinakamalaki na tiyan sa kanila at mukhang araw nalang yata ang bibilangin. Ang sa kanila ni Adrianna ay hindi pa masyadong obvious. "Oo nga sana, puro girls para magkakasundo silang maglaro. Nakakatuwa siguro."