Sa paglubog ng araw sa gawing kanluran,
Luha sa mga mata’y natakpan ng karimlan.
Lungkot ng gabi’y bumabalot sa kalooban,
Na tanging pag-iyak ang naging sandalan.
Sakit na nararamdaman sa’yong paglisan
Ang yaring sumisiksik sa aking mga kalamnan.
Larawan mong naukit sa aking paham na isipan
Ang syang inaalala uoang damdami’y gumaan.
Ang puso ko’y nagungulila sa’yo aking mahal,
Maging ang isip ko’y nangungusap sa parehong dahilan.
Paglisan mo sa aking piling ang naging daan
Upang ang payak kong buhay’ yumakap sa kamatayan.
Sayong paglisan, bigat sa damdamin iyong iniwan
Na tanging tinig mo ang makakapagpagaan.
Damdamin ko’y puno ng kalungkutan,
Na babaunin hanggang maratay sa kamatayan.
O, Diyos ko, tanging dalangin ko sa sintang iniibig
Nawa’y pakaingatan Mo at marinig aking pagtangis
Sana sa muling pagsikat ng araw sa aking silangan
Mga ngiti sa labi niya’y muli ko ng masulyapan.