CHAPTER 6
Napahinga ng malalim si Eliana habang nakatingin sa salamin na nasa harapan niya. Maliban sa pulbos at lip gloss ay wala na siyang nagawang ilagay sa mukha. Ang mahaba naman niyang buhok ay katulad ng mga nakaraan ay tinali niya lang.
Nagbaba siya ng tingin sa suot na damit. Simpleng blouse at pantalon lang ang suot niya. Wala naman kasi siyang pagpipilian mula sa mga ordinaryo niyang damit dahil bukod sa mga pambahay ay pampasok lang sa opisina ang meron siya. Hindi rin naman pormal masyado ang required na isuot sa pinagtatrabahuhan niya noon. Business casual lang talaga.
Muling napabuntong-hininga si Eliana bago niya tinalikuran na ang sariling repleksyon at pagkatapos ay lumabas na ng banyo. Ang malawak na kwarto na tinutuluyan niya ang bumungad sa kaniya. Iyon ang suite room na kinuha ni Rovan para sa kanila ng nanay niya. Kaya kapag nakalabas na ng ICU ang ina ay hindi na nito kinakailangan magtiis sa ward.
Ang kagandahan lang talaga sa kwarto na ito ay hindi na niya kinakailangan na magpabalik-balik sa apartment para lang kumuha ng mga gamit at maligo. Pwede na kasi siyang kumuha ng marami-rami at ilagay muna rito. May banyo rin na pwedeng liguan. Nagkataon din na ginawang hostage ng landlady niya ang mga gamit sa apartment niya na nilagay nito sa bodega para magawang paupahan muli ang unit. Hindi raw ibabalik sa kaniya ang mga gamit hanggang hindi siya nakakabayad ng utang. Mabuti na lang talaga at hindi ko hinihiwalay sa akin ang laptop ko. Iyon na lang ang natitira kong mapagkukunan ng income.
Kulang na lang ay mapatalon siya nang marinig niya ang pagtunog ng cellphone niya na nakapatong sa coffee table. Nagmamadaling lumapit siya roon para kunin iyon at basahin ang natanggap na mensahe.
"I'll be waiting for you downstairs."
Pakiramdam niya ay anumang sandali ay bigla na lang lalabas ang puso niya mula sa pinaglalagyan niyon. Hindi niya alam kung paano ito haharapin lalo na kada maiisip niya ang lalaki ay naaalala niya ang namagitan sa kanilang dalawa noong nakaraang araw.
Kaya nga kahit alam naman niyang kinakailangan nilang magkita ngayong araw dahil iyon naman ang huling sinabi sa kaniya ng lalaki noong araw na iyon na nasa opisina sila nito ay pilit pa rin niya itong pinagtaguan nitong mga nakaraan. Kailangan niya kasi ng kaunting oras para magawang gisingin ang sarili niya dahil pakiramdam niya ay lumulutang siya sa alapaap at napunta na sa ibang dimensyon dahil sa halik na iyon.
Hindi na rin siya nagtataka kung bakit alam ng lalaki ang numero niya. Wala naman na ata 'tong hindi alam tungkol sa kaniya. Lalo pa at ako naman ang baliw na naglagay ng mga impormasyon na 'yon sa website na iyon.
Muli siyang huminga ng malalim at pagkatapos ay pinakawalan iyon bago niya inilagay ang cellphone sa lumang cross body bag niya. Wala na siyang panahon pa para isipin pa kung anong itsura niya dahil wala na siyang magagawa ro'n.
Sandaling dumaan muna siya sa nurse station para ibilin niya ang nanay niya at pagkatapos niyon ay nagmamadaling tinungo na niya ang elevator. Pakiramdam niya kasi si Rovan iyong klase ng tao na hindi pinaghihintay. Iyon bang pakiramdam na parang kapag nagalit ito ay mapaparusahan ang kung sinuman na iyon. Ano kayang pakiramdam na maparusahan-
Malakas niyang tinampal ang magkabila niyang pisngi sa pamamagitan ng pag-ipit ng mga iyon sa dalawa niyang kamay. "Kumalma ka, Eliana. Walang mangyayaring gano'n. Company mo lang ang kailangan niya at hindi iyon mauuwi do'n. Tigilan mo ang kahalayan mo."
Ito naman ang nagsabi, gusto lang nito ng panandaliang relasyon. Relasyon kung saan kailangan ko lang manatili sa tabi nito para umaktong tila tropeyo nito. Not that she think that she's one. Kung ano man ang dahilan nito para piliin siya ay hindi niya alam. Siguro kailangan na lang niyang tanggapin na ito na ang tinatahak ng buhay niya ngayon. Ito na ang inihaiin ng buhay sa kaniya.
BINABASA MO ANG
D-Lair Trilogy #1: Rovan Veserra
RomancePakiramdam ni Eliana Azarel ay siya na ang pinakamalas na tao sa buong mundo. Sunod-sunod ba naman kasi ang kinakaharap niyang problema. Kaya nga nang may magbigay sa kaniya ng business card na makakatulong daw sa kaniya ay kaagad niyang pinatulan i...