Language of my Dream

3 1 0
                                    

Kabado ako ngayon dito sa backstage. Nilalaro ko ang aking mga daliri dahil sa kaba pati noo ko ay pawisan na rin.
School festival ngayon sa school namin at ngayong araw gaganapin ang 'Showcase of Talents" na hinanda ng mga taga-student council. Pwede ito sa lahat. Kung gusto mo na ipakita ang natatangi mong talento, huwag kang mahiyang ipakita ito. Kaya hindi na ako nagdalawang isip pa na magpalista kahit pa na kabado ako sa resulta ng aking presentasyon.
Naging kalmado pansamantala ang pakiramdam ko nang maramdamang may humawak sa mga kamay ko. Si mama.
"'Nak, nandito lang ako sa tabi mo para suportahan ka at kung mangyari man iyang inaasahan mo na sigurado naman akong mangyayari talaga, huwag mong gawing hadlang iyon upang itigil mo ang iyong pangarap,"
Tumango ako sa kanya na para bang sinasabi na magiging maayos din ang lahat pagkatapos nito. Na hindi na nila ako huhusgahan dahil ang mga katulad kong may kapansanan ay hindi pasanin sa lipunan. Hindi namin pinangarap ito ngunit para sa sa'kin, isa itong biyaya mula sa 'Kanya'. Kumbaga, a blessing in disguise.
Maya-maya ay tinawag na ang pangalan ko. Bigla bumilis ang tibok ng puso ko. Naririnig ko ang mga hiyawan at sigawan ng mga tao ngunit nangingibabaw pa rin ang napakalakas na tibok ng aking puso.
Tumingin ako sandali kay mama bago tuluyang pumunta sa entablado.
Kitang-kita ko ang pagkadismaya sa mukha ng mga manonood. Hindi nila inaasahan na ang katulad kong pilay ay may lakas ng loob para harapin sila at ipakita ang walang kwenta kong talento. Nagpatuloy ako sa pagpagulong ng aking wheelchair hanggang nakaabot na ako sa gitna. Nabalot ng hindi maipaliwanag na katahimikan ang paligid.
Huminga muna ako ng malalim at pinakiramdaman ang paligid. Maya-maya pa ay nagsimula na ang musika. Humigpit ang hawak ko sa aking drawing book na kung saan pinuno ko iyon ng mga guhit na nagpapahiwatig na hindi dapat hinuhusgahan ang may mga kapansanan. Dahan-dahan kong ini-angat ang drawing book at iniisa-isa ang bawat pahina.
"HOY! ITIGIL MO NA NGA IYAN. HUWAG KANG MAGDRAMA DITO!" Sigaw ng isang manonood na nakaupo sa unahang parte sabay tapon ng mga papel sa harap ko. Nasundan pa iyon ng mga masasamang salita mula sa mga taong mapanghusga.
Tumulo ang mga luha ko. Akala ko pagkatapos nito matatanggap na nila ang kalagayan ko. Masakit pa rin pala.
Hindi ka tatanggapin ng tao kung hindi ka nila katulad. Walang papansin sa'yo. Maaagnas ka na lang katulad ng mga patay na nabubulok.
Bumaba na ako sa entablado at niyakap ang nag-iisang taong tinanggap at minahal ako ng totoo, si mama. Nagtaka naman ang mga taong nadito sa backstage. Nagtataka sila kung bakit ako umakto na may kayakap gayong wala naman akong kaharap. Binalewala ko ang tingin nila at ngumiti na lang kay mama.
-wakas

Untold FeelingsWhere stories live. Discover now