Ang sakit na ng paa ko,” mahinang sabi ni Hannah. Kanina pa siya nakatayo sa ilalim ng waiting shed, tinatanaw ang kalsadang halos walang sasakyang dumadaan. Muli niyang ipinadyak-padyak ang kanyang mga paa na nakasuot ng high heels na may tatlong pulgada ang taas.
“Nag-strike ba ang mga drayber?”
“Hoy!”
Napalingon si Hannah sa kanyang likuran. Sa kabilang kanto ay nakita niya ang isang babaeng nakasuot ng puting duster. Gulu-gulo ang buhok nito na para bang bagong gising. May kapayataan din ang babae, parang nakakatusok ang mga buto sa mga braso kapag iyong hinawakan. Kumakaway ang babae sa kanya.
“Ako ba ang tinatawag nun?” Hindi ito pinansin ni Hannah at muling itinuon ang tingin sa maluwang na kalsada. “Nasaan na ba ang mga jeep?”
“Hoy,” muling sigaw ng babaeng nakaputi mula sa kanyang likuran. Bahagyang ipinihit ni Hannah ang kanyang mga mata at sinilip ang babae mula sa gilid ng kanyang mga mata.
Nagulat siya at napatalikod sa nakita.
Tumatakbo ang babaeng nakaputi patungo sa kanya. Nakataas ang dalawang kamay nito, ang mga daliri ay animong sa mabangis na leon na nakahandang manunggab at mangalmot. Ngunit ang nakapag-paatras at nakapagpatakbo kay Hannah ay ang dalawang mata ng babaeng nakaputi. Dilat na dilat ang mga ito, tila ba galit na galit. Namumula pa ang mga ito at kahit may kalayuan ay kita niya ang mga ugat sa mata nito na para bang tumitibok-tibok pa.
“Halika rito!” tawag ng babaeng nakaputi. “Sabi ng halika rito!”
Walang nagawa si Hannah kundi ang kumaripas ng takbo hangang sa marating ang kanyang bahay. Ni hindi na niya nagawa pang lumingon kung nasusundan pa rin siya ng babae. Basta’t ng makapasok sa bahay at agad niyang isinara at ini-lock ang kahoy na pintuan.
“Diyos ko po! Ano ba yun?” humihingal sa sabi niya. “Baliw ba yun? Bakit ba hinahayaang gumala-gala ang mga ganon? Baka makasakit lang ang mga yun!”
Walang sumagot sa kanya kundi katahimikan.
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)
###
Sunud-sunod na kahol ng mga aso ang gumising kay Hannah. Matapos mag-inat-inat ay dahan-dahan siyang bumangon at umupo sa kanyang kama. Madilim pa sa labas at tahimik ang buong paligid maliban sa kahol ng mga asong kalye sa labas. Tiningnan niya ang maliit na orasang nakapatong sa lamesa sa tabi ng kanyang kama.
Alas tres pa lang, naisip niya.
Dahil bahagyang nawala ang antok at nakaramdam na rin ng pagkauhaw, tumayo si Hannah at isinuot ang kanyang malambot at mabalahibong tsinelas. Lumabas siya ng kanyang kuwarto at tinungo ang kusina. Binuksan niya ang isang kulay abong refrigerator at kumuha ng isang boteng tubig.
Isang kalabog ang narinig niya mula sa may pintuan.
Ano yun? May tao ba diyan?
Dahan-dahan siyang lumapit sa pintuan at binuksan ang switch ng ilaw. Malamlam na kulay dilay na ilaw na nanggagaling sa isang mumurahing bumbilya ang pumuno sa kanyang maliit na bahay. Hinawi niya ang kurtina at sumilip sa bintana.