Chapter 33
Unang yugto
Sa pagkagat ng dilim na dapat kadiliman ang mamayani, sa kapaligirang amoy ng dugo ang pilit nangingibabaw, musika'y isang karahasan sa bawat tama ng espada, mga katwirang namamaluktot na dala'y patuloy na hiwa ng sakit, mga matang nag-aakusa mula sa maling paniniwala, at mga kapangyarihang tila patalim.
Aking liwanag ay pinagyaman, mula sa kislap ng buwan, ningning ng mga punyal at mainit na yakap mula sa hari ng Sartorias.
Tila natigil ang oras sa gitna ng digmaan, pagsaksi ng daang mga mata'y tila hinigitan pa ang isang malaking pagtatanghal, musika ng espada'y pinalitan ng malamig na sipol hangin, ingay ng mga kanyon at yabag ng mararahas na kabayo'y naglaho sa pag-agos ng tubig.
"Ang aking reyna'y tila napaaga ng pagsundo sa akin." Bulong sa akin ng Hari ng Sartorias na nanatiling nakayakap ang isang braso mula sa aking likuran.
Ang aking puso'y nais umawit dahil ramdam ko ang mabilis na pintig ng puso ng hari, sa halip na takot ay galak ang nararamdaman ko mula sa kanya.
Umangat ang aking kaliwang kamay at marahan kong hinaplos ang gilid ng kanyang mukha habang nanatiling nakatitig ang aking mata sa mga diyosa ng Deeseyadah.
"Hindi ko nais na ika'y makipaglaro sa ibang diyosa, aking hari."
Buong akala ko'y ibang mga kataga ang maririnig mula sa kanya ngunit ang kanyang mga salita'y tila hindi maaaring gawaran ng mga ngiti sa digmaan.
"Isang uri ng pagbabantang masarap pakinggan, ngunit aking kinatatakutan..." bulong ng hari sa aking isipan.
Nanatiling umiikot ang mga punyal sa pagitan namin ni Dastan na siyang aming proteksyon sa anumang klaseng atake na nais makasakit sa amin.
Hindi ko maiwasang mag-angat ng tingin sa hari at salubungin ang kanyang mga mata. Sa halip na mga labi'y aming mga noo'y saglit na pinagdikit kasabay ng pagpikit ng aming mga mata.
"Hindi ko akalaing ang aking hari'y may kinatatakutan..."
"Hindi ko akalaing ang aking reyna'y marunong magbanta... ako'y nahuhumaling..."
At nang sandaling kapwa kami magmulat, ang aming mga matang may magkaibang kulay ay sabay na nagningas sa harapan ng mga kalaban.
Pinakawalan na ako ni Dastan at hinayaan niya akong humakbang patungo sa tatlong diyosa na hanggang ngayon ay hindi pa rin makabawi sa kanilang nasaksihan. Marahil ay impormasyon lamang ang ibinigay sa kanila at hindi nila inaasahang ang aking mabilisang desisyon, lalo na ang pagpapakita sa lugar na ito.
"I-isa kang taksil, Leticia! Ano'ng karapatan mong gamitin ang kapangyarihan ng buwan para manakit ng kapwa mo diyosa at manlinlang ng mga bampira?"
Nagsimula na silang umatake sa akin, ang kanilang mga kumikislap na puting enerhiya ay sunod-sunod nilang ibinabato sa akin. Aking mga kamay ay ngayon ay nakatuwid at ang bawat galaw nito'y sinusundan ng aking mga punyal upang protektahan ang aking sarili.
"Leticia..."
Nang maramdaman kong hahakbang papalapit sa akin si Dastan ay agad akong hindi sumang-ayon.
"Dastan, ang diyosa ay matatalo lamang ng isa pang diyosa."
"Ang aking kapangyarihan ay may kakayahang-" pinutol ko ang anumang sasabihin ni Dastan.
"Ngunit hanggang ngayon ay misteryo pa rin ito sa ibang emperyo, hindi mo ito nais ipaalam sa nakararami hanggang-" ang mga kapatid niya mismo ang nagsabi sa akin na tanging sila lamang ang nakakaalam ng mas higit na kapangyarihan ni Dastan.
BINABASA MO ANG
Moonlight Blade (Gazellian Series #4)
VampireJewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other goddesses her age when it comes to power and ability. And as someone who is afraid to stand up for herself, she already accepted her unfortunat...