Nagsimula bilang isang simpleng basketbolista
Gumawa ng pangalan sa larangang pinili niya
Nagkamit ng samu't saring parangal at pagkilala
Pati Most Valuable Player ay nakuha niya.
Simpleng binata na galing sa probinsiya
Walang angas at simple kung pumorma
May punto pa kapag siya ay nagsalita
Pero kailanman di niya ito ikinahiya.
Maningning na ang pangalan pero di kailanman yumabang
Nanatili ang paa sa lupa at di kailanman naging swapang
Bagkus ay tumulong at naglingkod sa kapwa
Upang maibahagi ang mga natamong biyaya.
Sumikat man siya pero di naging isnabero
Sa halip ay naging magiliw sa mga tagahanga nito
Kaya naman mahal na mahal siya ng mga tao
Na todo suporta manalo man o matalo.
Minsa'y dumaan na rin sa ilang pagsubok
Pero kahit kailan ay hindi siya sumuko
Bagkus ay nanatiling matatag sa buhay
At ipinakitang kaya niyang tumayo sa kabila ng lahat.
James Carlos Yap, saludo ako sa'yo
Sapagkat isa kang huwarang tao
Kaya ika'y mananatiling idolo ko
Kahit pa ika'y huminto sa paglalaro.