Pwede ba kitang makasama magkape?

500 8 0
                                    

Masyado yatang malaki ‘tong mall na napuntahan ko. Ngayon ko lang kasi naranasan mamasyal ulit sa tagal ko nang nagtatrabaho. Kelan na nga ba nung huli akong nag-enjoy sa pamamasyal?

Ang dami yatang nagbago na parang ilang taon tumigil ang mundo ko. Nagpakabusy lang naman ako sa trabaho. Matagal na akong inaaya ni Nico na magliwaliw at kalimutan sandali ang mundo.

“Alam mo tol, isa lang si Marian sa napakaraming isda sa dagat!”

“Hindi isda si Marian! Tao sya! Di mo naiintindihan nararamdaman ko e.”

Kahit anong paliwanag ko siguro sa mokong na ito, di nya maiintindihan ang nararamdaman ko na kahit ako, hindi ko maipaliwanag.

Bakit kasi tumawid pa sya sa buhay ko? E ang tahimik nung hindi pa sya dumating.

Maganda naman intensyon ko. Gusto ko lang makipagkaibigan at kung papalarin at pahihintulutan ng pagkakataon, e maging kami.

Ang kaso, di pa ako nagsisimulang manligaw noon, parang basted na ako. Kakabreak nya lang sa gwapong boyfriend nya ilang buwan bago ako nagpakilala sa kanya. Ayoko naman magtake-advantage at lumabas na crying shoulder nya pero ano nga ba? Sayang yung pagkakataon kung magpapetiks petiks ako. Nagsimula akong magparamdam sa paraan ng love letter at binigay ko pa sa kanya yung mp3 player ko na may lamang love songs na pinili ko pa talaga. Pero lumipas ang araw, lingo, at buwan, “thank you” lang ang natanggap ko.

Tanga ba ako? Oo siguro dahil naghihintay ako ng mas magandang sagot galing sa kanya o buksan nya yung daan para magkilala kami ng mabuti. Shet! Walang nangyari. Kung uunawain ko naman ang sitwasyon, siguro galing lang sya sa hiwalayan kaya masakit pa rin sa puso nya ang nangyari at ayaw pa nyang pumasok sa kahit anong sitwasyon na pwedeng humantong sa isang relasyon.

Pero mas maiintindihan ko sana kung sasabihin nya sa akin na ganun o “di kita type e.”

Ilang buwan din akong naghintay pero mukhang nakalimutan nya yata yung pending request ko ng pakikipagkaibigan sa kanya. Kahit hindi ganun katino kausap si Nico, may mga payo naman syang hindi patapon. Nagpakabusy nga ako sa trabaho. Unti-unting umikot muli ang mundo ko at sinimulan ko ng kalimutan ang pending request ko. Pag busy ka, hindi mo mamamalayan ang oras kahit pagtubo ng balbas at bigote mo.

Ngayon lang nagflashback lahat ng nangyari sa akin. Ngayon ko inaalam kung sinayang ko ba ang oras ko sa paghihintay kay Marian o oras nya ang sinayang ko dahil sa mga pangungulit ko.

Maganda ‘tong mall. May overlooking pa paglabas mo. Masarap ang hangin.

“Ang sarap ng hangin no?”

Nagsalita bigla ang babaeng nakatingin sa malayo. Isang metro ang layo nya sa akin. Hinahangin ang buhok at tumatama sa mukha nya ang liwanag ng papalubog na araw. Teka, hindi ako pwedeng magkamali!

“Marian?!”

“Buti naman naaalala mo pa ako.”

“Ah e pasensya ka na di kita agad napansin. hehe”

Napakamot ako sa ulo ko. Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi.  Di ako makapaniwalang nasa tabi ko ngayon si Marian. Gusto ko sana sampalin sarili ko dahil baka nananaginip ako pero may dumaang bata at sinuntok ako sa binti at doon ko nalaman na gising ako.

“Jake?”

Tumingin ako sa kanya. Nanatiling tahimik lang ako at hinihintay kung ano sasabihin nya. Isang basong laway na ata nalulunok ko sa kaba. Dapat di na ako naaapektuhan sa presensya nya. Nakamove-on na ako dapat. Dapat wala na akong nararamdaman. E anong ibig sabihin nitong pakiramdam ko? Nag-cr naman ako sa bahay bago pumunta dito.

“Pasensya ka na ha.”

Nanatili akong tahimik. Punung-puno ng suspense ang mga sinasabi nya na para kang nananood ng teleserye.

“Di ko naman sinasadyang hindi ka pansinin. Magulo lang talaga ang isip ko ng mga panahong yon. Akala ko kasi may pag-asa pa kami ni Mark e. Pinipilit kong maging maayos kami hanggang nakalimutan ko na sarili ko. Nakalimutan kong mahalin ang sarili ko.”

Sa mga sinabi nya, inaasahan kong papatak ang isang timbang luha sa mga mata nya ngunit iba ang nakikita ko ngayon. Isang babaeng pilit na pinatatag ang kalooban at alam kong nagtagumpay naman sya. Halos walang bakas ng sakit sa mga pinagdaanan nya.

“Ok lang yun. Wala yun. Ako nga itong makulit e. Pasensya ka na din.”

“Kanina ko lang napakinggan yung mga kanta sa mp3 mo. Habang nakikinig ako, parang ang daming lumipas at napagiwanan na ako ng panahon.”

“Kahit naman napagiiwanan tayo ng mundo, wala naman tayong magagawa kundi sumabay at humabol.”

Ngumiti lang sya. Pakiramdam ko parang hindi naman huminto o bumagal ang ikot ng mundo ko.

“Salamat ha.” sabi nya sa akin.

“Saan?”

“Sa pagpapakita sa akin na may halaga ako.”

Ha? Ano daw sabi nya? Wala naman akong ginawa e. Ang alam ko basted nga ako e.

“Ha?”

“Sa mga sulat at mga kantang binigay mo sa akin. Naramdaman kong kahit gusto akong itapon ng ibang tao, may handang pumulot para buuin at ipakita na may halaga ako.”

Wala akong maisagot sa sinabi nya. Basta ang alam ko sa mga sulat at kantang binigay ko, yun ang tunay kong nararamdaman. Kung saan man patungo ang nararamdaman ko sa kanya, bahala na basta ang importante, nasabi ko sa kanya kung gaano sya kahalaga sa akin.

Tumingin ako sa kanya. Bahagya akong lumapit. Pangarap ko pa dati na sabihin ito sa babaeng magpapatibok ng puso ko.

“Pwede ba kitang makasama magkape?”

-End-

“Pwede ba kitang makasama magkape?”

Pwede ba kitang makasama magkape?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon