Naging mahaba ang isang buong linggo para kay Josef. Sa sobrang pagkaabala niya sa trabaho bilang Fuhrer, pati ang breakdown niya, kailangan pang i-reschedule sa ibang araw dahil walang panahon para magmukmok siya.
May natitira pang sampung araw para ayusin ang problema ng HQ at inilaan niya ang pitong araw para kausapin ang kasalukuyang representative ng Meurtrier Assemblage sa Citadel para ipaalam na bibilhin niya ang malaking share ng HQ pero hindi ipapangalan sa Order ang procurement kundi kay Richard Zach. Ang daming kailangang asikasuhin, at halos buong araw siyang nakakulong sa opisina para pagsabayin ang mga trabahong naiwan ni Armida at trabaho niya bilang Fuhrer.
Tatlong araw na lang ang nalalabi at matatapos na ang 30-day period bago tuluyang mapaso ang kontrata ng HQ. Sa kabuting-palad, sa ikatlong araw natanggap ng opisina ng Fuhrer ang pirmadong kasunduan na nabili na ni Richard Zach ang malaking shares ng HQ, at nabayaran na rin ang 80 percent ng utang ng kompanya sa pamamagitan ng surety bond na nakapangalan pa rin sa pagitan ng MA at ni Richard Zach.
Isang linggo makalipas ang lahat ng nangyari sa Casa Amarrillo, bumalik si Josef sa HQ para kausapin ang kasalukuyang humahawak sa buong kompanya.
"Marami akong gustong malaman pero wala ako sa posisyon para magtanong sa Fuhrer," katwiran agad ni Razele habang komportable silang nakaupo ni Josef sa lobby ng HQ. "Nagpapasalamat ako dahil iniligtas mo na naman sa pangalawang pagkakataon ang HQ. Kahit na alam kong wala ka namang dahilan para iligtas ang kompanya maliban kay Erajin."
Hindi gaya noong pagkatapos lang ng Annual Elimination sa Criasa Marine kung saan wanted at preso ng buong lugar si Josef bilang Shadow, sa mga sandaling iyon, hindi na siya ang magnanakaw na itinuring na premyo ng Assemblage. Siya na ang puno nilang lahat.
"Kumusta si Armida?" tanong ni Josef nang mabanggit ang asawa niya.
Nagtaas ng magkabilang kilay si Razele at napatingin sa ibaba saka ipinagpag ang mga kamay sa armrest ng inuupuang single couch. "Ang totoo . . . nandoon siya ngayon sa Wellington."
Nagtaas ng mukha si Josef na may pagtatanong sa mukha. Mabilis na nabasa ni Razele ang reaksiyon niya kaya nagdagdag ito ng salita.
"Mental institution 'yon. Si Jin ang nagpumilit na manatili roon at di na 'ko nagreklamo."
"Mental institution?" takang tanong ni Josef na napangiwi sa balita ni Razele sa kanya. Akma siyang may idadagdag pa pero hindi naisatinig.
"Ayaw niya sa regular hospital. Ang alam ko, kilala niya ang president ng Wellington kaya doon niya piniling magpa-admit."
Punong-puno ng hindi pagkapaniwala ang mukha ni Josef dahil sa narinig.
Nasa isang psychological ward ang asawa niya . . . at hindi niya alam ang tungkol doon maliban sa mga sandaling iyon.
"Friday naman ngayon, puwede siyang bisitahin," alok ni Razele sa kanya.
"I really need to see her," sabi na lang ni Josef at napailing sa nangyayari.
***
Dalawang oras ang biyahe mula HQ hanggang Wellington Institution for Mental Health na pinangangasiwaan ni Kevin Mark. Napansin ni Josef na maganda sa lugar, maaliwalas. Pagpasok nila sa mataas na bakod na gawa sa granite, umikot ang sasakyan nila papasok tungo sa pinakamalapit na parking lot sa entrance.
"This is nicer than I thought," sabi ni Josef nang matanaw ang malawak na hardin sa di-kalayuan. Maraming bulaklak doon at naroon ang ibang mga pasyente.
Nilakad nila ni Razele ang ang isang sementadong daan papasok sa mismong ospital. Nakalingon lang siya sa mga pasyenteng naroon sa malawak na hardin na kung titingnan ay mukhang mga wala namang problema. Mukhang malulusog, ngumingiti, may iba pa ngang nagdo-drawing at sumasayaw o di kaya ay kumakanta na maayos din naman.
BINABASA MO ANG
The Superiors: Fallen (Book 6)
AksiWill the heart remembers what the mind forgets. Magbabalik ang nakaraan at makakalimutan ang kasalukuyan. Pagbabayaran ng kasalukuyan ang pagkakamali ng nakaraan. May mawawala, may magbabalik. At ang pinakamalaking pagbabago ay magsisimula nang maga...