Mukhang napako na ang ating pakahulugan sa salitang “korapto” sa mga opisyal na nangungurakot sa kaban ng bayan, mga kompanya o departamento. Hindi lamang ito salita na pantukoy sa kanila. Sinuman ay maaaring maging “korapto” pinuno ka man o hindi, bata ka man o matanda, may pera ka man o wala, basta may kamalayan ka na sa mundo, nominado ka sa pagiging “korapto”.
Ang tao ay hindi nagiging “korapto” dahil sa direktang ginagawa niya kundi sa pagpapaubaya at pagkaalipin niya sa maling dahilan ng ginagawa niya. Estado ito ng kamalayan kung saan may pagkasirang nagaganap. Ang isang tao ay hindi tintawag na korapto dahil sa pangungulimbat niya ng salapi. Tinatawag siyang korapto dahil sa nasira ang kanyang hangarin na maglingkod ng matapat kapalit ng salaping mabubulsa. Dahil dito, sinumang tao na masira ang mabuting hangarin dahil sa pagkaalipin sa makasariling intension o maling kaalaman ay matatawag na korapto.
Hindi lamang salapi ang nagiging dahilan kung bakit nagiging korapto ang isang tao. Nagiging korapto din tayo kapag maling kaalaman ang ating pinaniniwalaan o sinasabuhay. Nagiging korapto din tayo kapag naapapaalipin tayo sa ating mga kasalanan at kahinaan.
Ngayon, marami na ang mga korapto. Tamad na kasi ang tao sa pagninilay kung ano ang tama at mali. Narito ngayon ang isang konspirisiya na nagdidikta ng pinagkasunduang kaalaman ng bayan. Kung hindi ka magninilay, mapapasailalim ka sa kanyang katuruan at iisipin mong nasa panig ka ng kabutihan dahil napagkasunduan ito ng karamihan. Hindi mo mamamalayan na nasa estado ka na pala ng korapsyon. Hindi mo malalaman hanggang hindi ka magninilay.
Ngayon, baligtad na mag-isip ang mundo. Ang sinumang lumabas sa naghaharing konspirisiya, sila ang matatawag na korapto sa paraang sinisira nila ang kasalukuyang ikot ng mundo. Kahit ang kasaysayan ay magpapatunay kung paano nila binaligtad ang kaso ng mga sumalungat sa konspirisiya. Noong panahon ni Socrates, pinatawan siya ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pag-inom ng lason (hemlock) dahil sa kanyang pagsalungat sa kaisipan ng mga mamamayan at namumuno sa Athens at sa paratang na corruption of minor. Noong panahon naman ni Hesus, pinatawan siya ng kamatayan sa krus dahil rin daw sa pangungurapto o pagsira sa isipan ng tao at higit sa lahat dahil sa inggit at balikong paninindigan ng mga hipokrito at Pariseyo.
Ngayon, korapto na ang bawat isip. Wala nang nakikialam sapagkat kontento na ang tao sa ganitong buhay. Bakit pa nga ba kokontra?
Nakakalungkot nga lamang sapagkat pinagsisigawan ang pakikipaglaban sa korapsyon sa gobyerno subalit hindi naisasantabi ang mismong nagaganap na korapsyon ng isip at puso ng tao. Ano pa nga bang hihigit sa pagkasira ng diwa ng tao? Masusugpo ang lahat ng uri ng korapsyon kapag mismong ang mga puso ng tao ay malinisan ng bawat isa. Mawala man ang lahat ng mandarambong sa bayan, walang halaga iyon kung mismong ang kalooban ng bawat nilalang ay ninakaw na ng konspirisiya.