Secrets of a Campus Heartthrob is the sequel of The Man in the Shadow (my second completed novel). Before reading this, I advise you to read The Man in the Shadow first. Thank you.
Love,
Xian Javier
Secrets of a Campus Heartthrob
by: Xian Javier
Synopsis
Lumaki ako sa isang middle class na pamilya. Parehong abogado ang aking mga magulang kung kaya nakakasabay kaming tatlong magkakapatid sa luho sa buhay. Ngunit kailangan rin naming pagtrabahuhan ang bawat naisin namin dahil ito ang itinuro ng aming mga magulang. Ang mga magulang ko ay laki sa hirap. Narating nila ang kanilang tinatamasang posisyon ngayon dahil sa pagsisikap kung kaya bata palang ako, ito na ang nakagisnan kong pag-uugali na gusto nilang itanim sa aming mga isipan – ang magsumikap.
Masaya ang aming pamilya sa kabila ng mga tampuhan kung minsan sa aming magkakapatid. Istrikto mang ituring ang aking mga magulang, ramdam namin ang kanilang pagmamahal lalo na kapag may mga natatanggap kaming award sa eskwelahan. Ito ang isa sa mga bagay na hindi nila kayang ipagsawalangbahala. Lumaki ako na achiever dahil sa gabay na ibinibigay nila pagdating sa aming pag-aaral. Ang panganay sa pamilya na si Ate Gwen ay nagtapos sa isang eksklusibong eskwelahan na Suma Cumlaude. Ang kapatid kong si Mariz ay nagtapos namang valedictorian sa elementarya. Kaya naman hinahangaan ang aking mga magulang sa klase ng pagpapalaki nila sa amin.
Nang ako’y magsimulang tumuntong sa high school, nagdesisyon ang aking mga magulang na ipasok sa isang exclusive school for boys. Hindi ko gusto ang ideyang ito ngunit wala akong nagawa dahil ito ang naging desisyon ng aking mga magulang. Alam ko sa sarili ko na may kakaiba akong nararamdaman noon pa man kaya naman kung maaari sanang umiwas sa mga kalalakihan, ginawa ko na. Dahil natatakot ako sa aking sarili. Natatakot akong ipagkanulo ako ng aking sarili kasama ang mga kalalakihan. Maayos ang lahat nang ako’y nagsimula sa St. Matthias Academy. Marami man akong tuksong natatanggap sa aking mga kaklase, ipinagwalang-bahala ko iyon dahil gusto kong maging maayos ang aking pag-aaral. Ayokong bigyan ng kahihiyan ang aking pamilya.
Sa St. Matthias Academy, ang middle class na tulad ko ay mahirap lang kumpara sa aking mga kaklase. Hindi ko sila masisisi dahil ang eskwelahang ito ang pinakakilala at pinakasikat na eskwelahan ng mga “elite boys” sa buong Pilipinas. Lahat na yata ng anak ng mayayaman dito sa Pilipinas ay nandito na. Kung kaya, nanliliit ako sa aking sarili. Binabawi ko na lang ang kakulangan at insecurity kong ito sa performance ko sa eskwelahan.
Marami akong nakilalang naggagandahang mga lalaki sa aming eskwelahan. Hindi man halatang nagkakagusto ako sa mga kalalakihan, ang mga titig ko naman sa kaklase ko ang kumokumpirma sa aking tunay na katauhan. Ngunit sa kabila ng mga tukso sa akin, hindi ko ito hinayaang makaapekto sa aking pag-aaral. Marami man akong hinahangaan sa kanila, wala naman akong maramdamang kakaiba sa kanila. Siguro nga, hindi ko pa talaga alam kung paano umibig.
Nasa ikatatlong taon na ako ng high nang maramdaman kong may kakaibang kabog akong naramdaman sa isang bagong mukha sa aming eskwelahan. Hindi ko siya kaklase dahil nasa kabilang section siya. Napabilang ako sa Gold Section kaya naman halos lahat ng kaklase ko ay mga nerd din na tulad ko. Pilit kong inalam ang lahat ng tungkol sa kanya na hindi nahahalata. Nalaman kong trabsferee siya na galing sa isang exclusive school sa Manila. Unang pasok noon sa aming eskwelahan ng makita ko siyang inihatid ng isang magarang sasakyan. Isang seryosong mukha ang nabungaran ko pagbaba ko sa aming dormitoryo. Ngunit sa kabila nito, hindi matatawaran ang kakisigan ng lalaking ito. Ang kanyang mga bilugang mata ay nangungusap. Tila ba nang-aakit kapag ika’y tiningnan niya. Iba ang kabog ng aking dibidib nang makita ko siya. Alam kong “love at first sight” ang aking naramdaman.