NAPAMULAT ng mga mata si Sophia at napansin na nasa isang hindi pamilyar na kuwarto siya. Napabalikwas siya ng bangon at napaungol dahil sa pag-sakit ng ulo.
“Mabuti naman at gising ka na,” narinig niyang tinig ng isang babae na hindi niya napansing nasa loob ng kuwarto.
Kumunot ang noo niya at nakilalang si Rachel Leigh iyon. Muling bumalik sa kanya ang pangyayari ng nagdaang gabi. Hindi niya alam na nakatulog na pala siya dahil sa pagkalasing.
“Pasensiya ka na kung naabala kita,” nahihiyang sabi niya.
“Wala iyon,” sagot nito. Sumandal ito sa dingding at humalukipkip. “Nandito ka sa apartment ko, hindi ko alam kung saan ka dadalhin kagabi. Naaalala mo pa ba ang nangyari?”
Tumango siya. “Tutulungan niyo pa ba ako?”
Nagkibit-balikat ito. “Kung desisyon mong sumali sa grupo, matutulungan ka. Nasabi na rin yata ni Drake kay Anthony kaya wala ng problema.”
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Anthony?”
“Makikilala mo rin siya. Siya ang leader ng grupo namin.”
Tumango-tango siya. “Bakit nga pala binuo niyo ang grupong ito?”
Umalis ito sa pagkakasandal sa dingding at umupo sa kama. “Hindi ba sinabi na sa’yo ni Drake kagabi na ang misyon ng grupong ito ay sirain si Christopher at ang society na itinatag niya,” sagot nito. “Si Anthony ang may matinding galit kay Christopher at hindi ko alam kung bakit. Sumusunod lang din naman ako dahil malaki ang utang na loob ko sa kanya.”
Wala siyang pakialam sa kung anong balak ng grupong iyon kay Christopher. “Anong society?” tanong niya.
Bumuntong-hininga ito. “The Breakers Corazon Sociedad,” tugon ni Rachel. “Ngayon mo lang iyon narinig dahil itinatago iyon ng mga miyembro noon sa publiko. Narinig ko lang din iyon kay Anthony. Samahan iyon ng sampung lalaki, breakers kung tawagin, na lahat ay kumikita ng milyon-milyon kada taon.”
The Breakers Corazon Sociedad? Napaismid siya, nasa pangalan na niyon ang ibig-sabihin ng society na iyon. Samahan ng mga lalalaking nangwawasak ng puso ng mga babae. Kaya pala kasama doon ang hayop na Vincent na iyon.
“Kung nadadaanan mo ang Society Hotel sa Makati, doon sila nagkikita-kita,” pagpapatuloy nito. “May mga kanya-kanya silang private suite doon at doon nila dinadala ang mga babae nila, at nag-uusap-usap ng tungkol sa mga businesses nila.”
Tumingin siya dito. “So, malimit doon si Vincent?”
Tumango ito. “Oo, sa pagkakaalam ko ay pangalawang tahanan na iyon ng mga ‘breakers’,” tumayo na ito. “Siguradong magiging masaya na naman si Anthony dahil may magagamit na siya laban kay Vincent,” ngumiti ito. “Pasensiya ka na kung wala akong maiaalok sa’yong pagkain. Hindi ako sanay magluto para sa ibang tao. Mag-ayos ka na. Kung gusto mong makapag-higanti kaagad, dapat kumikilos ka na,” iyon lang at lumabas na ito ng kuwarto.
Sinundan niya ito ng tingin. Hindi madaling unawain ang Rachel Leigh na iyon, para kasing hindi ito marunong magpakita ng sariling nararamdaman.
Humugot siya ng malalim na hininga at bumaba na ng kama. Tama ito, dapat kumikilos na siya para mapag-higantihan ang lalaking iyon. Maghintay ka lang Vincent Fabella. Magkikita din tayo at mapagbabayad din kita.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent Fabella
Roman d'amourSophia needed to enter Vincent Fabella's life, a heartless bastard na may malaking pagkaka-utang sa kanya. Wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang itaya ang sarili niya para lamang makalapit dito. Hindi siya titigil hangga't hindi nahuhulog ang l...