Sa kalagitnaan ng gabi, habang tahimik na ang kabahayan ay sinimulang tahakin ni Aster ang madilim na pasilyo hanggang makarating siya sa isang nakatagong pinto sa loob ng wine cellar. Doon ay hinila niya ang isang bote na nagsilbing susi upang mahawi ang cabinet na pinaglalagyan ng mga mamahaling wine. Isa iyong lihim na silid na bihirang puntahan ng iba.
Pagbukas ng pinto, bumungad agad ang malamlam na ilaw ng mga bombilya. Sa gitna ng silid, nakatali ang isang lalaki sa isang upuan. Ang mukha nito ay nababalutan ng makapal na retaso ng tela upang walang anumang makita. Sa harapan nito ay tahimik na nakaupo si Mortice. Relax na relax habang kumakain ng chips, animo'y nanunuod ng isang boring na palabas.
Napatingala naman si Mortice nang maramdaman ang presensiya ni Aster. Tumigil ito sa pagkain at tumayo bago hinila ang inuupuan upang lumayo sa lalaking nakatali.
Samantala nilapitan naman ni Aster ang nakataling lalaki. Marahas niyang tinanggal ang telang nakabalot sa ulo nito at pinagmasdan itong maige.
Wala siyang masabi. Para siyang nananalamin habang nakatitig sa lalaki. Bawat kurba, kulay, at marka ay magkaparehong-magkapareho sila na animo'y isa lang ang humulma sa katawan nila.
“Ano'ng pakay mo?” malamig na tanong ni Aster sa lalaki, ang boses niya’y puno ng awtoridad. “Bakit ka nagpapanggap na ako?”
Sa kabila ng kanyang seryosong tanong, isang mapanuyang tawa lamang ang naging tugon ng lalaki. Tila sadya pa itong nang-aasar.
Pinagmasdan ito ni Aster nang matalim, hindi niya gusto ang asta nito. Ramdam niyang hindi man lang ito nakararamdam ng takot sa kaniya o sa nangyayari man. Naisip niya tuloy na baka ito ang lalaking pumasok sa teritoryo niya noong nakaraan. Posibleng si Vernice nga talaga ang pakay nito kaya nito inagaw ang pagkatao niya.
Napakuyom ng kamao si Aster nang maisip iyon, ngunit pinilit niyang manatiling kalmado. “Sino ang nag-utos sa'yo?”
Ngumiti naman ang lalaki, puno ng sarkasmo. “Kahit sabihin ko, wala ka ring magagawa. Akala mo ba'y totoong nahuli mo ako ha?” pagtawa pa ng lalaki.
Napatigil si Aster, iniisip ang naging sagot ng lalaki. Tila isang piraso ng puzzle ang nakuha niya, ngunit malayo pa sa kabuuan ng larawan. Lumapit siya nang bahagya, halos magtama ang kanilang mga mata na parehong may nakapaskil na pagbabanta.
Mariing pumikit si Aster, pilit na pinapakalma ang sarili, ngunit unti-unting sumisikip ang kanyang dibdib. Walang balak sumunod ang lalaking ito, at alam niyang kailangan na niyang magdesisyon. Humakbang pa siya papalapit dito. Ang kanyang anino’y tila mas bumigat sa kaniyang bawat hakbang.
“Ayaw mong sumagot? Then, you leave me no choice.”
Mula sa likuran bahagi ng kaniyang bewang ay hinugot ni Aster ang nakaipit na baril. Mayroon iyong silencer sa dulo kaya kahit pa may taong nasa malapit ay tiyak na hindi maririnig kung sakaling kalabitin niya ang gatilyo. Isa pa ay pinasadya niyang gawing sound proof ang kwartong iyon, kaya siguradong kahit anong ingay ang mangyari sa loob ay mananatili iyong lihim sa lahat.
BINABASA MO ANG
HOURGLASS 3: The Main Lead Is A Villain
FantasiaAng akala ko ay kilala ko na ang mga tao na nasa paligid ko. Akala ko tama ako ng pagbabasa sa mga tao, pero isa pala akong malaking tanga. Dahil iyong mga taong iniisip kong nasa panig ko ay siya pa pala ang ta-traydor sa akin. At iyong nag-iisang...