TAHIMIK lang ako habang pinakikinggan ang bahagyang nababasag niyang boses. Sa ilang taon kong nakilala si Alice, hindi ko man lang naramdaman na may kinikimkim na pala itong poot sa amin ni Angela. Hindi ko rin napansin na may gusto pala siya sa akin dahil akala ko'y kaibigan lang ang aming turingan.
Kumalma siya. "Pangalawa. 'Yung promotion sa kumpanya na inaasam ko, inagaw niya rin sa akin. Alam mo kung ano 'yung nakaka-insulto? Na-promote lang siya dahil type siya ng boss namin. Dahil maganda siya. Habang ako? Matagal na akong nagtatrabaho do'n. Ako pa nga 'yung nagpapasok sa kanya sa kumpanya e."
"Alice—"
"Tumahimik ka!" sigaw nito dahilan upang maputol ang sasabihin ko. "At pangatlo. Kita mo to?" Bahagya siyang nag-squat sa harapan ko at ipinakita sa akin ang mga daliri niya sa kaliwang kamay.
Napalunok ako. Matagal na akong nagtatanong sa kanya kung ano ang nangyari sa isang daliri niya subalit kailanman ay 'di niya ako sinagot nang diretso. Laging ang salitang 'aksidente' lang ang tugon niya sa akin.
"Nakuha ko 'to noong college kami ni Angela. Inimbita niya ako sa isang party no'n kahit na ayaw ko. Sinundo kami ng boyfriend niyang nakamotor. Nakasakay siya sa motor ng jowa niya habang ako naman ay nakasakay sa kaibigan ng boyfriend niya. At sa di inaasahan, bumangga ang motor na sinasakyan ko sa isang humaharurot na van." Tumayo na siya at umupo sa silyang nasa limang metro ang distansya mula sa akin. "Namatay 'yung kasama ko. Habang ako, kritikal at naputulan pa ng hintuturo. Ako ang sinisisi ng mga tao no'n sa pagkamatay ng kaibigan ng boyfriend niya. Pero ang totoo? Siya naman ang dapat sisihin. Dahil kung hindi niya ako niyayang lumabas no'n, hindi mangyayari sa akin ang lahat ng 'yon!"
Halos di ako makapagsalita nang marinig ko ang rebelasyon niya. Hindi ko alam na ganito pala ang mga pinagdaanan niya.
"Pero pinili mo pa rin siyang maging kaibigan," mahinahon kong pahayag.
"Dahil wala akong choice!" Tinignan ako nito nang masama. "Siya lang ang tumanggap sa akin nang mga panahong 'yon. Ilang taon din akong nagpakaplastic hanggang sa napagdesisyunan kong ibalik sa kanya ang lahat ng sakit na ipinaramdam niya sa akin. Nakakatawa nga e dahil imbes na ikaw ang sorpresahin niya, ako muna ang sumorpresa sa kanya."
Nag-init ang mga tainga ko sa narinig ko. Bigla akong inatake ng kaba. Bumilis ang pintig ng puso ko.
"A-Anong ginawa mo kay Angela?" nanghihinang tanong ko. Sana mali ang iniisip ko. Sana walang nangyaring masama sa kanya.
"Ayan siya oh." Nginuso ni Alice ang direksyon sa bandang kanan ko. Nanlaki ang mga mata ko sa aking natuklasan. Hindi maari. "Napanood mo naman siguro 'yung video na sinend ko sa 'yo. Ipinagaya ko lang sa lalaking binayaran ko 'yung torture video ng notorious murderer na si Killer Cat na nag-viral apat na taon na ang nakalilipas. Masaya ko lang na pinapanood si Angela dito sa silyang kinauupuan ko habang pinapahirapan at pinapatay."
Nagpumiglas ako sa galit dahil sa inisiniwalat niyang 'yon. Hindi ko na napigilan ang mga luha ko na bumagsak mula sa aking mga mata. Hindi pwede. Hindi totoo 'to!
"Demonyo ka!" mariin kong sigaw dala ng poot.
Wala akong narinig na tugon kun' di ang mga pilyang tawa ni Alice. Nagngingitngit ang paningin ko. Gusto kong sakalin si Alice. Gusto ko siyang pagbayarin sa ginawa niyang kahayupan.
Kalaunan, biglang pumasok ang isang pamilyar na lalaki. Ibinaon ko sa kanya ang matatalim kong tingin. Alam kong ito ang hayop na nagpahirap at pumatay kay Angela.
Bumalik ulit sa isipan ko ang mga napanood ko sa video. Mula sa walang habas na paghataw niya ng batuta kay Angela, pagbigti rito at pagsunog nang buhay. Napapakit ako. Paulit-ulit na umaalingawngaw sa aking ulo ang mga hikbi't iyak ng girlfriend ko.
Patawad mahal dahil hindi kita nailigtas. Dapat sinamahan na lang kita pauwi sa probinsiya. Kasalanan ko 'to.
"Pahirapan mo 'yan at pagkatapos, paliguan mo ng gasolina." Sumulyap saglit si Alice sa 'kin. "Magyoyosi lang muna ako sa labas. Pagbalik ko, ako mismo ang sisilab diyan."
BINABASA MO ANG
Call Me, Killer Cat (Completed)
Mystery / Thriller"At dahil sa galit ko sa mundo, naging libangan ko na ang pumatay." -Killer Cat