Chapter 44

125K 8.5K 2.3K
                                    

Chapter 44

Tawag


Liwanag na tila talim ng espada...

Liwanag na siyang higit na magniningning sa gitna ng digmaan...

Liwanag na siyang uupo sa pinakamatayog na trono...

Sa gitna ng pagpili sa pagitan ng magkasalungat na direksyon, sa sandaling tila ang oras ay tumigil, paghinga'y naimpit, paghagpos ng pawis sa pisngi'y nanlamig, mga alikabok sa hangi'y nabitin, mga nagsasagupang kapangyariha'y tila nanlabo at ingay na karahasan ay tila hinihigop sa kawalan.

Mga katagang kusang inusal ng aking sariling mga labi'y kinilala bilang propesiya. Propesiyang bumulong sa bingit ng aking pagpili sa gagawing pinakamahalagang desisyon.

"Leticia..."

Isang malambing na boses ang siyang umagaw sa aking atensyon. Sa isang iglap ay muling nahati ang aking direksyon, sa daan patungo sa pagpili ng direksyon patungo kay Dastan at sa mga Le'Vamuievos o sa daang patungo sa malambing na boses na siyang hinahanap-hanap ko.

Kusang humakbang ang aking mga paa sa pamilyar na lugar na itinuri kong siyang pinakamainit na parte ng Deeseyadah.

Init ng unang pagpaparamdam ng pagmamahal. Sa balon ni Diyosa Neena.

"D-diyosa Neena..."

Matamis na ngiti ang isinalubong niya sa akin. Nanlambot ang aking mga tuhod habang sapo ko ang aking bibig upang pigilan ang anumang ingay na aking maaaring gawin.

Tumulo ang aking maiinit na luha, marahan niyang ibinuka ang kanyang mga braso sa akin at kusa nang tumakbo ang aking mga paa patungo sa kanya.

"Diyosa Neena..."

Halos itapon ko ang aking buong sarili sa kanya, mainit na yakap ang tumanggap sa aking buong sistema. Tuluyan nang yumugyog ang aking mga balikat at sinimulan ko nang humikbi na tila isang batang hindi na nais kumawala sa kanyang ina.

"Leticia, ang layo na ng narating mo..."

Gusto kong umiling sa kanya. Ano na nga ba ang narating ko simula nang isakripisyo niya ang kanyang buhay para lamang sa akin?

May mga bagay ba akong maipagmamalaki sa kanya ngayon? Ang tanging maibabahagi ko lamang sa kanya ay walang katapusang suliranin na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano masasagot.

"P-paanong malayo na, Diyosa Neena? Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakikita ang dulo ng laban ko. At habang tumatagal ay tila mas humahaba ang daan patungo sa aking tagumpay."

"Leticia, simula nang ipaglaban mo ang iyong posisyon bilang Diyosa ng Buwan, nagsimula ka nang tahakin ang daan patungo sa'yong tagumpay. Pinakawalan mo si Nikos na siyang sinisisi ng lahat, naputol ang ilang daang taong pader na nakapagitan sa mga lobo at bampira---"

"Dahilan kung bakit may naglahong dalawang emperyo, ngayon ay isinisisi nila iyon lahat sa mga taga Parsua Sartorias. Marahil ang dalawang reyna'y sinisisi si Reyna Talisha kung bakit sa loob ng pitong emperyo'y sa kanila mga naglaho. Ngunit ako ang may kasalanan..."

"Ikaw ba ang pumili ng emperyo, Leticia?" natigilan ako sa tanong ni Diyosa Neena.

"Ang sumpa mismo ng pinakamalakas na diyosa ang siyang pumili ng emperyong maglalaho." Pinunasan ni Diyosa Neena ang luha ko sa aking pisngi.

"Ang lahat ng pangyayaring nagaganap ay may dahilan, Leticia, maliit man o malaking detalye."

"Ngunit Diyosa Neena, iyon na ang aking ginagawa. Ang lahat ng nakikita ko, mula sa panaginip, pangitain, mga hakbang mula sa ibang emperyo at maging ang mga nangyari sa nakaraan ay lubos kong binibigyan ng pansin." Nagsimula nang sumakit ang ulo ko.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon