Hanggang Sa Walang Hanggan

4 0 0
                                    

Isang Malamig na gabi na tayo'y magkasama

Nagkaroon tayo ng isang mainit na pagtatalo

Mga masasayang sandali ay biglang sumama

Ni ang problema'y di alam ang puno't dulo

Ayaw mong kumapit sa aking mga kamay

Natatakot sa akin na para bang ako'y patay

Pag nagsasalita, ang boses mo'y nangangatal

Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang inaasal

Kaya bago pa lumala, pansamantala kang nagpaalam

Winikang "bukas na lang tayo mag-usap" at ako'y tinalikuran

Galit ka ba o hindi? yaon ay hindi ko alam

Kaya sa aking pagkalito, ikaw ay aking hinayaan

Lumipas ang ilang segundo mula sa pinagkakatayuan

Katawan ko ay biglang nanlamig at hindi maigalaw

Nagtatanong sa sarili kung ano ang dahilan

Sa tugtog ng iyong pag-ibig ay di ako makasayaw

At sa hindi kalayuan, narinig ko ang iyong sigaw

Ako'y biglang nagising at nanumbalik sa ulirat

Patungo sa iyo, ako'y nagtatakbo't naghihiyaw

Ngunit huli na ang lahat, ika'y tinamaan ng kidlat

Bumigat bigla ang aking nararamdaman

ang dibdib ko'y nanikip na tila binabaha

Mula sa kalangitan, bumuhos ang malakas na ulan

Kasabay nito ay ang pagbuhos ng aking luha

Ako ay lumuhod sa basang damuhan

At dahan-dahang binuhat ang iyong katawan

Ikaw ay dumaing pagkat ikaw ay sugatan

Ngunit pinilit mo pa ring ngumiti kahit ang mga mata mo'y luhaan

Mga mahihiwagang salita ang lumabas sa iyong mga bibig

"Patawarin mo ako", yaon sa akin ay hiniling

Ako'y nalito na para bang hindi kita narinig

Patuloy lang sa pagtitig sa mata mong kay ningning

At ilang sandali pa, ang iyong mga mata ay tuluyan ng pumikit

Ngunit ang iyong mga labi ay sadyang nakangiti pa rin

Sa aking hinagpis ako'y napayakap ng napakahigpit

Walang makakahalintulad sa nadarama kong sakit!

Halos patayin ang sarili sa aking pagsisisi

Dahil hindi na sana naganap ang ganitong pangyayari

Kung hindi kita hinayaang umalis sa aking tabi

Sana tayo ngayo'y masaya at magkasamang uuwi

Isinusumpa ko ang lahat ng nasa aking paligid

Napuno ang aking puso ng pagkamuhi't galit

Sa pag-ibig natin, bakit ang lahat ay bumabalakid?

Pinabayaan na ba ako ng amang nasa langit?

Mga pangarap kong sayo lang nakaalay

Pangarap nating tumira sa iisang bahay

Laging magkasama at hindi magwawalay

Ngunit paano na? wala ka nang buhay

Mag-isa kong dadalhin ang sakit na nadarama

Wala ng aakap sa akin at magpapatahan

Sa mga pagkakamali ko'y wala ng magtatama

Wala ng makikiramay kapag ako'y nasasaktan

Habag ang ulo mo'y nakahimlay sa aking bisig

Ako'y patuloy sa pagsigaw upang humingi ng tulong

Sabi mo'y itigil ko na at wala namang makaririnig

Dahil ang aking sigaw ay daig pa ang bulong

Ngumiti ka bigla at ako'y iyong niyakap

Sobrang higpit na para bang ikaw ay nakatali

At sabay bulong sa maitim na alapaap

Hindi na tayo magkakahiwalay pang muli

Ang isip ko'y puno na naman ng pagkalito

Pagkat ika'y wala na, ako ba'y iyong minumulto?

Dinadama ang iyong puso, ngunit ito'y matagal ng nakahinto

Ito ba'y isang panaginip o ito ba'y totoo?

Kaya't ang mga pangyayari ay aking binalikan

Mga sitwasyo'y pinagtagpi-tagpi sa aking isipan

At sa wakas naalala ko ang mga bagay na nakalimutan

Kaya aking isip, katawan at kaluluwa'y lumagay na sa katahimikan

Tayo ng umuwi at magsimulang muli

Ituloy ang mga pangarap na pansamantalang napawi

Di na maghihiwalay at magsasama ng palagi

Magmamahalan tayo mula umpisa hanggang sa huli

Sa ilog ng pagmamahal, tayo ng maglakad

Di alintana kung saan man tayo mapapadpad

At higit sa lahat, ikaw ay aking pinapatawad na

Sa paglihim mo sa akin, na ako'y namayapa na pala

Pangako sa iyo, di ka na muling luluha

Dahil sa pag-ibig ko sa iyo'y wala ng makakakuha

At kung dumating ang araw na ang pag-ibig ko'y di na sa iyo nakaalay

Yaon ang matamis na araw na ako'y mamamatay

July 2002

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 27, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hanggang Sa Walang HangganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon