Second Night

121 5 7
                                    

"Ladies and gentlemen, I'd like to direct your attention to the television monitors. We will be showing our safety demonstration and would like the next few minutes of your complete attention."

Nagising ako sa anunsiyo ng chief flight attendant. Napalingon-lingon sa paligid at hinanap ang cellphone. Alas sais na ng gabi. Ilang minuto pa, narinig ko ang isa na namang announcement.

"Now we request your full attention as the flight attendants demonstrate the safety features of this aircraft." natapos na lahat ng pre-flight announcement ngunit wala pa rin akong ganang galawin ang buffet sa tray. Isinalpak ko na lang ang earphone sa magkabila kong tainga at dinama ang musika. Nang muli akong tamaan ng antok, ipinikit ko na lang ang mga mata ko at hinayaang sakupin ito ng kadiliman. Kasabay niyon ay pumasok sa alaala ko kung paano tayo naging magkasintahan noon.

***

"Trust me, magugustuhan ka nila. Actually, excited na nga silang makilala ka eh" pagpapagaan mo sa loob ko. Ngumiti na lang ako bago tayo pagbuksan ng gate ng mga guwardiya. Sa labas pa lang ay namangha na agad ako sa ganda ng mala-mansion niyong bahay. Naalala ko pang aatras na sana ako kaso pinigilan mo ako at pinaalalahanan ulit.

"M-Mom, D-Dad, si Giana po, g-girlfriend ko" kinakabahan mong sabi. Nanigas ako sa kinatatayuan ko dahil ilang segundo ding natameme ang mga magulang mo pero laking gulat ko nang lapitan nila tayo at binati. Sobrang saya pa nga nila dahil sa wakas ay nagka-girlfriend ka na, bagay na hindi ko alam.

Inaya pa nga nila ako na saluhan kayo sa dinner. Nahihiya ako at naiilang dahil napaka-grandeyoso ng buo niyong bahay, tila mini-mansion ito dahil sa disenyo at awra. Tinawanan mo pa nga ako nang kamayin ko ang litsong manok sa harap ng mga magulang mo. Napagtanto ko kasing mas mabuting magpakatotoo sa harap nila, na-pressure kasi ako nang banggitin mo na galing ako sa Ildefonso University na ikinamangha ng mga magulang mo. Sinanggi pa kita pero binigyan mo ako ng makahulugang tingin na tila sinasabi mong pagkatiwalaan kita. Masaya ako dahil natutuwa sila sa mayroon tayo.

Ilang buwan pa ang lumipas, tila sinukluban ako ng langit at lupa nang mamatay si lola. Ilang araw akong hindi kumain at naligo. Napilitan akong ibenta ang mga gamit namin sa bahay para may ipambayad lang sa pagpapalibing ni lola. Pinalayas na din ako sa marupok naming bahay dahil wala na akong maipambabayad pa at lahat ng iyon ay alam mo, umiiyak ka sa harap ko dahil hindi ko tinatanggap ang mga tulong mo. Ayaw ko lang na madamay ka sa pagdurusa ko. Nagpumilit ka man na tumira ako sa inyo, pinili ko na lang na magpa-alipin sa tiyahen kong matapobre at may tatlong mala-senyoritang mga anak na babae na kailanman ay hindi ko nakasundo.

Nilunok ko ang pride na mayroon ako nang magdesisyon akong lumayas sa bahay ng tiyahen ko na pinagtiisan ko ng halos isang buwan. Walang wala ako kahit piso, ang tanging mayroon lamang ako ay limang piraso ng damit na karamiha'y may punit na, tatlong shorts, isang pares ng uniporme at apat na piraso ng salawal. Ngunit kahit ganoon, tinanggap mo ako at ng pamilya mo nang buong buo at walang halong panghuhusga. Nalaman nila ang kwento ng buhay ko na ikinalungkot nila. Ayaw kong magpaawa pero kahit saang anggulo, kaawa-awa talaga ang kalagayan ko. Pinag-aral ako ng mga magulang mo at sinustentuhan ang mga pangangailan ko. Hindi ko naisip ni isang sandali na sa ganitong kalagayan ako hahantong. Naaawa ako sa sarili ko at nahihiya sa pamilya mo. Pakiramdam ko isa akong pabigat at palamunin. Pakiramdam ko, hindi sapat ang pag-ako ko sa mga gawaing bahay sa kabutihang ipinamalas niyo sa akin. Kaya hinarap natin ang mas mabigat na hamon ng buhay nang ipilit mo sa mga magulang mo na patirahin ako sa isang hiwalay na bahay pero laking gulat ko nang sabihin mong sasamahan mo ako. Imbes na pigilan ka ni tito't tita, ipinagmalaki ka pa nila dahil sa katapangan at pagpapahalaga mo sa mga taong mahal mo. Pinaalalahanan lang nila tayo na iwasan ang tukso, bagay na ikinawindang natin gayunpaman, hindi iyon ang nasa isip natin. Sabay nating bubuuin ang pangarap natin, tutulungan natin ang mga magulang mo at pag-iipunan natin ang pamilyang bubuuin natin sa oras na makahanap na tayo ng stable na trabaho.

Hindi naging madali ang pinili nating desisyon. Tayong dalawa lang ang nakatira sa apartment unit na nirentahan ng mga magulang mo. Madalas kong masunog ang mga niluluto ko at madalas mo namang naiiwan ang pinaplantsa mong uniporme pero kahit ganoon, hinarap natin iyon nang magkasama. Hawak kamay nating sinolusyonan at binasag ang mga problema at balakid na hinarap natin.

"Congrats hon!" hinalikan mo ako sa labi matapos mong sabihin iyon pero mabilis din tayong naghiwalay nang marinig ang mga hiyawan at kantyaw ng mga kaklase natin. 'Tambalang GG' o 'Tambalang galunggong, sa pag-ibig ay lulong', nakatulong sa akin ang relasyon na mayroon tayo. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil natapos na din natin sa wakas ang Senior High School at hindi lang iyon, nagtapos ako bilang top 1 ng batch natin samantalang ikaw naman ang top 2. Inasar pa nga kita dahil naungusan kita pero lagi mo lang akong ginagantihan ng halik.

"Congrats din hon" hinawakan ko ang mga kamay mo at inabot ang congratulatory gift ko sa iyo, isang ukulele, nasira na kasi ang iyo bago pa man ang graduation. Nakita ko kung paano kuminang ang mga mata mo sa ibinigay ko sayo. Iniwas mo man ang tingin mo, nahagilap pa rin ng paningin ko ang mga nangilid na luha sa mata mo. Niyakap kita nang napakahigpit bago tayo matauhan nang tawagin tayo ng mama't papa mo.

"Seryoso ka bang kakayanin mo hon?" ika-sampung beses mong tanong sa akin.

"Hon, makailang beses mo na ba iyan tinanong" sagot ko habang nakaharap sa salamin at sinusuklayan ang buhok kong napakarami ng split ends.

"Hindi mo nam---" pinutol ko na ang sasabihin mo dahil katulad ng una mong sinabi, alam kong ika-sampung beses mo na din itong panenermon sa akin.

"Huwag ka na mag-alala hon" nilapitan kita at minasa-masahe ang likod.

"Mag-aaral pa rin naman ako eh at ipagluluto pa rin naman kita ng adobong manok na dinikdikan ng siling labuyo" kapwa tayo natawa sa sinabi ko. Niyakap mo ulit ako at hinalikan sa labi.

"Galingan mo ah, future attorney" sabi mo sa akin.

"Ikaw din, future engineer" tugon ko naman sa iyo.

Nagsimula na ang buhay kolehiyo at kasabay niyon ay pagpapart-time ko bilang isang crew sa isang fastfood restaurant. Umaga ay mulat ako sa pag-aaral at hapon hanggang gabi ay nagbabanat ako ng buto. May mga oras na sa sobrang busy nating dalawa, sa oras ng pagtulog na lang tayo magkasama. Hindi na rin kita nalulutuan ng agahan at hindi maiwasang magkaroon ng mga hindi pagkakaintindihan. Nagiging balisa ka sa hirap ng kurso mo pero lagi kitang pinapaalalahanang kayang kaya mo iyan. Dumating din ang pagkakataong halos makalimutan ko nang mag-ayos ng sarili dahil sa kaliwa't kanang gawain sa bahay, sa paaralan at sa trabaho pero kahit ganoon, ang pagmamahal mo ang naging lakas ko upang magpatuloy. Pinanghawakan ko ang pangarap nating dalawa.

Isang araw, umuwi kang bagsak ang balikat at malungkot ang timpla ng mukha.

"G-Gian, may problema ba?" nanatili ka lang tulala at nakita kong nangilid ang luha sa mga mata mo. Ilang segundo ka pang nanatiling ganoon bago ako harapin.

"I love you Giana" tinitigan mo ako sa mata at inilapit ang mukha mo sa akin. Sinunggaban mo ako ng halik na ginantihan ko naman pero laking gulat ko nang simulan mong pagapangin ang kamay mo sa maseselang bahagi ng katawan ko. Pinigilan kita subalit dala na din ng nag-aalab na diwa, nagawa natin ang bagay na ipinangako nating saka na natin gagawin sa oras na makapagtapos na tayo ng pag-aaral.

"May tiwala ka ba sa akin?" seryoso mong tanong habang hinahaplos ang magkabila kong pisngi. Tumango lang ako at nginitian ka, senyales na ituloy mo ang nais mong gawin. Batid kong nahihirapan ka lagi sa pag-aaral at batid kong may pangangailangan ka bilang lalaki kaya't hindi ako nagdalawang isip na isuko ang pinakainiingat-ingatan ko. Nagsimula kang maging agresibo hanggang sa narating na natin ang kasukdulan. Pinagsaluhan natin ang init ng gabi at ng nag-aalab nating katawan kung saan pantasiya natin ang isa't-isa.

Sa unang pagkakataon sa buong bahay ko, nagawa ko ang isang bagay na alam kong hinding-hindi ko pagsisisihan: ang isuko ang lahat lahat ng akin sa lalaking sinamahan at patuloy akong sinasamahan sa hirap at ginhawa, sa sakit at kalusugan at sa buhay at kamatayan.

The Nights He ConfessedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon