Paano nga ba?

3 0 0
                                    

Tok! Tok! Tok!

Ala-una pa lamang ng madaling araw. "Sino naman kaya ang nanggagambala sa ganitong oras?!" nasambit niya. Bumaba ang babae upang alamin ang malakas na katok. Dahan-dahan ang kanyang paglakad. Unti-unti niyang pinihit ang seradura. Bumulaga sa kanya ang tahimik at malamig na dampi ng dilim. Akmang isasara na niya ang pinto nang mapansin ang isang papel sa may lapag. Agad itong kinuha ng babae at isinara nang tuluyan ang pinto. Dali-dali niyang binuksan ang nakatuping papel na kanyang nakita at binasa ang nakasulat dito:

"Ang mga nakatatakot na kuwento o horror stories ay naglalaman ng mga pangyayaring hindi kapani-paniwala, maaaring likha ng aking malawak na imahinasyon, o di kaya'y mga karanasanang nakapanghihilakbot na tila ba maituturing na mga bangungot. Oo. Alam ko at alam mong iilan lamang talaga (kung ikukumpara sa mga taong ang hilig ay mga kuwento ni jonaxxx at blue_maiden na kung hindi mo kilala ay nariyan si Ginoong Google upang hanapin kung sino ang mga ito) ang mga taong may hilig sa nakatatakot, nakapagtataas ng balahibo, at nakasusukang mga kuwento ngunit kung ating huhukayin sa kailaliman ng pagsusuri at pagpapakahulugan ay may mas gustong iparating ang mga ganitong uri ng pagsasalaysay. Nais kong baguhin ang persepsyon ng bawat nilalang, na ang mga kuwentong nakatatakot ay hindi dapat katakutan (oo, sadyang ironic ang pahayag na ito), kundi mas lalong pagyamanin at tangkilikin.

Sa mga kuwentong ito ay gusto kong ipahayag ang aking saloobin at mga hinanakit, sa isang kakaibang pamamaraan ng pagsusulat, isang malalim na paghukay sa mga damdaming napapaloob sa kaibuturan ng aking pumipintig na puso. Nais ko ring ipakita at iparamdam sa mga tao na maipakikita rin ng isang manunulat ang kanyang mga karanasan sa buhay sa mas malikhaing pagpapahayag na ikinukubli sa mga anino ng mga kuwentong mula sa kadiliman.

Naglalaman ang mga isinusulat kong kuwentong ng tatlong pangunahing pampalasa na nakapaloob sa bawat kuwento (ngayon ay isipin mo kung bakit pampalasa ang itinawag ko sa mga ito, hmm).

Ang una ay ang pamagat. Bakit pamagat? Ano namang mahalaga sa pamagat? Ngunit para sa akin ay isang epektibong pagganyak ang pamagat ng isang kuwento. Nakawiwiling basahin ang isang akda kung sa pamagat pa lamang ay nakaaakit na. Halimbawa, kung ang pamagat ng isang akda ay 'Ang Maputing Katas mula sa Ulo ni Junjun,' hindi ba't nakaaakit basahin? Kung kaya't para sa akin ay isang mahalagang pampalasa sa akda o kuwento ang pamagat.

Ikalawa riyan ay ang damdamin o emosyon ng akda. Hindi ang pag-iyak o pagtawa ng tauhan sa kuwento ang tinutukoy ko, kundi ang idinudulot ng kuwento sa mga mambabasa nito. Nakapagdudulot ba ito ng kalungkutan? ng kasiyahan? ng pagkamuhi? Iyan ang nais kong iparamdam sa mga tao, alisin at ibahin ang kanilang persepsyong nakadidiri o nakapanghihilakbot sa mga ganitong uri ng akda. Bibigyan ko sila ng isang bagong pagkamulat, isang bagong pagtuklas na hindi dapat katakutan ang mga kuwentong ito, kundi magdulot ng ibayong emosyon sa puso ng mga mambabasa.

Ang huli sa tatlong pangunahing pampalasa ay ang kahulugan ng akda o kuwento. Ang masasabi kong pinagkaiba ng aking mga akda ay ang mismong mga mambabasa ang magbibigay ng kahulugan sa mga ito. Ang tanging trabaho ko lamang bilang manunulat ay likhain ang mga akda, iisipin at isusulat ngunit ang maghuhukay ng pagpapakahulugan ay ang mga taong may hawak ng aking mga akda. Oo, kung titingnan at babasahin ay tila normal lamang ang mga ito, mga simpleng kuwentong likha ng malawak na imahinasyon ngunit kung titingnan ay nakakubli sa mga nakalimbag na salita ang mga nais ipakahulugan ng mga ito. Oo, MGA nais ipakahulugan sapagkat hindi lamang iisa ang pagpapakahulugan na maaaring makita sa mga kuwentong ito, mga kandado ng kahulugan na mabubuksan ng mga mambabasa sa oras na matunton nila ang susi ng kaisipa't pagbabasa.

Masasabi kong sa tatlong pangunahing pampalasang iyan ay ang huli at ikatlo ang aking nais na bigyang-pansin at iparating sa mga magbabasa ng aking mga kuwento. Isa sa aking mga kaibigan (itago na lamang natin sa pangalang Martian) ang pinagbasa ko ng isa sa aking mga likha at ayon sa kanyang pagbasa't pagsuri sa kuwento, nakalikha siya ng iba't ibang pagpapakahulugan na maaaring tungkol sa kanyang sarili o kaya'y sa lipunang ginagalawan niya. Kung kaya't aking napagtanto na mabibigyan ng bagong kulay at karanasan ang mga kuwentong nakatatakot kung ang mga mambabasa nito ang lilikha ng kanilang sariling persepsyon, hindi iyong nakakulong sa nag-iisang pagpapakahulugan na ibinibigay ng may-akda. Iyong tipong lilikha ang mambabasa ng isang panibagong akda mula lamang sa kanyang binasa. Hindi ba't nakatutuwang isipin na maraming tao ang may maipakikitang mga nakatagong sining sa kanilang pagkatao sa oras na iyon ay maipalaganap sa pamamagitan ng aking mga akda?

Bilang pagtatapos ng sulat na ito, nais ko lamang iwan ang iilang mga katanungan. Oo, ikaw na nagbabasa nito, ikaw na may hawak nitong sulat. Nais kitang tanungin. Mahal mo ba ang wikang Filipino? Alam kong 'oo' ang isasagot mo sapagkat ika'y isang Pilipino, ngunit hanggang saan at kailan aabot ang pagmamahal mo sa wika? Kaya mo bang ibuhos ang iyong sarili para sa pagtatanggol ng ating wika? Hihintayin ko ang iyong kasagutan. Hanggang sa muli, Bb. Horestia Robles Reyes."

Natigalgal ang babae sa kanyang nabasa. Tuliro siyang bumalik sa kanyang silid. Wala siyang maisip na taong magpapadala sa kanya ng sulat na iyon. Isa pa sa mga nakadagdag sa kanyang pangamba at takot ay kung bakit alam ng nagpadala ng sulat ang kanyang buong pangalan. Ang tangi lamang niyang ginagamit sa kanyang mga blog ay ang sagisag-panulat na 'HORROR' kung kaya't imposibleng malaman ng hindi niya kakilala ang kanyang tunay na katauhan. Nanginginig siyang umupo sa sahig. Iisa lamang ang ideyang pumasok sa kanyang isip. STALKER. Oo, iniisip niyang isang stalker ang nagpadala ng sulat.

Nagulat siya. Biglang bumaha ang kadiliman sa kanyang bahay. Kasabay ng pagpatay ng mga ilaw ay yaong paglitaw ng isang anino mula sa labas ng kanyang bahay. Sa pakiwari niya'y isa itong lalaki at may tangang palakol. Nagmadali siyang nagtago sa ilalim ng kanyang kama. Tahimik. Bumalik na rin ang kaliwanagan sa bahay. Dahan-dahan siyang gumapang at lumabas. Sa pagtayo niya ay tumambad ang isang malaking tao. Kasabay ng kanyang impit na sigaw ay yaong pagkawala ng itim na tao sa kanyang harapan, ngunit gayon na lamang ang pagkabigla at pagkatakot ng babae. Ang malaking tao na may hawak na palakol ay nasa likuran ng nagbabasa nito!



#

🎉 Tapos mo nang basahin ang Paano ang Magsulat? (ng Horror! Takot Acqoeh!!) 🎉
Paano ang Magsulat? (ng Horror! Takot Acqoeh!!)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon