Chapter 32

140K 9K 2K
                                    

Chapter 32

Pag-angkin

Mga paa'y nagbalik sa lugar ng unang pagtatagpo. Buwan ay nakasilip sa manipis na alapaap, at liwanag nito'y tila humahabol sa maliit na pagitan ng mga sangang niyayakap ng luntiang mga dahon.

Ihip ng hangin na kay lamig, tila musikang humahalina sa tahimik na kagubatan.

Aking mga hakbang na humahaplos sa matataas na damong may halik ng patak ng mga ulan, patunay ng aking pagsunod sa bulong ng kalikasan, buwan at katungkulan.

Aking hari'y handang angkinin ang malaking responsibilidad sa pagmulat pa lang ng kanyang mga mata, ako ba'y isang dyosang bumaba sa lupang buo ang loob? O tamang katanungang, ako ba'y handang talikuran ang aking nakamulatang paniniwala upang yakapin ang responsibilidad kasama ang haring handang isantabi ang lahat para sa kinabukasan ng lahat?

Na talikuran ang pagiging dyosa at yakapin ang pagiging reyna?

Handa ba ako sa walang katapusang sakripisyo sa sandaling buong loob kong angkinin ang titulo sa aming magkadaop na kamay ng hari?

Na maging ang aming pag-ibig ay mangyayaring pumangalawa lamang...

Hindi mabilang na mga katanungan, tila sapot ng gagambang may iba't-ibang patutunguhan, tila malalaking ugat ng mga punong may iisang katawan ngunit nagbubunga ng napakaraming sanga, libong mga dahon at bulaklak.

Mga paa'y patuloy sa pagtahak patungo sa pamilyar na tagpuan, sa paglapit ay sa paghalina ng umaagos na tubig mula sa buhay na talon ng Parsua Sartorias. Aking mga kamay unti-unting humahawi, nagtataasang mga dahon naglalantad sa kumikislap na likidong kristal na tila isang kurtinang kaugnay ng nagniningning na buwan.

At nang sandaling lumantad sa aking kabuuan ang tagpuang libong taon na ng muling lapatan ng mga mata, pamilyar na pakiramdam na hatid nito'y namayani sa aking buong sistema.

Siya'y isa lamang prinsipe noon, ngunit kanyang kaalaman sa emperyo'y natatangi at kahanga-hanga at ngayong ako'y nagbalik at siya'y isa nang hari, ako'y hindi na isang batang dyosang may punyal lamang na hinahanap.

Dahil higit pa rito ang aking kailangang hanapin.

Ang talon ay tila lumawak, ngunit ang linis at agos ng tubig nito'y katulad pa rin dati. Ang nagtataasang bato nito'y may kayap ng luntiang mga halaman at nadagdagan ang pinanggagalingan ng tubig, maliit man o malaki ang bawat bitaw ng tubig nito.

Pinaniniwalaan ng lahat na ang pag-angkin namin ni Dastan sa mundong ito ang tutuldok sa lahat, ngunit saan nga ba kami dapat magsimula?

Sa unang pagkakataong ako'y dinala rito, ang tubig ay minsan nang sinubukang kitilin ang aking buhay ngunit ngayon ang awit at bulong nito'y nagagawa ko nang pakinggan, ito'y maituturing ko nang isang uri ng kaibigan.

Mula sa sinag ng buwan, sa halik nito sa karagatan, sa hanging umaawit at yumayakap, sa lupang dama ang aking bawat pagtahak at sa apoy sumisiklab sa simbong nagtatago sa aking puso.

Alam kong sa sandaling lumapat ang aking mga paa sa lupa, isang natatanging lugar lamang ang maituturi kong siyang aking altar ng mga dasal, hindi sa aking silid, sa palasyo ng Sartorias o maging sa punong kanyang simbolismo.

Kundi sa talon...

Isang mahalagang lugar na tagpuan ng napakaraming simula...

Lugar kung saan nakatago ang punyal...

Lugar kung saan unang nagtagpo ang aming landas ng hari...

Lugar kung saan ako unang bumagsak mula sa mundo ng Deeseyadah...

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon