Chapter 26
Hari
Sa tuwing siya'y nakaupo sa kanyang trono tanging paghanga ang nagniningning sa bawat mata ng sinumang makakakita sa kanya.
Sa sandaling tumayo siya dala ang simbolismo ng kanyang panunungkulang kumikislap sa ibabaw kanyang ulo, pagrespeto ang namamayani sa buong emperyo.
Sa pagkakataong ang kanyang tinig ay humalo sa mga salitang may kabuluhan at halaga, katahimikan at pakikinig ang tumatanggap sa kanya.
Ilang sitwasyong madalas masaksihan ng napakaraming nilalang habang humaharap si Dastan sa kanyang tungkulin. Ngunit ang mabigyan ng pagkakataong makita ang iba pang parte niya bilang isang hari na hindi nito nais malaman ng lahat ay talagang nakagagalak.
Napaka-mapagkumbaba nito para sa isang pinakamataas na nilalang sa mundong ito.
Inilahad sa akin ni Dastan ang kanyang kanang kamay habang ang isa niyang kamay ay nanatili sa kanyang likuran. Tipid muna akong ngumiti sa matandang lalaki na agad din yumuko sa akin.
Nang hilahin ako papalapit ni Dastan patungo sa kanya ay marahan niyang hinalikan ang likuran ng kamay ko sa pagitan ng manipis na abong maskarang nagtatakip sa kalahati ng kanyang mukha.
Nag-init ang pisngi ko.
Ibinaba niya ang kamay namin at nagsimula na kaming maglakad sa dagat ng pamilihan na napupuno ng iba't-ibang klaseng nilalang. Masasabi kong may kasikipan dito at maingay ngunit ramdam na ramdam sa lugar na ito ang masiglang buhay, kalayaan, sariwang hangin at nakagagaang liwanag.
Hindi nakapagtatakang mahihilig sa lugar na ito si Dastan, lumaki siya sa palasyong inilalahad ang lahat sa pinaka-eleganteng pamamaraan at ang makaranas ng ganito para sa isang haring may mabigat na tungkuling hinaharap ay isa nang uri ng kalayaan.
At masaya akong nais niya itong ibahagi sa akin.
"Masayang-masaya ako... K-Kama—" natigil ako sa pagtawag sa kanya.
"Dastan..." bulong ko. "Na isinama mo ako rito..."
Dinala ko sa aking pisngi ang kanyang kamay. Lumambot ang mga mata niya sa akin. "Ngunit sino pa ang nanaisin kong dalhin dito?"
Yumuko sa akin si Dastan para mahinang bumulong sa tenga ko. "Ang aking reyna lamang..."
"Natad! Magaganda at bago ang mga bulaklak namin ngayon!" saglit kaming nagkatitigan ni Dastan nang marinig namin ang tawag sa kanya.
Ngumiti kami sa isa't-isa at saglit niyang idinikit ang kanyang noo sa akin bago kami kapwa humarap sa babaeng tumawag sa kanya.
Nagtitinda ito ng iba't-ibang klase ng bulaklak at isang tingin pa lang ay masasabi kong napaka-sariwa pa ng mga ito. Magkadaop ang aming mga kamay ni Dastan at sabay na nagtungo rito.
"Sino itong magandang dalagang iyong kasama?" ngumiti ako sa babae.
"Ang aking kasintahan." Saglit akong tumango bilang pagbati.
"Siya ba ang kasintahan mo sa norte o sa timog?" tanong ng babae, ramdam ko ang biglang pagdiin ng hawak ni Dastan sa aking kamay.
Kasintahan sa norte? Timog? Pati pa sa Silangan at Kanluran?
Nag-aakusa akong sumulyap kay Dastan, sinabi niya lamang sa akin na tanging ako lamang ang kanyang dinadala rito. Ngunit ano itong sinasabi ng babaeng may kasintahan pa siya sa Norte at Timog?
Ramdam ko ang panlalamig ng kamay ni Dastan.
"Magda, hindi ko alam ang iyong sinasa—" bago pa man matapos si Dastan sa kanyang sasabihin ay agad humalakhak ng malakas ang payat na babae.
BINABASA MO ANG
Moonlight Blade (Gazellian Series #4)
VampireJewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other goddesses her age when it comes to power and ability. And as someone who is afraid to stand up for herself, she already accepted her unfortunat...