BAKIT KITA INIIBIG, BAKIT KITA MINAMAHAL?

257 3 0
                                    

Bakit kita iniibig, bakit kita minamahal?
Dahilan ba sa taglay mong kayamanan aking mahal?
Bakit kita 'tinatangi, bakit kita nagustuhan?
Dahil ba sa mayaman ka at kilala sa lipunan?

Iniisip nilang ako'y di tapat sa pag-ibig ko
Na kaya lang kita gusto ay dahilan sa pera mo
O kay sakit naman nilang magsalita't mang-insulto
Kaya ngayo'y lumuluha't nagdurugo itong puso.

Kasalanan bang umibig ang mahirap na tulad ko
Sa dalagang nagpatibok ng puso kong parang bato?
Kasalanan bang magmahal ang mayamang katulad mo
Sa binatang nag-paalab ng puso mong parang yelo?

Hindi ang 'yong salapi ang nagustuhan ko sa iyo
Hindi ang 'yong mamanahin ang sanhi ng pag-ibig ko
Hindi ang 'yong kayamanan ang aking pinipintuho
Hindi ang 'yong pag-aari ang minahal ko ng husto.

O sana ay maralita ka lamang na kagaya ko
O sana ay mayaman din naman akong katulad mo
O sana ay magkapantay lamang ang ating estado
Sana'y hindi tayo ngayon magkaiba dahil dito.

O sana ay hindi ka nga sintaas ng kalangitan
Na mayroong laksa-laksang mga talang kumikinang
O sana ay kasingbaba mo lamang ang isang duyan
O kay dali mo lang sanang maaabot aking hirang.

Subalit ang mahalaga ay ang ating nadarama
Sa pag-ibig natin kap'wa na para sa isa't-isa
Kung handa mong ipaglaban ang pag-ibig nating dal'wa
Ito ang s'yang magbibigay ng lakas at ng pag-asa.

Iniibig kita dahil si Jehova ay mahal mo
Nang higit pa kaysa akin, maging sa sinumang tao
Minamahal kita dahil si Jehova'y una sa 'yo
Sa lahat ng mga bagay, kahit pa sa buong mundo.

Lagda
Allan T. Sampang
Mayo 1, 1997

BAKIT KITA INIIBIG, BAKIT KITA MINAMAHAL?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon