PINTA

10 0 0
                                    

"Tonio, tapos mo na ba yung mga pinapagawa ko sa'yo?" Tanong ng katrabaho ni Tonio, kung makaasta ito'y parang mas nakakataas sa kanya, parehas lang naman sila ng posisyon.

"Malapit na, konti nalang 'to." Sagot naman ni Tonio. Pati kasi mga trabaho ng lalaking iyon ay ipanapagawa niya pa kay Tonio tapos sa kanya mapupunta lahat ng papuri.

"O sige, pag katapos mo na diyan saka ka umuwi. Mauna na ako sa'yo." Sabi niya at tuluyan ng umalis.

Tinapos kaagad ni Tonio lahat ng ibinigay sa kanya na gawain, natapos siya ng alas dos ng madaling araw. Dahil sa hindi pa ibinibigay ng amo niya ang kanyang sweldo para sa buwan na 'to, wala siyang ibang magawa 'kundi maglakad, wala siyang pamasahe e. Kung gagamitin niyang pamasahe ang perang hawak niya ngayon, malamang wala siyang pang almusal bukas.

Pag dating niya sa apartment nakalabas lahat ng gamit niya, may nakapaskil na papel sa pinto at naka kandado ito. "Limang buwan na akong naniningil ng renta mo, wala kang maibigay. Maayos kong inilabas ang mga gamit mo. Kailangan ko rin ng pera, sa iba ko nalang ipaparenta. Pasensya." Binitbit na lang niya ang mga gamit niya at nag umpisang maglakad muli.

Lahat ng bahay na madaanan niya ay kinakatok niya, may ibang hindi siya pinapansin at mayroon din namang humihingi ng pasensya dahil hindi nila magagawang patuluyin siya sa kanilang bahay. Nagpatuloy lang si Tonio sa paglalakad ng biglang buhos ang malakas na ulan.

"Pambihirang buhay naman to o." Pagrereklamo ni Tonio. Tumakbo si Tonio ng mabilis kahit na ang mga bagaheng buhat buhat niya ay napakabigat at lalo pang bumibigat dahil sa ulan.

Tumakbo siya ng tumakbo hanggang sa nakakita siya ng abandonadong bahay na medyo may kalayuan sa kalsadang tinatakbuhan niya, pumunta siya kaagad doon upang sumilong kahit na hindi na gaanong naaabot ng ilaw ng poste ang bahay na iyon. Nanginginig sa lamig si Tonio, kaya't napagpasiyahan niyang tumuloy nalang sa loob, tutal wala namang naninirahan sa loob.

Sakto lang ang laki ng bahay, ngunit wala itong mga dibisyon, studio type kumbaga. Walang kwarto, walang sala, walang kusina. Tatlo lamang ang pinto, sa harap, sa likod at sa banyo. Ibinaba ni Tonio ang kanyang mga gamit, buti nalang at may mga damit siyang nakasupot, inilabas niya ito at nagpalit. Tumila ang ulan kaya't lumabas si Tonio ng bahay upang maisampay ang ilang mga damit niyang nabasa dahil sa malakas na ulan.

Matapos siyang magsampay, bumalik na muli si Tonio sa loob upang makapagpahinga. "Alas tres na pala ng madaling araw, buti at alas diyes pa ang pasok ko bukas." Sambit niya. Pagpasok niya, ngayon lamang niya napansin ang apat na pintang nakasabit sa apat na pader ng bahay.

Mga pinta ng mga mata, maraming mata. Iba iba ang itsura, laki at kulay. Tinitigan ito ni Tonio ngunit di nilalapitan para bang nakatingin sa kanya ang lahat ng mga matang ito. Hindi nalang pinansin ni Tonio ito at naglatag ng tela sa sahig saka humiga, minsan pang tinignan ni Tonio ang mga pinta at tuluyan ng nakatulog.

Kinabukasan, nagising si Tonio sa sinag ng araw na tumatama sa kanya. Nag inat siya at kinusot ang mga mata bago idilat ang mga ito. Pag linaw ng kanyang paningin, labis na takot nalang ang naramdaman ni Tonio.

Dahil ang mga pintang nakita niya kagabi ay nawala, tila ba naging mga...

BINTANA.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 29, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PINTATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon