Part Three: The Scrapbook

3.5K 46 0
                                    

ALAS-DIYES na ng umaga nagising si Rowena dahil lagpas alas-dose na sila nakauwi mula sa JS Prom. Mabuti na lamang at itinaon iyon na Biyernes para wala silang pasok sa school kinabukasan.

Mag-isa siyang nag-almusal dahil malamang naman ay nauna nang kumain sa kanya ang mga magulang niya. Parehong CPA ang mga ito na nagtatrabaho sa TRG, ang pinakamalaking auditing firm sa Pilipinas. Malamang ay abala ang Mama niya sa maliit nitong hardin sa labas ng bahay nila, habang ang Papa naman niya ay siguradong nasa garahe at binubutingting ang isang lumang radyo na tatlong taon na nitong sinusubukang kumpunihin. Ang Ate Rhoda niya ay may MA class tuwing Sabado, habang ang Ate Rosa naman niya ay ipinadala ng kumpanya nito sa Japan para mag-training doon. Sa isang linggo na matatapos ang training nito at siguradong paghahandaan ng mga magulang nila ang pag-uwi nito.

"Hija, may tawag ka. Ang kaibigan mong si Lorelei," inaabot sa kanya ng Yaya Hilaria niya ang cordless phone. Ito ang naging tagapag-alaga nilang magkakapatid, magmula sa panganay nilang si Ate Rosa hanggang sa kanya na bunso ng pamilya.

"Thanks, 'Ya." aniya rito nang kunin mula rito ang telepono. "O, Lei. Ang aga mong mang-istorbo?"

"Naka-Inquirer kayo 'di ba? May picture sa sports section ang Wyldon mo."

"Talaga?" sabik na hinagilap niya kung saan inilagay ng Mama niya ang broadsheet. Mabilis niyang inilipat ang mga pahina sa sport section. Nang makita niya ang tinutukoy ni Lei ay na-disappoint siya. "Ay, meron na 'ko nito eh. Eto pa rin yung laban niya kay Pavlov. Wala na ba silang ibang pictures na mailagay? Kainis naman." Pinasadahan niya ang basa ng artikulo. Tungkol iyon sa nalalapit na international chess open na gaganapin sa Malaysia kasama ang binata at ilan pang kilalang chess players ng Pilipinas.

Tumawa si Lei sa kabilang linya. "Tiningnan ko kasi kung sino'ng nanalo sa PBA dahil hindi ako nakapanood kagabi. Eh nakita ko 'yang pagmumukha ng Wyldon mo. Hindi ka siguro nakatulog kagabi, 'no?"

"Ba't mo naman nasabi?"

"Eh yun yung unang beses na nakita ka namin ni Empy na may stars sa mata. Kumukuti-kutitap, Rowena." tumawa itong muli. "Hindi ka naman gano'n kahit nung ma-perfect mo yung quarterly test natin sa Chemistry kay Catacutan."

"Kasi naman, 'no, si Wyldon Rodriguez kaya 'yon in flesh and blood," katwiran niya.

"Alam ko. Para namang sikreto pa sa 'min ni Empy na kinokolekta mo ang lahat ng pictures at article tungkol sa kanya. Sabi na kasi sa 'yo, mag-hire ka na ng isa sa mga detective ni Papa, para kahit picture ni Wyldon habang naliligo, meron ka." May-ari kasi ang pamilya nito ng Villamayor Security and Detective Agency, Incorporated.

"Lei, ano ba 'yan! Pino-pollute mo ang image ni Wyldon."

"Naii-imagine mo kasi siyang naliligo, 'no?"

"Lorelei Villamayor! Sa'n mo ba napupulot 'yan?"

"Sa mga kuya ko." Narinig niya ang pagpalatak nito sa kabilang linya. "Ibahin na nga natin ang usapan. Alam mo bang tinanong ako ni Papa kanina kung gusto ko raw pumasok ng PMA? Hindi pa 'ko nakakapagmumog at nakakapagtanggal ng muta eh iyon na agad ang ibinungad sa 'kin. Grabe."

"Teka lang, gusto mo bang mag-sundalo?"

"Ayoko. Wala akong 'calling' sa ganyan tulad nila. Ikaw ba tinatanong na d'yan sa inyo tungkol sa pagka-college mo? Malamang sa Ateneo ka 'no? 'Pag first year college na tayo, fourth year naman si Wyldon. Aysus, malamang kailangan mong magsabit sa leeg ng bib para pamunas ng laway mo tuwing papasok ka ng school."

"Sira. Ayoko nga siya makasama sa iisang school. Sa UP Diliman na lang ako, kung papasa ako sa UPCAT. Malamang kasi kung sa Ateneo ako, ang lagi ko na lang iisipin ay kung kelan kami magkakasalubong ni Wyldon, at iro-romanticize ang idea na nasa iisang school grounds lang kami."

"Quezon City din kaya ang Diliman, sira. May tsansa rin kayong magkita ni Wyldon, nasa iisang kalupaan lang din kayo, 'no."

"Sira ka rin. Na-compute ko na kaya yung probability. I factored land parameters at pati na rin class hours, mas malaki yung chance na magkita kami ni Wyldon kung mag-aaral ako sa Ateneo kesa kung mag-aaral ako sa UP."

"Kamote naman Rowena, nag-compute ka pa? Gusto mo bang ibili kita ng isang kahon ng common sense? Meron nun sa sari-sari store malapit dito sa 'min. Buy one take one."

"Sira."

"Mas sira-ulo ka." Saglit itong nagsalita ng malayo sa mouth piece ng telepono na animo may ibang kinakausap. Maya-maya ay muling luminaw ang boses nito. "Hoy, ba-bye na, inuutusan ako ng tatay ko."

"Okay, ba-bye."

Pagkababa niya ng telepono ay binalikan niya ang broadsheet na binabasa kanina. Dinala niya iyon sa kwarto niya at ginupit ang picture ni Wyldon at ang artikulo kung saan ito nabanggit. Kinuha niya ang green na scrapbook sa ilalim ng salansan ng mga damit na pambahay niya. Meron na naman siyang idadagdag sa koleksiyon niya.

Heart Over MindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon