Prologue

264 5 1
                                    


Halos hindi na makita ni Allison ang daan dahil sa tubig ulan na umaagos sa windshield ng sasakyan niya at sa mga matang hilam ng mga luha habang nagmamaneho. Hindi niya akalain na magagawa siyang lokohin ni Johnny, ang kanyang kasintahan. Halos mag-iisang taon na silang magkarelasyon subalit hindi man lang niya pinagdudahan maski isang beses na niloloko siya nito.

Huli na nang matuklasan niya. Kung hindi pa niya ipinagtapat rito ang pagbubuntis ay hindi niya malalaman. Ang inaasahan niyang maligayang araw para sa kanya dahil sa wakas ay magkakaroon na siya ng sarili niyang pamilya na matagal niyang hinangad magmula nang maulila siya sa sariling mga magulang ay parang isang bula na naglaho nang sabihin ng lalake na hindi siya nito puwedeng panagutan dahil ikakasal na ito.

Hindi niya mapaniwalaan ang sinabi ng lalake. Noong una, ang akala niya ay nagbibiro ito subalit nang mapagtanto na seryoso ang lalake ay hindi lang ang pangarap niya ang nadurog kundi pati na rin ang puso niya.

Pakiramdam niya ay siya na ang pinakatangang babae sa buong mundo. Hindi siya naniwala noon sa mga usap-usapan sa opisina nila na may ibang babae sa buhay nito dahil aaminin niya, mabilis na nahulog ang loob niya sa ipinakitang kabutihan nito sa kanya. Ipinaramdam ni Johnny sa kanya kung gaano siya kahalaga. Sa katulad niyang pinagpasa-pasahan ng mga kamag-anak at ilang beses na nakaramdam na pabigat lamang siya para sa mga iyon, ang atensiyon at pagpapahalaga na ibinigay ni Johnny sa kanya ay malaking bagay.

Ito ang unang nobyo niya. Minahal niya nang lubusan ang lalake at halos naging bulag siya sa sinasabi ng iba. Kahit may mga kamag-anak siya, pakiramdam niya ay nag-iisa lang talaga siya. Nang magkatrabaho ay itinaguyod niya ang sarili. Nagpakasubsob siya sa trabaho at pinilit na iniangat ang pamumuhay kahit na kaunti dahil ayaw na niyang maging pabigat sa mga kamag-anak niya na hindi itinago ang tuwa nang umalis siya sa poder ng mga iyon. Nang makaipon ay pinilit niyang makabili ng second hand na sasakyan maski pa luma na ang modelo para lang masabi niya sa sarili niya na mayroon siyang pag-aari na kanya lang, iyon pa lang ang kaya niyang ipundar.

Nang makilala niya si Johnny, ipinaramdam nito sa kanya na importante siya. Nadala siya sa mga matatamis na salitang binitiwan nito sa kanya at sa mga pekeng pangarap na binuo nito kasama siya. Kaya naman kahit ilang buwan pa lamang silang magkarelasyon ay walang pag-aalinlangan na ibinigay niya ang sarili sa lalake. Binalewala niya ang mga naririnig tungkol sa binata.

Ngayon ay sising-sisi siya. pero kahit anong pagsisisi niya ay hindi na niya mababago pa ang nangyari.

Galit na hinampas niya ang manibela kasabay ang isang malakas na sigaw. Ni hindi niya alam kung saan papunta ang daan na tinatahak niya dahil nang iwan niya si Johnny sa lugar kung saan sila nagkita ay basta na lang niya pinaandar ang sasakyan nang hindi alam kung saan pupunta.

Dahil sa tulirong isip ay hindi niya napansin na nawawala na pala siya sa lane niya. Huli na nang rumehistro sa utak niya ang ilaw ng kasalubong na sasakyan, kaagad na kinabig niya ang manibela subalit naging mabilis ang sumunod na nangyari, naramdaman niya na parang may tumama o tinamaan ang sasakyan niya kasabay ang malakas na impact ng kotse niya sa sakayan na nasa unahan at ang malakas na tunog na pagkakabungguan ng dalawang metal kasabay ang malakas na sigaw na nanggaling sa kanya.

Ang huling rumehistro sa kanya ay ang matinding sakit mula sa puson niya.

Pagmulat ng mga mata ay ang pagkirot ng ulo ang unang naramdaman niya. Napahawak siya roon at nakapa ang benda. Hindi niya magawang bumangon dahil parang mabigat ang katawan niya at.. makirot. Iginala niya ang paningin sa maputing kapaligiran, nasa hospital siya, napatingin siya sa mga higaan na katabi ng hinihigaan niya, ang ilan sa mga iyon ay bakante. Nanunuot rin sa ilong niya ang amoy ng disinfectant.

Vengeful TouchWhere stories live. Discover now