Several years later...
"Taba."
Napahinto sa ginagawang monthly inventory si Sabrina nang marinig niya ang pagtawag sa kanya ni Drew. Hindi pa rin nito binabago ang 'endearment' daw nito sa kanya kahit na nabawasan na ang kanyang timbang. Nilingon niya ito. Nakasandal ang binata sa hamba ng pintuan ng nakabukas na walk-in freezer ng Steamin' House.
Sanay na siya na basta na lang ito sumusulpot sa kahit saang bahagi ng café nilang dalawa ni Hershey. Ayon dito ay magkaibigan naman sila kaya ayos lang dapat ang paglabas-masok nito roon. Hindi na lang siya kumontra dahil alam niyang hindi papatalo ang kaibigan niyang ito.
"Hoy, pansinin mo ako."
Bumuntong-hininga muna siya atsaka tiningnan ito sabay bagsak ng ballpen at clipboard sa shelf na nasa harapan niya.
"Ano na naman ang problema mo?" tanong niya rito.
"Break na kami ni Angel," anito sa kanya.
"Hallelujah."
Gusto niyang ibato rito ang isang galon ng butter na nasa shelf ngunit nagtimpi siya at binalikan na lang ang kanyang ginagawa. Dinampot niyang muli ang ballpen at ipinagpatuloy naantalang pag-i-inventory niya.
"Alam mo, Pangit, ganyan din ang linya mo noong nakaraang... Ilang buwan na nga ba ang nakalipas? Tatlo? Oo. Ganyan din ang linya mo three months ago." Hindi siya nakatingin kay Drew habang nagsasalita siya. "Sabi mo pa nga noon last na talaga si, ahm, Mercy ba 'yon? Mary? Marsie?" sabi pa niya at patuloy lang sa pagbibilang at pagsusulat sa inventory log book na nasa kandungan niya.
"Marie," pagtatama nito sa kanya.
"O kung sino man siya. Pagkatapos mong sabihin iyon, anong nangyari? Wala. Naghiwalay din kayo at naipagpalit mo na siya kaagad kay Angelica."
"Angel," pagtatama nito ulit sa kanya. Pinakawalan na niya ang pinipigil niyang buntong-hininga.
"Whatever. Anong maipaglilingkod ko sayo ngayon?" tanong niya at noon lang niya ito sinulyapan.
Hindi niya alam na ganoon kalaki ang epekto ng paghihiwalay ni Drew at Maricar sa binata. Ilang taon na rin ang nakaraan mula nang maghiwalay ang mga ito. Hindi naman siya nagtanong pa sa kung ano ang dahilan basta ang sinabi lang niya noon kay Drew ay handa siyang damayan ito sa kadramahan nito.
Hindi naman niya nakitang naging malungkot at pabaya ito sa sarili kaya naman laking pasasalamat niya na wala itong ginawang makakasama sa sarili nito. Iyon ang akala niya noong una dahil makalipas lang ang ilang buwan ay naging palikero naman ito. Papalit-palit ito ng girlfriends ngunit wala namang nagtatagal.
Hinayaan na lang niya at ang pamilya nito si Drew sa pag-aakalang iyon ang makakatulong dito upang makapagmove-on ang kaibigan niya sa longtime girlfriend nito. Hindi sumagot si Drew at nanatiling nakasandal sa pinto habang nakatitig sa kanya.
"Hoy," untag niya rito. Napakurap naman ito na tila ba nagising.
"Ayoko na."
"Ang alin?" naguguluhan niyang tanong sa binata.
"Nagsasawa na akong makipag-date kung kani-kanino."
"Naiingit ka lang yata kay Ryan, eh," panunukso niya rito. Gusto niyang pagaanin ang kanilang pag-uusap. Mukhang matamlay ito at hindi siya sanay. Hindi naman talaga niya madalas na makitang ganoon si Drew.
"Yeah," pag-amin nito.
Noong nakaraang araw kasi ay nagkasundo na ang puso ng kaibigan nitong si Ryan at ang makulit nitong kapitbahay. Nasaksihan nilang dalawa 'yon at hindi niya akalain na malaki pala ang magiging epekto niyon kay Drew.
BINABASA MO ANG
Her Own Happy Ending
RomanceMatagal nang best friend ni Sabrina si Drew. Madalas man silang asarin ay hindi nila iyon pinapatulan, lalong lalo na siya. Isa pa, babaero kasi ang best friend niya. Kaya lang isang araw, nawindang ang mundo niya nang basta na lamang siya hinalikan...