"Ikaw ha, DJ Heart, maharot ka! Sino 'yung caller, ha?" Sinamaan ko nang tingin si James habang tumutugtog 'yung pinatugtog kong kanta.
"Tumigil ka, narinig mo na ngang kahihiwalay noong tao sa GF, masyado kang malisyoso."
"Malay mo naman, ikaw ang maging sagot sa duguan niyang puso." Sabay kindat sa akin.
"Excuse me, ano ako? Taga-hilom ng mga pusong sugatan? Advices, pwede pero kung ganyan, hindi na. Hindi healthy, kapag ganoon."
Hinayaan ko na lang ang malisyosong tingin sa akin ni James. Minsan 'di ko alam kung lalaki ba siya o ano dahil sa lakas niyang tsumismis. At dahil sa nangyari on-air, maraming nakitsismis din sa messages, sino raw ba 'yung tumawag, jowa ko raw ba, ex, etc. Hay nako, ang mga tao nga naman. Pinagbubura ko na ang mga text pero marami pa ring nagtetext tungkol doon.
Ngumingisi-ngisi lang si James na para bang natutuwa sa nangyayari. Inirapan ko lang siya.
Ipinagpatuloy ko na lang ang segment ko. Sobrang sumasakit ang ulo ko, puro mga kabataan ang tumatawag, mostly ang problema, ghinost sila ng mga ka-chat o kausap nila.
"Nako, 'yan kasi ang hirap sa henerasyong ito. Nagpakita lang ng kaunting care, ng kaunting lambing, in-assume na agad na mahal na agad. 'Yun lang kasi gusto ng mga tao ngayon, 'yung pakiramdam na may nagke-care, pero walang label o walang balak magbigay ng label. Kapag ganyan kasi, una pa lang, lilinawin niyo na agad ano ang intensyon." Napamasahe na lang ako sa sakit ng ulo ko, pati ng puso ko. Ewan pero ang bigat sa dibdib.
Tinapos ko na ang segment ko, at nagpaalam na agad kay James dahil siya na ang susunod na sasalang. Biglang sinalubong ako ng guard ng company.
"Ma'am, may naghihintay po sa inyo sa lobby. Kanina pa."
"Sino po kuya?"
"Andrei raw po ang pangalan. Kaibigan niyo raw po siya. Kanina pa po siya d'yan, mga 8pm. Sabi ko po mga 10:30 pa ang tapos ng program niyo, ang sabi niya hihintayin niya raw po kayo." Biglang lalong bumigat ang sakit na naramdaman ko sa puso ko.
"A-ah, sige kuya. Salamat."
Dumiretso na ako sa lobby. Nakita ko nga siya nakaupo sa single sofa, at nakakrus ang mga braso habang nakapikit. Nakasuot siya ng white polo shirt at black pants. Unti-unti akong lumapit sa kanya. Sakto nagmulat siya ng mata.
"Anong ginagawa mo rito?" Tanong ko sa kanya.
"Sabi ko kanina 'di ba, may utang ako sa'yo."
"Utang? Wala kang utang. Kalimutan mo na 'yun. Kahit sino naman, gagawin 'yung ginawa ko. Isa pa, umuwi ka na. Alam kong pagod ka." Umirap ako sa kanya at tumalikod na ako nang hatakin niya ang braso ko.
"I owe you this one, tagal nating 'di nagkita tapos ganito pa tayo magkikita."
"Sabi ko, okay na. Don't make it a big deal and please, kung may gusto kang sabihin, you can message me on Facebook, huwag mo na ako ipahiya on-air." Hinatak ko 'yung braso ko sa pagkakahawak niya.
"I don't have one."
"Then, it's not my problem anymore. Excuse me, uuwi na ako."
Tumalikod na ako pero hinawakan niya ulit ako sa braso. "Ano ba!"
"You're still the same George that I know," ngumisi siya sa akin. "Feisty. I like it."
Pinaningkitan ko siya ng mata. "Ano ba talagang gusto mo?! 'Di ba matagal na tayong walang communication? 'Di ba mas pinili mong lumayo na lang bigla, tapos ngayon magpaparamdam ka?"
Nawala ang ngisi niya at bahagyang napayuko siya sa pagsigaw ko sa kanya. Napapikit ako sa inis. Medyo na-guilty ako sa nagawa ko kasi napatingin ang ilang mga tao na nasa lobby.
Bumuntong-hininga ako. "Kapag pumayag ba ako sa dinner na sinasabi mo, titigilan mo na ba ako?"
Tiningnan niya ako, mata sa mata. Tinapangan ko ang sarili ko at tinitingan ko rin siya, ngunit parang nalulunod ako sa mga tingin niya. Hindi ko rin kinaya at umiwas ako ng tingin. Lalong bumibigat ang nararamdaman ko at sa bawat pintig ng puso ko, ay rinig na rinig ko.
Humakbang siya papalapit sa akin, napaatras ako nang kaunti. Nilapit niya ang mukha niya sa mukha ko.
"Sabi nila, ikaw raw si DJ Heart na nagbibigay ng payo sa mga gustong magmove-on," bumulong siya sa tenga ko. "Help me to move on, then."