October 8, 2019"Miss, isang bouquet nga." Isa isa kong tiningnan ang mga bulaklak sa flower shop. "Itong scorpion grasses, Miss."
"Sige po, Sir." Tiningnan ko ang wristwatch ko, alas syete na ng gabi. Mali-late na ako sa pupuntahan ko.
"Sir, heto na po." Kinuha ko yung bouquet at inabot ang bayad ko. Nagpasalamat ako kay Ate bago umalis ng flower shop. Nag hintay ako sa bus stop para makapunta sa meeting place namin. Sinabayan pa ng traffic sa Manila, baka kanina pa niya ako hinihintay.
Inabot ko ang bayad ko at bumaba na ng bus, mula sa kinatatayuan ko ay nakita ko siyang nakatayo. Tiningnan ko ulit ang relos ko, labing limang minuto na akong late. Inayos ko muna ang buhok ko at tinuwid ang suot kong damit. Huminga ng malalim at lumapit sa kaniya.
"Love," Pag tawag ko sa atensiyon niya, humarap siya sa akin ng naka busangot. Hindi ko mapigilang matawa. Ang kulit niya rin talaga. "Love, sorry late ako."
"Late ka na naman.." Rinig sa boses niya ang pag aangal.
"Sorry na Love, natraffic lang." Sabi ko sa kaniya. "Para sa'yo." Inabot ko sa kaniya yung dala kong bulaklak. Pinag masdan ko siya, mukha siyang anghel sa ilalim ng buwan. Puting bestida na naman ang suot niya. Lumapit ako sa kaniya at kinulong siya sa mga bisig ko. Huminga ako ng malalim, gusto ko yung ganito. Yung malapit lang siya at laging abot kamay.
"Bitawan mo nga ako," Angal niya ulit at pilit umaalis. Pero hinigpitan ko lang ang yakap ko sa kaniya at hinilog ang ulo ko sa kaniya. "Akala mo nakalusot ka na? Late ka na naman, tapos bakit ba laging scorpion grasses binibili mo sa akin? E mas gusto ko yung rose, o di kaya sunflower. Taon taon na lang scorpion grasses binibigay mo sa akin e." Reklamo niya sa akin.
"'Yan nga kasi ang gusto kong ibigay sayo." Nakayakap pa rin ako sa kaniya.
"Daya mo, gusto ko rose naman sa sunod." Tiningnan niya ako sa mata.
"Okay." Sinandal niya ulit ang ulo niya sa balikat ko. Hinigpitan ko ulit ang yakap at humuni ng kanta at paunti-unti kaming sumasabay sa tunog.
"Kamusta yung trabaho mo? Pinapag overtime pa rin ba kayo ng boss niyo?" Tanong niya sa akin, hinaplos ko ang mga buhok niya at tumingala para makita ang mga bituwin sa langit.
"Oo, pero paminsan minsan maaga niya naman kaming pinapauwi." Sana maaga niya rin akong pinauwi nung araw na yun.
"Sila Tita kamusta na?" Kinakamusta niya sila Mama.
"Okay naman sila, namimiss ka na nung nga yun. Naku! Lalo na si Bunso, panay ikaw ang hanap." Natawa naman siya sa sinabi ko.
"Miss ko na rin sila. Tsaka paano ba naman ako hindi mamimiss ni bunso e ako lang kakampi nun. Lagi niyo kasing pinag tutulungan." Natawa naman ako, totoo nga 'yun. Lagi siyang hinahanap hanap sa bahay namin. At lagi rin siyang hinahanap hanap ng puso ko.
"Alam mo, malapit ng matapos yung bahay natin." sabi ko sa kaniya. Tatlong taon ng pinapagawa yung bahay namin. Natagalan, pero ngayon malapit ng matapos. "Pwede na ngang matulog dun eh, may bubong at kisame na rin 'yun."
"Love, sabi ko naman sayo-"
"Love, bahay natin yun. Pinlano ko yun para sa magiging pamilya natin. Kaya dapat maitayo iyon." Pag putol ko sa kaniya. Buo na kasi yung bahay na yun sa isip ko. Buo na yun, kasama siya at ang magiging pamilya namin.
Napabuntong hininga na lang siya at hindi na tumutol pa."Baka naman binubogbog mo na yunh sarili mo kakatrabaho para lang matapos iyong bahay?"
"Love, kaya ko naman eh. Gustong gusto ko na kasing matapos yun." Huminga ulit ako ng malalim. Hinigpitan ulit ang yakap ko.
Natahimik kami ng sandali. Tumingala ako at pinagmasdan ang nga tala. Tumitig lang ako habang sinasabi ang mga panalangin ko. Sana tumagal pa 'to, sana tumigil na ang oras ngayon.
"Love?" Humugong ako bilang sagot sa pag tawag niya. "May nagugustuhan ka ba sa opisina niyo?" Napabitaw ako sa yakap dahil sa tanong niya. Hinarap ko siya at tiningnan ng seryoso.
"Love, anong klaseng tanong ba 'yan? Syempre wala." Sagot ko sa kaniya, sumimangot naman siya.
"Wala kang nagagandahan kahit isa sa mga babaeng katrabaho mo?" Pilit niya. Umiling ako. "Wala talaga?"
"Wala nga sabi." Sagot ko sa kaniya. Hinila ko ulit siya pabalik sa bisig ko. "Sabi ko sa'yo di ba ikaw lang." Naramdaman ko ang pag buntong hininga niya.
"Love, kailangan ko ng umalis." Bumilis ang tibok ng puso ko. Agad-agad? Tiningnan ko ang orasan, 11:56 AM.
"Love, dito ka na lang." Pakiusap ko sa kaniya. Pero alam naming dalawa na hindi pwede. "Sasama na lang ako."
"Love! Alam mong hindi pwede. Ayoko!" Lumapit siya sa akin at pinunasan ang mga luha sa mukha ko. Kahit ang sa kaniya ay unti-unti na ring tumutulo.
Lumapit ako at dinampi ang mga labi ko sa kaniya. Ibinuhos ko lahat ng nararamdaman ko, ibinuhos ko ang pagmamahal ko na para sa kaniya lang. Ipinikit ko ang mga mata ko at hingpitan ang hawak sa kaniya.
Pagmulat ko ng nga mata ko wala na siya. Kasabay ng pagbagsak ng mga luha ko ang puso ko.
Scorpion Grasses
also called as Forget-me-notsThey represent the immortal
love we have for those who
go before us.