A/N
Hi angels! Kung sobrang nalalaliman na kayo sa tagalog, you can read my other works. Prince and Ferell Series. I tend to use deep tagalog (trying hard) in Gazellian Series to make it a realistic historical-fantasy fiction, at hindi maging jeje. Haha. Please get used to it. We have 10 installments in this series so goodluck sa ilong nating lahat!
Chapter 39
Ikatlong Reyna
Nagpatuloy sa mabilis na pagtakbo ang karro na gawa sa yelo mula sa kapangyarihan ng prinsipe ng mga nyebe. Ang kidlat na lumilibot sa mismong aming dinadaanan ay binigyan pa rin ng proteksyon ni Evan, ang hangin mula kay Casper ay iniiwas ang anumang atake mula sa ere, mga sibat at palaso ay hindi nakakalampas kay Caleb at ang ilusyon ni Finn ay nananatili pa rin nakalilinlang sa napakaraming kalaban.
Ngunit sa ngayo'y ang enerhiyang mahigpit naming kalaban ay ang siyang nagmumula sa lumulutang na lotus, pilit kaming itinutulak ni Dastan nito pabalik sa lupa dahilan kung bakit unti-unti na namin nararamdaman ang pagbagal ng takbo ng karro.
Matindi ang koneksyon namin ni Dastan sa presensiya ng kanyang mga kapatid kdahil halos nakayakap na ang mga kapangyarihan nito sa amin, dahilan kung bakit madali nilang nararamdaman kung ano ang sitwasyon namin ni Dastan.
Si Zen ang unang nakadama nito dahil sa paggalaw ng karro, sinubukan niyang magdagdag ng pwersa ngunit higit na malakas ang nagtutulak pabalik sa karro.
Nanatiling nakataas sa ere ang lumiliwanag na espada ni Dastan, ngunit sa kabila ng nag-uumapaw na kapangyarihan na namumula sa maalamat na espada sa kamay ng hari, hindi nito maitatago ang pamumuo ng kanyang pawis. Hindi lingid sa aking kaalaman na hindi madalas gamitin ng hari ang espadang ito at ang biglaang paglalabas nito sa gitna ng digmaan ay maaaring magdala ng hindi kasiguraduhang tagumpay.
Hindi ko man alam ang buong impormasyon tungkol sa kakayahan ng espada niya may ilan pa rin akong nalalaman tungkol dito, bukod sa may sarili itong buhay, karakter na kabaliktaran sa nagmamay-ari nito, isa rin itong uri ng espada na nais humingi ng kapalit at negosasyon sa gagamit sa kanya.
At sa nakikita ko sa mga mata ni Dastan, alam kong wala na siya sa mundong ito. Siya'y kasalukuyan nang naiipit sa isang dimensyon na tanging siya at ang kanyang espada lamang ang maaaring magpalitan ng salita.
Kanyang presensiya'y nananatiling nandito, ngunit ang kanyang isipan ay siguradong nakikipagtunggali sa maalamat na espada.
Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi, sa kabila ng baliktad na karakter ng espada at nagmamay-ari nito, may mga bagay pa rin silang mahigpit na pagkakapareho.
Ang espada at ang hari ng Sartorias ay kapwa may angking talino at ang tunggalian ng kanilang mga salita at palaisipan ay sana'y hindi tumagal ng ilang minuto sa mundong ito.
Sinubukan kong ihiwalay ang aking sarili kay Dastan habang matikas pa rin siyang nakatindig na tila hindi nawawala ang kanyang diwa sa kanyang katawan. Huminga ako nang malalim kasabay ng aking dalawang kamay na unti-unting humahawak sa kamay ni Dastan na may hawak ng nagliliwanag na espada.
Lumingon ako sa likuran upang bigyan ng hudyat ang kanyang mga kapatid, alam kong hindi na lingid sa kanilang kaalamang ang kanilang hari'y kasalukuyang naiipit sa isang dimensyon.
Kailangan naming tulungan si Dastan, habang siya'y hinuhuli ang loob ng maalamat na espada at pinatutunayan ang kanyang sarili, kami'y gagawin ang lahat upang may sumalubong sa kanyang daan patungo sa tagumpay.
"Mahal na Reyna," bulong ni Finn sa aking isipan.
Ito ang isa sa hinahangaan ko sa magkakapatid na Gazellian, ang mga salita'y hindi na kailangan sa kanila upang kanilang mabasa ang sitwasyon. Tila ang pinakamaliit na detalye sa kanilang magkakapatid na walang pagkakataong makalampas sa kanilang mga mata.
BINABASA MO ANG
Moonlight Blade (Gazellian Series #4)
VampirosJewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other goddesses her age when it comes to power and ability. And as someone who is afraid to stand up for herself, she already accepted her unfortunat...