Tahimik na naman ang buong bahay nang makarating si Sabrina mula sa eskwelahan. Second year college na siya sa kursong Business Management. Napabuntong-hininga siya at tumingin muna sa suot na wrist watch bago ibinaba ang bagpack sa couch na nasa sala, alas-sais na ng gabi. Sinimulan niyang magligpit at pinulot ang mga bote ng alak na wala ng laman na nakakalat sa sahig. Mayroon din pinagbalatan ng mga sitsirya at upos ng sigarilyo.
Sanay na siya sa araw-araw na nadadatnan niyang eksena sa bahay. May narinig siyang kalabog mula sa itaas, may ideya na siya kung ano iyon kaya naman hindi na siya nagmadaling puntahan ang pinagmulan ng ingay. Pagkarating sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ay dumiretso siya sa kwarto ng kanyang mga magulang.
Pagkabukas ng pinto ay nakita niyang nakalugmok ang kanyang ama sa sahig. Mukhang nahulog ito sa kama habang natutulog. Pumasok na siya ng tuluyan at sinubukan na alalayan ang kanyang lasing na ama. Amoy na amoy niya ang alak mula sa hininga nito. Ngunit kahit na anong pilit niyang tumayo ay hindi siya makatayo lalo na nang mapagmasdan niya ang mukha nito at hindi niya mapigilan ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata.
His loving father was a mess. Wala na ang dating makulit, masiyahin at makwento niyang ama. May bahid ng natuyong luha ang pisngi nito at ni hindi na nga makapagahit ng balbas. It all started when her mother left them for another guy, a married guy. Muling namuo ang galit na nararamdaman niya para sa ina. Iyon din marahil ang dahilan kung bakit nakatayo siya at nagawa niya na buhatin ang kanyang ama pabalik sa kama.
Pagkatapos niyon ay iniwan niya muna ito upang kumuha ng malinis na bimpo at palanggana na may tubig. Sinimulan niya ang paghihilamos dito at nang matapos siya ay binitbit na rin niya ang isa pang bote ng alak na may kaunti pang laman. Binalikan niya ang ginagawa at hindi na namalayan ang oras. Nitong mga nagdaang araw ay masyado siyang abala sa eskwelahan lalo na't malapit na ang finals kaya naman hindi niya gaanong nalilinis ang kanilang bahay.
Nasa kusina na siya upang maghugas ng maruruming plato nang marinig niya ang pag-ring ng kanyang cellphone. Binalikan niya iyon sa sala atsaka sinagot ang tawag kahit na hindi naka-register ang number ng tumatawag. Hindi pa kasi siya nakakapag-update ng kanyang contact list dahil kakapalit lang niya ng kanyang sim card. Inipit niya iyon sa pagitan ng kanyang tainga at balikat dahil hawak pa niya ang mga kutsarang kanyang hinuhugasan pati na rin ang gamit niyang sponge.
"Taba. Anong pagkain sa inyo?"
Hindi na niya kailangan pang hulaan kung sino ang nasa kabilang linya. Isa lang naman ang taong tumatawag sa kanya ng ganoon. Hindi naman niya masisisi ito, biglaan nga naman kasi ang pagdagdag ng kanyang timbang. Ayaw man niyang aminin ay alam niyang dahil iyon sa ginawa niyang pagkain tuwing stress siya at ayaw muna niyang mag-isip. Stress eating, sa madaling salita.
"Wala," maikling sagot niya atsaka bumalik sa kusina. Dumulas pa sa kamay niya ang hawak niyang mga kutsara.
"Ah, I see. Mukhang tapos ka na ngang kumain kaya wala na." Narinig marahil ni Drew ang ang pagbagsak ng mga kutsara sa lababo. Hinugasan muna niya ang bulang nasa kamay bago sumagot.
"Ano ba ang kailangan mo?" Hindi niya pinatulan ang pang-aasar nito.
"'Kita naman tayo," paglalambing nito sa kanya.
Hindi na bago sa kanya ang ginagawang paglalambing nito. Kababata niya si Drew at kahit pa matanda ito ng apat taon sa kanya ay kaagad niyang nakasundo ito. Nakakalaro rin niya ito noon kahit pa lalaki ito at babae siya. They just hit it off and became best friends. Magkababata at magkaibigan din ang mga magulang nila. Sa katunayan ay ninang pa niya ang nanay ni Drew.
"Ayoko nga. Marami akong ginagawa," sagot niya rito. Hindi naman sa ayaw niya itong makita, kaya lang marami pa talaga siyang liligpitin at kailangan din niyang mag-review.
BINABASA MO ANG
Her Own Happy Ending
RomanceMatagal nang best friend ni Sabrina si Drew. Madalas man silang asarin ay hindi nila iyon pinapatulan, lalong lalo na siya. Isa pa, babaero kasi ang best friend niya. Kaya lang isang araw, nawindang ang mundo niya nang basta na lamang siya hinalikan...