Thirty years ago…
Ikalimang birthday ko iyon. Nakasakay kaming mag-anak sa lumang kotse ni Tatay. Masaya kaming bumabyahe hanggang bigla ko na lang naramdaman na humigpit ang pagkakayakap sa akin ni Nanay, halos itakip ang buong katawan sa akin para ako protektahan. Ramdam ko ang dagundong ng puso niya sa magkahalong kaba at takot habang si Tatay naman napamura ng malakas saka mabilis na kinabig ang kotse paiwas sa isang ten-wheeler truck na babangga sa direksiyon namin. Sa isang iglap, lumiwanag ang nakikita ko, ramdam kong umikot ang paligid sa lakas ng pwersang hindi ko mawari kung saan nanggaling. Nang mawala ang tunog ng nayuyuping mga bakal, nababasag na salamin at tuluyang tumahimik ang paligid, nakita ko na lang ang sarili kong umiiyak.
“Emely! Emely!”
Naramdaman ko ang pagyugyog ng aking balikat. Pagmulat ko ng mata at pagkalipas ng ilang segundo saka luminaw sa akin ang mukha ni Mrs. Henson. Napabalikwas ako ng bangon.
“Nananaginip ka Emely,” sabi niya.
Halos maligo ako sa pawis habang naghahabol ng hininga. “Sina Nanay at Tatay… Mrs. Henson,” naiiyak kong sabi. “Kasalanan ko. Hindi na dapat ako nagpilit pang mamasyal. S-sana buhay pa sila ngayon.”
Niyakap ako ni Mrs. Henson. “Dalawang taon na ang nakalilipas Emely. Tahimik na sila kasama ni Papa God sa langit. Huwag mong sisihin ang sarili mo. Aksidente ang nangyari at wala kang kasalanan.” Hinayaan ko lang yakapin ako ni Mrs. Henson. Silang mag-asawa ang nagkataong naroroon ng mangyari ang banggaan. Sila ang tumawag ng saklolo at nang malaman nilang naulila ako, sila na rin ang umampon sa akin.
Yumakap ako kay Mrs. Henson ng mahigpit sa takot na pag bumitaw ako ay mawala rin siya sa akin. “Salamat po.”
Bumawi si Mrs. Henson para magkaharap kami. “Bakit ba Mrs. Henson pa rin ang tawag mo sa akin? ‘Di ba sabi ko na sa iyo simula pa lang Mommy na ang itatawag mo?”
Mommy na talaga ang tawag ko sa kaniya pwera na lang sa mga ganitong pagkakataon na parang pakiramdam ko buhay pa rin sina Nanay at Tatay.
Nakaramdam ako ng takot. Takot na nuling mag-isa. Yumakap ako ulit kay Mrs. Henson. “Sige po. Mommy na ang itatawag ko sa inyo basta huwag niyo lang akong iiwan. Pangako ko po na hindi ako gagawa ng anoman na ikagagalit o ikasasama ng loob ninyo.”
Nang yakapin ako ng mahigpit ni Mrs. Henson slash Mommy saka pa lang nabawasan ang agam-agam sa aking isip at mabura kahit bahagya ang epekto sa akin ng masamang panaginip.
Hanggang pagpasok ko sa paaralan nang umagang iyon dala ko pa rin ang lungkot sa aking dibdib. Lungkot na hind maglaho hanggang mangalahati na ang oras ng klase. Pagkatapos ng recess at pagbalik namin sa silid at magsimula ulit, bumukas ang pinto ng classroom at pumasok ang isang babaeng mag-aaral.
Habang ipinapakilala si Rhina Heng ng aming guro, para akong natuka ng ahas sa pagkakatitig sa kaniya. Payat si Rhina at maiksi ang buhok samantalang ako medyo chubby at mahaba ang buhok. Maputi na mamula-mula ang kutis, parang kamukha siya ng manyikang si Ken na ka-partner ni Barbie mas malambot lang ang facial features . Mas maputi siya ng bahagya sa akin at patabain mo si Barbie bago siya maging kamukha ko.
Astigin ang pagkakatindig ni Rhina sa tabi ng guro sa kabila ng suot na blusang puti at paldang asul na uniporme. Imbes na shoulder bag kagaya sa akin, backpack bag na kulay itim ang dala parehas ng sa kapatid kong si Janus.
Pogi. Iyon ang unang pumasok sa isip ko imbes na maganda.
Bagong lipat sila Rhina sa aming lugar kaya napilitang mag-transfer sa eskwelahan namin kahit dalawang buwan ng nag-umpisa ang klase. Napadestino ang kaniyang ama sa sangay ng pinapasukang kumpanya sa aming bayan.
Nang umupo si Rhina sa bakanteng upuan sa tabi ko, talagang nawala na sa katawan ko ang epekto ng masamang panaginip. Gusto ko siyang maging kaibigan, iyon ang nagsusumiksik sa isip ko. Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatingin sa kaniya na nang mapansin niya kinalabit niya ako sa ibabaw ng kamay kong nakapatong sa desk. Ngumiti siya. Ngiti na tumatak sa isip ko sa susunod na tatlumpung taon. Ngiting hindi ko man alam ang ibig sabihin nang mga panahong iyon pero siyang hudyat ng simula ng pagbabago sa buhay ko.
“Tayo na Emely,” yaya sa akin ni Janus pagkatapos ng klase habang nakatingin ako sa direksiyon ni Rhina Heng ilang piye mula sa kinatatayuan ko. Gusto kong malaman kung saan siya nakatia at kung sino ang susundo sa kaniya. Si Janus ang nag-iisang anak ng mga Henson bago nila ako inampon. Matanda lang ako ng tatlong buwan sa kaniya at kahit bata pa lang siya, sa kaguwapuhang namana sa kaniyang ama, siguradong maraming paiiyaking babae si Janus pag nagbinata na.
Pumasok na si Janus sa kotse katabi ng driver. Nakatayo pa rin si Rhina na naghihintay. Nang mapatingin siya sa akin, muli niya akong ginantimpalaan ng kaniyang ngiti. Pagpasok ko sa likuran ng kotse pumailanlang ang kantang paborito ni Mommy sa radyo. ‘I Want To Know What Love Is’ ng rock band na Foreigner.
~~~
I gotta take a little time
A little time to think things over
I better read between the lines
In case I need it when I'm older~~~
Pagdaan ng kotse sa tapat ni Rhina, kinawayan ko siya at kumaway din siya bilang tugon. Hindi ko maipaliwanag ang lungkot na naramdaman ko habang papalayo ang kotseng sinasakyan namin.
//Fuel my passion to keep me writing with your Votes and Comments on every part...tc
BINABASA MO ANG
Her One True Love (GirlXGirl SPG - ON HOLD)
RomanceA Lesbian Erotic Romance by Uno Maricon Thirty years ago, nagkakilala sina Emely at Rhina kapwa pitong taong gulang. . Naging magkaibigan at paglipas ng panahon, nagkaroon ng pagtatangi sa isa't - isa. Pero hindi madali ang umibig sa mga kagaya nila...